Hindi bunga ng isang balintataw,
pagbuo ng mga titik, mensahe ang nangingibabaw.
Tungkol sa Wikang Filipino, atin ng pag-usapan,
adhikain ko’y maapuhap mo aking kaibigan.
Wikang Filipino, ipinagmamalaki ko.
Bilang isang mamamayang Pilipino ng bansang sinilangan ko.
Kaagapay ang wikang ito, saan man ako magtungo,
Wikang Filipino: Kasangga at kasangkapan ko.
Gamit ang wikang Filipino ng higit sa isang daang bahagdan,
ginapas ang karunungan, wika ang siyang naging sandalan.
Mayamungmong na impluwensiya ng wika’y uusbong kahit saan,
sumasalamin lamang sa isang sagadsad na pag-unlad ng lipunan.
Kaya bilang Pilipino, gamitin ang wika sa ikauunlad mo.
May respeto sa sariling wika, may pag-iwas sa negatibo.
Huwag kalimutan ang wika, bagkus mahalin ng todo.
Sapagkat ang wikang Filipino, salamin sa mayamang kultura ng bayan mo.
Sa Luzon, Visayas, Mindanao, may pag-inog at paglitaw
ng wika sa makabagong lipunan ng bansang minamahal,
Sa sining, sa kultura, sa teknolohiya man yan o agham,
Wikang Filipino magsisilbing kasangga at kasangkapan ng higit sa inaasahan.