Return to site

WIKANG FILIPINO, IPAGMALAKI KO

ni: MARY JOAN P. MIRAL

· Volume V Issue I

Ako ay Pilipino

Wikang Filipino, ang wika ko

Buong pusong ipinagmamalaki ko

Ang wikang ipinaglaban ng aking mga ninuno.

 

Wikang Filipino, salamin ng mayamang kultura

Makukulay na tradisyon, kailanman hindi naipamura

Payabungi’t paunlarin, ang wikang dugo’t pawis ang ibinuwis

Sapagkat ang wikang ito, hindi na kailanman maiaalis.

 

Paggamit ng po at opo, huwag nating kakalimutan

Mga mabubuting asal, ating pakakatandaan

Saanmang lupalop ng mundo, namamayagpag ang ating pagkapilipino

Dahil nasa dugo na natin ito, ipinagmamalaking taas noo.

 

Mayaman ang Pilipinas dahil sa wikang pinagmulan

Mapa-Luzon, Visayas, o Mindanao ka man

Wikang Filipino ang ating sandigan

Dahil ang wikang ito ay sandata kahit saanman tayo naninirahan.

 

Tatak Pinoy ka kung Wikang Filipino ang isabuhay

Nagpapakita ito na ang bansa’y mahal mo nang tunay

Huwag nating sayangin ang wikang minimithi

Dahil mga ninuno nati’y pilit itong iniwawagi.

 

Wikang Filipino ay simbolo ng ating kalayaan

Gamitin nang tama at huwag nating pabayaan

Ating pagyamanin, mahalin at laging ingatan

Upang ang Wikang Filipino ay maibahagi pa sa sangkatauhan.