Wikang Filipino ay ibigin
Sagisag ito ng bansa natin,
Binubuklod nito ang ating damdamin
Maging ang isipan at mga layunin.
Wika ng ating bansa, dapat na dinadakila
Minamahal, ginagamit, nililinang at inaaruga,
Natatanging sandata upang kultura'y mapreserba
Ang tunay na diwa at kasangkapan para sa pagkakaisa.
Bawat wika’y kinapapalooban ng sariling kultura
Kailangang pagyamanin sa tinubuang lupa,
Isabuhay at linangin ang kaugalia’t pakikipagkapwa
Tunay na hanguan ng diwang makabansa.
Wikang Filipino ay maihahalintulad
Sa bawat pilipinong patuloy na nangangarap,
Hindi sumusuko anumang hamon ng bukas
Pilit lumalaban sa pagkamit ng pangarap.
Ikaw kabataan, magulang, pinuno ng pamahalaan at guro
Sa lahat ng Pilipinong makakabasa nito,
May alam ka ba sa wika mo?
O isa ka nang banyaga sa Wikang Filipino?
Wikang Filipino'y dapat ipagtanggol
Sakripisyo't hirap ng mga bayani'y ginugol,
Makamit lang ang kasarinlan ng ating bayan
Pahalagahan ngayon at magpakailanman.
Wikang Filipino, ikaw ay mabuhay
Itataguyod ka sa lahat ng araw,
Ikaw ay walang kapantay
Mananatili ka sa puso ng Pilipinong tunay.