Return to site

WIKANG FILIPINO, TATAK PILIPINAS
KULTURANG PINOY, TATAK PILIPINO

ni: NATASHA NICOLE A. IGNACIO

· Volume V Issue I

Wikang Filipino, panghabambuhay na lakas,

Ng mga ninuno at ng kasalukuyan,

Makapangyarihan pagkat tatak Pilipinas,

Na sumisimbolo sa malalim na pagkakakilanlan.

 

Kulturang Pinoy, kakaiba, katangi-tangi,

Makatao, makabayan, makakalikasan, makabansa,

Tatak Pilipinong hindi kailanman maikukubli,

Na sumisimbolo ng bansang puno ng pangarap at pag-asa.

 

Wikang Filipino, “po/opo, ho/oho”,

Tanda ng paggalang, wikang dama na may puso,

Kulturang Pinoy, “tulungan kita, laro tayo”,

Tanda ng pagkamagiliw, ugaling bukas sa kahit sino.

 

Gamit ng salita, maingat na pagturan,

Mababaw, malalim man ang nais na sambitin,

Kahulugan ng bawat kilos, magiliw na pagsasagawa,

Masaya man o malungkot ang emosyong nais ipadama.

 

Tanging bibig lang, ang may kakayahang maghatid,

ng tunay na kabuluhan ng Wikang Filipino,

Tanging mata lang, ang may kakayahang makakita,

ng lantad na katotohanan ng pagkaPilipino.

 

Tanging isip lang, ang may kapangyarihang makaunawa,

Ng pagmamalaki sa wikang tatak Pilipinas,

Tanging puso lang, ang may kapangyarihang makadama,

Na salamin ng pagkatao ang kabuuan ng Kulturang Pinoy.

 

Hindi pa ito ang kalahatan, at kabuluhan ng Wikang Filipino,

Tila ba isang kapat lang ito, ng katotohanan ng pagkaPilipino,

Kung kaya salamat sa saglit na pagsasatitik,

Pagkat kahit ang kasalakukuyan, sa nakalipas, sa likas, ay saglit na bumabalik.