Return to site

WIKANG HIYAS, GAMITING GANAP

ni: CHRIS B. LOMAT

Ang wika ay salamin ng Pilipinong kultura

Ito’y tunay na pamana at hiyas na mahalaga!

Pagdalumat at pagpapahalaga ay dapat ipakita,

Upang wikang pambansa ay mabigkas sa tuwina.

 

Wikang Ingles ay mahalaga, siguro nga ay tama sila

Ngunit Wikang Filipino, kalilimutan na nga ba?

Kung ang lahing pinagmulan ay tatalikdan ko pa,

Sino pang aasahan na lilingap sa kulturang minana?

 

Ang panahon natin ngayon ay totoong makabago;

Unti-unting nililimot, kultura’t pagkatao.

Mga minanang kagawian sa mga ninuno ko

Ibabaon na bang ganap sa ngalan ng progreso.

 

Sa panahon natin ngayon mas sikat pa ang Koreano;

Kolonyal na kaisipan laban sa nasyonalismo.

Masakit mang isipin pero ito ang totoo,

Na nabubulag sa husay nila ang kabataang Pilipino.

 

Wikang hiyas kung ituring dapat nating pagyabungin

Sa pakikipagtalastasan, atin itong gamitin!

Gen Z man o Millenial nawa ito’y ating tupdin

Dahil wika ay repleksiyon ng pagkakakilanlan natin.

 

Sa panahong makabago may tanging bilin sana ako.

Hiligaynon, Pampanggo, Sebwano at Ilokano

Waray man o Tagalog, Bikol o Chavacano

Wikang Filipino’y nag-iisang magbubuklod sa bawat tao.

 

Sa pagsikat ng internet at teknolohiyang makabago

Wala namang masama kung magsalita ng conyo

Ngunit mas kamangha-mangha kung salitang binibigkas mo

Ay wikang Filipino sa mayamang kultura ay salamin ito.