Paano, kailan, saan ka nagmula,
May kasaysayan bang sa iyo’y nakatala?
Simula pa noong ang mundo ay bata
Ating salamin, sabi ng makata.
Maraming wikang laganap sa bayan
Masusing pinili ang wikang mayaman
Wikang pinanulat noong himagsikan
Ng mga bayaning nagbuwis ng buhay
Ito’y ang Filipino na sumasagisag
Lahing kayumanggi. At bayang marilag
Si Pangulong Quezon ang siyang nagbalak
Nitong ating wikang nagdulot liwanag
Ito’y taos pusong pagyamanin
Pagkat ito’y wikang puno ng paggiliw
Ating isadiwa laging gunitain
Ang sariling Wika’y mahalin
Sa bayang Pilipinas itong ating wika
Ay lalong umunlad ang mga adhika
Mga paaralan sa irog na bansa
Ay sariling Wika ang pinagpala
Magkaisa tayo sa pagpapayaman
Nitong ating wikang mayabong, makinang
Sama-sama tayo Wika ay itanghal
Gamitin palagi saanman dumatal.