Welcome to the Philippines!
Ilang ulit na pala akong binabati ng isang magandang estewerdes ng eroplanong aking sinakyan pabalik ng aking bansang sinilangan. Isang matamis na ngiti naman ang aking iginanti dito.
Sampung taon na rin pala ang lumipas mula noong ako ay umalis at magpasyang maging OFW sa bansang Amerika. Dito ako ay nakipagsapalaran at hinanap ang magandang kapalaran.
“Oh, anak…. desidido ka na ba talagang mangibang bayan?”, tanong ni Aling Tonya sa anak habang abalang nag aayos ng mga gamit nito sa maleta. Patuloy lang si Bea sa pagtiklop ng mga damit at hindi sinasagot ang ina.
“Paano ang mga bata?”, “Sanay sila na katabi lagi ang kanilang ina at siyang nag aasikaso sa kanila.”
“Ang liliit pa ng mga bata, kaya mo ba silang iwan?”
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Bea, “ Nay alam naman ninyo ang sagot ko dyan,matagal ko rin ho itong pinag isipan.Mahirap man ay aking titiisin para mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking mga anak.”
“Kayo na ho muna ang bahala sa aking mag – aama.”
“Anak, mag iingat ka doon ha”, Naiiyak na wika ni Aling Tonya.
“Alagaan mo ang sarili mo, huwag kang magpapabaya, balita ko ay malamig doon sa Amerika, mahina ka pa naman sa lamig,” ani Aling Tonya, habang patuloy sa pag aayos ng mga gamit nito,
“Bakit ba naman kailangan mo pang umalis?”
“Maayos na naman ang sweldo mo bilang guro ah”, pagpapatuloy nito na parang layon pang baguhin ang isip ng anak.
“Nay, mag – iipon lang ho ako, lumalaki na ho kasi ang mga bata, marami na rin ho silang pangangailangan, nangangamba kaming mag asawa na baka hindi namin ito maibigay sa kanila.”
“Sige anak kung iyan ang desisyon mo, nawa’y patnubayan ka ng Panginoon sa iyong pupuntahan at huwag kang makakalimot sa Kanya.”
“Opo Inay, mag iingat ho ako palagi at aalalahanin ang mga bilin ninyo.”
……Sampung taon!......malaki na din ang ipinagbago ng paligid. Iniikot niya ang paningin sa kalawakan na kanyang kinauupuan.
Nag tataasang mga building na kung bibilangin ko ang palapag nito ay hindi ko agad mawawari kung ilan. Iba – ibang kulay ng mga ilaw, mga establisyemento ng mga kainan at pasyalan na ang tanging hindi ata nagbago ay ang mas humaba pang pila ng mga sasakyan.
Napadako ang aking tingin sa malalaking kahon sa aking tabi. Ang sarap pagmasdan ang bunga ng aking pagtitiyaga sa ilang taon.
Nagniningning ang kanyang mga mata nang may halong pananabik na mabuksan ang kahon at maiabot sa knyang mga anak at mga kapamilya ang mga laman nito.
“Oo, may mga laruan …subalit hindi nito kayang tumbasan ang oras na nawala sa mundo ng kanilang pagkabata, may mga mamahaling pabangong hindi kayang pantayan ang haplos sa bawat pagpolbos sa likod ng kanilang kamusmusan.”
Hindi niya napigilan ang pagpatak ng kanyang mga luha.
“Mommy,” “Mommy” …tinig iyon ng isang batang lalake na may edad labindalawa, at batang babaeng nasa edad labing isa na tumatawag sa kanya. Hinanap ng kanyang paningin ang pinanggagalingan ng mga munting tinig. Magkahalong saya at pananabik ang kanyang naramdaman sa mga oras na iyon.
Pakiramdam niya ay tila ba tumigil ang ikot ng mundo habang masuyo niyang yakap yakap ang kaniyang mga anak.
“Mano po Inay, Mano po Tatay”, kumusta na po kayo? Hindi po ba kayo napagod sa biyahe”?
“Hindi naman anak, ayos lang kami ng tatay mo.”
“Kasama po ba ninyo ang mga kapatid ko?”
“Naku eh hindi na namin isinama at bukas ay pista sa ating bayan, walang mag aasikaso sa atin kapag lahat ay isinama ko.”
“Naku, oo nga pala, tamang tama ang uwi ko at muli kong masasaksihan ang Pista.” Na miss ko ang Pilipinas, na miss ko kayong lahat.
“Hala, sige, tamana ang ating dramahan, baka tayo ay magkaiyakan pa dito”, wika ni Mang Badong. “Sumakay na tayo at sa atin na lamang tayo mag kwentuhan.”
“Ang saya ng puso ko, para akong nakasakay sa mga ulap.” bulong ni Bea sa sarili , may mga nakasalamuha man akong ibang taong itinuring kong kadugo, pero iba pa rin ang pakiramdam kapag kasama mo ay ang iyong tunay na pamilya.
Paghinto ng sasakyan ay dali dali akong bumaba.
“Welcome Home!”, ang sabay sabay na pagbati ng aking buong pamilyang matiyagang nag hintay sa aking pagdating.
“Salamat sa inyong lahat”, agad kong nilapitan sina Lolo at Lola, mga Tiyo at Tiya, hinagip ko ang kanilang mga kamay upang magmano. Ilang taon man akong nawala ay hindi ko pa rin nalilimutan ang itinuro sa akin noong bata pa ako, ang nakagawiang tradisyon na pagmamano o paghalik sa kamay ng mga nakatatanda bilang tanda ng pag galang.
Niyaya ko silang lahat pumasok sa loob ng bahay at sinimulan kong buksan ang malalaking kahon na aking dala dala,
“Oh, heto mayroon ditong mga tsokolate, pabango, bag at lahat ng mga bilin ninyo sa ‘kin…. lahat ay mayroon diyan,” wika ni Bea na masayang iniaabot ang kanyang mga pasalubong sa bawat isa.
“Nakakataba ng pusong makita ang kanilang mga ngiti.”
Matapos ang aming masayang kainan at kwentuhan, isa isa na din silang bumalik sa kanilang mga tahanan.
Lahat ay naging abala sa preparasyon para sa Pista ng Bayan. May sagsabit na mga palamuti at makukulay na banderitas sa paligid. Damang dama ang kasiyahan at pasasalamat sa Poong Maykapal para sa kasaganaang natamasa sa buong taon. Ang mga kababaihan ay abala sa pagluluto ng suman (rice cake), samantalang ang mga kalalakihan naman ay tulong tulong sa pagkatay ng baboy, manok at kambing na ihahain sa pagdiriwang. Makikita pa rin ang bayanihan habang sama sama nilang ginagawa ang mga pag hahanda.
“Panahon lamang ang lumipas, ngunit ang kultura at tradisyong Pinoy ay buhay na buhay pa rin sa puso ng bawat isa.” bulong ni Bea sa sarili habang minamasdan ang mga tao sa paligid.
Tumungo ako sa aking silid upang magpahinga ngunit di pa nagtatagal na nakalapat ang aking likod sa higaan ay ginising na ako nang malakas na tilaok ng mga tandang.
Agad kong tiningnan ang aking relo, alas singko na pala ng umaga. Galak na galak ang aking puso, “nasa ‘Pinas na nga pala ako”.
Kahit alas singko pa lamang ng umaga ay maliwanag na ang paligid.
Hinanap ko agad ang aking mga anak at natagpuan ko silang nanonood ng dumaraang musiko sa tapat ng aming bahay. Aliw na aliw ang aking mga anak at gayundin naman ako. Pagkatapos manood sa pagdaan ng banda ay niyaya ko muna ang aking mga anak sa loob ng bahay upang kumain. Pinaliguan ko na rin sila at binihisan ng mga damit na angkop sa pagsimba.
“Na – miss ko ang pagiging ina sa kanila” bulong ni Bea sa sarili.
Nagsimba ang buong mag anak upang magbigay papuri sa Panginoon. Pagkatapos ng misa ay dagling umuwi ang bawat isa upang salubungin ang mga bisitang paparating.
Habang abala sa paghahain ay biglang ngsalita ang aking bunsong anak.
“Mommy, pwede po bang magtanong?”
“Oo naman anak, ano yun?”
“Aalis ka pa ba ulit?” Iiwan mo ba ulit kami ni Kuya?”
“Kasi, malulungkot na naman kami, Pwede bang huwag ka nang umalis
Mommy…. dito ka na lang po sa tabi namin Mommy”?
Napatigil ako sa aking ginagawa na di malaman ang agad na isasagot sa aking anak. Sumungaw ang luha sa aking mga mata at hindi ko napigilan ang pagkawala nito. Hindi ko mawari subalit para bang may sibat na tumama sa aking dibdib. Parang may busal ang aking bibig at hindi ko magawang maglabas kahit isang tinig. Ang aking pagkahalina sa mas maberdeng pastulan ay napalitan ng mas maalab na pagmamahal sa aking mga anak na nagbunsod sa aking mabigat na paghatol.
“Alam ninyo mga anak, marami pang mga bagay ang hindi ninyo kayong unawain sa ngayon, ngunit pagdating ng araw ay malalaman din ninyo ang dahilan kung bakit ako umalis sa tabi ninyo.”
“Pero dahil sa mga narinig ko sa inyo, Sige, hindi na aalis ang Mommy. Hindi ko na kayo muling iiwan… pangako…” sabay ang mahigpit na yakap sa kanyang mga anak.
“Yeheeey, di na aalis ang Mommy,” sabay na sabi ng magkapatid na sinasabayan pa ng pagtalon.
“Oo mga anak, dito na lamang ako sa tabi ninyo, mananatili na ako sa Pilipinas, andito ang yaman ko”, sabay ang masuyong dampi ng kanyang mga labi sa pisngi ng dalawang musmos.
“Masaya na kayo mga anak?”
“Opo Mommy”, sabay na sabi ng mga bata.
“Sige, tulungan na ninyo ang Mommy, tapusin na natin ang paghahain at darating na ang ating mga bisita.
“Opo Mommy”.
Maluwag na ang aking paghinga, parang nabunot ko na ang palasong nakatarak sa aking dibdib sampung taon mula nang iwan ko ang aking bayan. Sa aking paglayo ay akin ding natuklasan ang napakasaganang yaman ng aking bayan, yamang hindi kayang pantayan ng kahit anu pa mang ginto na mahuhukay sa ibang bayan.