Mula nang isilang sa mundong ibabaw
Ika’y nasilayan sa lupang ginagalawan,
Saglit na nakasama, minahal at pinahalagahan,
Taglay mong kakaiba sa sangkatauhan.
Ang buhay ko noon naging makahulugan
Dulot mo’y kakaiba sa sangkatauhan,
Palaging ginagamit sa pakikipagtalastasan
Ipinagmamalaki ka ng buong sambayanan.
Naging bukambibig ka ng karamihan
Ipinagmamalaki ka sa kanino man,
Nabago ang hubog ng sangkatauhan
Dahil Ika’y salamin ng kulturang kinagisnan.
Ngunit nang lumaon ako’y nagtaka
Bigla kang nawala hindi na nagpakita,
Ika’y hinahanap-hanap sa tuwi-tuwina
Dahil ba sa ika’y kinalimutan na?
Wikang Filipino bakit ka lumisan
Hindi kita mahagilap sa kadiliman,
Kung ika’y maglalaho buhay ko’y walang kabuluhan
Magbalik ka na kung nasaan ka man.
Huwag ka nang maghihinanakit sa mga Pilipino
Hihimukin ko sila iyan ay pangako sa iyo,
Na muling yapusin ang presensiya mo
Na muling mahalin at gamitin lalo na sa asignaturang Filipino.
Huwag ka nang magtampo sa mga Pilipino
Na hindi ka pinahalagahan sa pag-aakala mo,
Minahal ka nang lubos ng mga tao
Lalo na ang kaguruan sa Filipino.
Wikang Filipino ikaw ay salamin
Ng mayamang kultura na niyakap namin,
Huwag ka nang manlumo dahil mahal ka namin
Mananatili kang buhay sa puso namin.