Return to site

WIKANG FILIPINO NG LAHING PILIPINO

ni: JOSEPH E. CEMENA

Wikang Filipino; kinagisnang wika ng pagkakaisa,

Ng lahing nabubuhay sa alab ng pagsinta;

May timyas na ningning nag-aakay sa adhika,

Nitong yaman ng panitikan at sa dila ng gramatika.

 

Wikang Filipino na nagbibigkis sa ating pagkatao,

Simbolo ng kasarinlan at pagiging isang teritoryo,

Kayamanang iniwan na ipinaglaban ng ating mga ninuno;

Kultura’t tradisyon at ang wikang kinamulatan mo.

 

Ang sariling wika na hiyas ng ating gintong panitikan,

Isang gintong pagkakilanlang inukit sa ating mga puso’t isipan,

At yaman ng lahing hindi magmamaliw magpakailanman,

Sapagkat ito ay wika ng pagkakaisa at wika ng kalinangan.

 

Hinasa ng panahon, at saka inimbak sa mga alamat,

At sa mga kwentong bayan doon lalong lumawak,

Sa pamamagitan ng saling bibig nalinang at nahayag,

Napagyaman ng husto sa laot ng bayan kaya lalong kumalat.

 

Kapagka ang wika, ay kabuhol ng kultura’t pagkakakilanlan

Sa wikang sariling sapul sa simula’y dapat ng pahalagahan;

Taas noong paglingkuran at ingatan sa dusa’t panganib,

Katulad ng mga ibong malayang lumipad sa himpapawid.

 

Ang pagmamahal sa wika ay siyang pagmamahal sa sarili,

Ito’y isang tanging dangal na nararapat na ipagmapuri,

Ang diwang liping dugong Maharlika at tatak ng ating lahi;

Kaya’t wikang Filipino ay nararapat na ipagmamalaki.

 

Itanim sa puso at isipang may damdaming dalisay na unawa,

Sa dibdib ay pagningasin ang iyong pag-ibig sa inang wika,

Yaong may sensiridad mula sa kaibuturan ng iyong kaluluwa,

Sabik na tumindig magpakailanman sa inang Republika.