Sabi nga’y sa wika palang malalaman mo na kung ano at sino ka,
Aba’y karangalan ko kung ako’y iyong makilala.
Kapag sinambit ko na itong aking wika,
Wikang kapag sinasambit, ako’y nagiging malaya.
Kayamanan kung ituring itong ating wikang kinalakihan,
Na sumasalamin sa ating katapatan.
Maihahalintulad sa gintong simbolo ay yaman,
Na hinding-hindi mananakaw ninuman.
Itong wikang Filipino ay kahanga-hanga,
Di nakapagtatakang pati mga dayuhan ay namamangha.
Nanatiling matatag mula pa noong simula,
Nagpapatunay na ang mga Pilipino’y tunay na pinagpala.
Wikang pambansa,
Ang siyang dapat sinasalita.
Hindi wikang banyaga,
Na unti-unting pumapatay sa ating wika.
Tunay ngang wikang Filipino ay isang salamin,
Sa mayamang kultura kung nakaraan ay ating lilingunin.
Sa kariktan ito’y tunay nating mapapansin,
Kaya wikang Filipino’y ating pakaibigin.
Itong kalayaa’y ating damhin,
Wikang Filipino’y ating gamitin.
Wika nati’y ating pang pagyamanin,
Pag-ibig sa wika’y lalo pang pag-alabin.