Return to site

WIKANG FILIPINO, SALAMIN NG MAYAMANG KULTURA

ni: NERISSA NABANALAN-BEHHAY

Wikang Filipino, yamang taglay ng kultura

Tunay ngang salamin na dapat ibandila

Kultura at wika, ambag ay pagkakaisa

dapat natin itong bigyang pagpapahalaga.

 

Wikang Filipino, tunay ngang ikaw ang salamin

Sa lahat ng Pilipinong may damdamin

Pinagbubuklod-buklod mga kulturang pamana sa’tin

Kaya, taas noo nating pagyamanin.

 

Dakilang wika, sinag mo’y sagisag ng pag-asa

Kasaysayan at literatura iyong pinagsama

katuwang nito’y gunita na di mabura-bura

mga pamanang iniwan ng mga ninunong pinagpala.

 

Dahil sa pagmamahal, mga iniwang awit at tula,

Kwentong bayan, alamat at iba pa

Mga aral nito’y malaking tulong sa mga bata

Sapagkat sila ang pag-asa ng ating bansa.

 

Laking pasasalamat sa mga bayaning pumanaw na

Sapagkat nakaukit sa puso’t isipan ang mga alaala

Kaya’t di mawawala mga panahong ginugunita

Tanda ng pasasalamat sa mga mabubuting gawa.

 

Ating ipagmalaki, wikang kinalakihan

Salamin ng mayamang kulturang kinagisnan

Ating ipakilala sa buong sanlibutan

Ang tunay na kahalagahan nang may katapatan.

 

Halina’t sama-sama kapit bisig sa pagkakaisa

Wikang Filipino, salaming-yaman ng kultura

Interpretasyon ay dapat makilala

Upang tunay na kalayaan, tagumpay ang matamasa.

 

Buong pusong pasasalamat sa Amang Lumikha

Sapagkat lahat ng bagay sa Kanya nagmula

Na dapat nating pagyamanin nang may saya

Pinagsamang kultura’t wika, kaloob Niya’y biyaya.