Hu! Hu! Hu! Inay wala na siya, wala na siya Inay. Iniwan na niya tayo
Sino ang wala na? Arabela magsalita ka! Sino ang wala na? halos hindi makapagsalita si Arabela nang tanungin siya ng kaniyang ina.
Nang magising si Arabela ay hindi na niya namalayan ang kaisa-isang salamin ng kaniyang buhay at kaulayaw sa araw-araw. Siya ang kasa-kasama niya sa tuwing makikisalamuha si Arabela sa kaniyang mga kaklase, guro, kaibigan, at sa lahat ng taong nakakadaupang-palad niya. Hindi lubos maisip ng dalaga kung bakit biglang lumisan at hindi na nagpakita ang kaniyang salamin ng buhay at kaulayaw. Dahil sa kaniya, nagkaroon ng lakas-loob si Arabela na harapin ang lahat ng hamon sa kaniyang buhay, naging madali para sa kaniya ang paggawa at paghahanda ng lahat ng kakailanganin niya na may kinalaman sa kaniyang pag-aaral, lalo na nang sila’y magkaroon ng paligsahan sa kanilang paaralan noong Buwan ng Wika dahil sa kaniyang kaulayaw at salamin ng buhay, nanalo siya at nakamit niya ang unang gantimpala sa pagbigkas ng Talumpating Di-Handa.
Hinanap- hanap niya ang itinuring niyang salamin ng buhay at kaulayaw. Muling bumalik sa kaniyang balintataw ang: “Mula nang masilayan ni Arabela ang unang liwanag sa mundong ginagalawan, saglit niyang nakasama, pinahalagahan, niyakap, minahal, ipinagmalaki at hinangaan dahil sa taglay nitong kakaibang nagagawa sa sangkatauhan.” Kaya’t naging makahulugan ang kaniyang buhay noon dahil palagi siyang nandiyan sa kaniyang piling, nakakausap araw-araw, palaging bukambibig, nakakasama sa anumang gawain at lalong ipinagmamalaki sa kahit kanino man. Nabago niya ang hubog ng pagkatao ni Arabela.
Ngunit nanlumo si Arabela nang magising siya kinabukasan na wala na sa kaniyang tabi ang kaulayaw at salamin ng kaniyang buhay. Hindi niya lubos maisip kung bakit bigla na lamang siyang naglaho na parang bula na sa tuwi-tuwina’y hinahanap-hanap niya lalo na sa hating gabing madilim at halos nakabibinging-katahimikan ang buong magdamag.
“Bakit ka lumisan?” “Bakit mo ako iniwan?” Nanlulumong sabi ni Arabela sa kaniyang sarili,” nang dahil sa iyo ay nakamit ko ang ang aking mga pangarap at nakarating ako sa tugatog ng tagumpay”, sabi pa ni Arabela. “Ikaw ang dahilan kung bakit heto ako ngayon sa kinalalagyan ko, may nagawa ba akong kasalanan sa iyo?” Sabi pa ni Arabela.
Hinalungkay ni Arabela ang kaniyang balintataw, wala sa kaniya ang kasalanan at naalaala niya ang lahat ng taong nasa kaniyang paligid ang may kasalanan dahil saglit siyang binura sa kanilang buhay marahil dahil sa pagyakap nila sa ibang salamin ng buhay. Sa tuwi-tuwina bukambibig ng mga tao ang mga ito, lalo na ang mga nasa mataas na pusisyon sa lipunan. “Naisip kong iwinaksi ka, isinantabi, muntik ng lapastanganin, at yurakan ang iyong pagkakakilanlan dahil lamang sa mga taong sakim, gahaman, at mayabang, dahil niyapos ang hindi sa kanila”, dagdag pa ni Arabela.
“Huwag ka nang magtampo dahil nandito ako patuloy na nagmamahal sa iyo, nagpapahalaga at ipinagmamalaki pa rin sa kanila at lalong bukambibig ka sa aking mga mag-aaral na patuloy kang mahalin at ipagmalaki dahil kabutihan ang dulot mo sa amin.” Banggit pa ni Arabela.
Hindi lubos maisip ni Arabela kung bakit kinalimutan at iwinaksi ng karamihan ang salamin ng buhay at lalo na ang kulturang kinagisnan ng bawat isa na samantalang simula’t sapul siya na ang naging inspirasyon sa pagbuo ng anumang “achievement” ng bawat indibidwal. “Ikaw ang bukambibig ng karamihan sa pakikipagtunggali sa araw-araw na pamumuhay ng bawat isa, lalo na ang napaghuhugutan ng kaalaman (guro) ng bawat mag-aaral lalong-lalo na sa asignaturang Filipino. “
Makulimlim ang mukha at dumadaloy ang luhang sinabing: “patuloy kitang hinanap nasaan ka na? Magbalik ka na, magparamdam ka lamang maiibsan ang aking kapighatian, ako’y lubos na nangungulila sa iyo”. Nasaan ka? Nasaan Ka? Kung hindi ka magpakita aking kamatayan, kahit kaunting letra mag-chat ka lamang. para mo nang awa! magbalik ka na, huwag ka nang magtampo, dahil sa iyo naging mabuti akong tao, marunong magrespeto sa aking kapuwa. Alam ko ang tama at mali at higit sa lahat may takot sa Diyos. Ang lahat nang ito ay dahil sa iyo. Hinubog mong mabuti ang aking pagkatao dahil ikaw ang kulturang aking kinagisnan. Hindi kita malilimutan kailanman. kakausapin ko sila na ika’y muling yakapin, pahalagahan, at mahalin hanggang sa malagutan sila ng hininga. Alam ko namang malaki ang utang na loob nila sa iyo, maaalala nila na ikaw ang dahilan kung bakit narating nila ang tugatog ng tagumpay at nagkaroon sila ng marangyang buhay. Alalahanin mong pinahalagahan at minahal ka rin nila. Malaki ang naiambag mo sa lipunang ginagalawan nila, naging salamin ka ng aming kultura. Umusbong ang kabihasnan nang dahil sa iyo, kaya’t huwag ka nang magtampo pangako sa iyo, muli ka nilang yayapusin.
Makalipas ang ilang buwan sa kaniyang paghahanap, naibsan ang pangungulila sa kaniya ni Arabela dahil namalayan na lamang niya na muling bumalik, muling niyapos, minahal, at pinahalagahan ng sambayanang Pilipino ang kulturang kinagisnan, ang wikang Filipino. Muli siyang isinangkot sa lahat ng gawain lalo na sa larangan ng pakikipagtalastasan at pakikilahok. Dahil marahil sa matagal-tagal ding kinalimutan, napagtanto ng karamihan na babawi sila sa panahong hindi binigyan nila ng atensyon at minahal ang salamin ng kultura. kaya’t muli siyang yinapos ng sambayanang Pilipino at ipinag-utos sa lahat na gamitin siya sa pakikipagtalastasan, sa mga babala, kautusan, paniniwala, batas at mga usapin, siya na muli ang kasangkot at tampulan ng lahat.
Muling naging masaya si Arabela sa pagbabalik ng kaulayaw, salamin ng kaniyang buhay at salamin ng kultura na naghubog ng buo niyang pagkatao, naging makulay na muli ang kaniyang buhay.
Alalahaning palagi, huwag kalilimutan, huwag iwaksi ang anumang bagay at sinuman ang nagbigay kulay sa ating buhay, naghubog ng ating pagkatao at nakatulong nang lubos. Kahit ano pa man ang ating ginawa babalik at babalik siya sa atin dahil pinahalagahan at minahal nating lubos ang nag-iisang salamin ng kulturang kinagisnan.