Return to site

WIKANG TUMATAGOS

ni: LOUISE MARIZ ANTOINETTE NOBLES-MONTANEZ

Tayo’y Filipino namang ipinanganak,

bakit Ingles ang kinamulatan?

Basahing tagalog, tiyak ang kalituhan,

isalin sa Ingles, linaw ang t’yak.

 

Paghanga’y ‘sing taas ng ibong walang lagpak,

madinig pa lang Ingles mong tumpak.

Makarinig ng Ingles na tunog bisaya,

lintik abutin ng pangungutya.

 

Kahit saan mang lugar ang iyong puntahan,

ating wika’y dapat pang sipatin.

‘Yan na marahil ang bagong kultura natin,

dulot ng impluwensyang dayuhan.

 

Ngunit sa ‘ting dugo’y nananalaytay pa rin,

ang puso ng Filipinong sabik.

T’wing mapapagod sa Ingles na salitain,

sa sariling wika rin babalik.

 

Ano ba talaga ang tunay na halaga

ng ‘I love you’ na paulit-ulit?

Subukang ‘mahal kita’ ang iyong isambit,

masabing tunay ngang mahalaga.

 

Ang galit, sa Ingles mo man ‘to ibulalas,

ito’y ating maririnig lamang.

Kung sa ating wika ito’y ‘yong ipamalas,

siguradong tatagos ‘yong tapang.

 

Kailan man, puso’y hindi maisasalin,

mahal pa rin ang sariling wika.

Ang Ingles at ibang mga dayuhang wika,

gagamitin, hindi mamahalin.

 

Iba-iba man ang wika sa’ting pag-unlad,

sariling atin pa rin ang hangad.

Dugo ng Filipino sa’yo umaagos,

ating wikang tanging tumatagos.