Return to site

WIKANG FILIPINO, KULTURA AT AKO

ni: EMILY S. BONAFOS

· Volume V Issue I

Ang bawat bansa sa mundong ibabaw,

Kultura at wika’y iyong matatanaw.

Isa rito ang bansang Pilipinas,

Wikang Filipino’y ipinamalas.

 

Ang Filipino bago pa man nabuo,

Ang alibata ang pinagmulan nito.

Saan mang rehiyon ang puntahan mo,

Makamamalas ng mga dialekto.

 

Wikang Filipino’y bago pa man isinilang,

Samu’t- sari na ang pinagdaanan.

Nagpalipat- lipat sa bibig ng karamihan,

Ang Balarila ang naging sandigan.

 

Wikang Filipino ang naging tawag,

Si Manuel L. Quezon ang nagpatanyag.

Madaling bigkasin at unawain,

Kahit na musmos ay kayang sambitin.

 

Ang Wikang Filipino ay isang salamin,

Ng isang kulturang dapat na pagyamanin.

Sikaping ibahagi, ating paunlarin,

Aking iingatan at pakamamahalin.