I.
Ang wika Filipino ay hindi dahóp sa pagtangkilik ng mga
Naglipanang kaluluwa na patuloy na nananahan sa pais
Na ito na sinisikatan ng maliwanag na sol. wala itong
Kamatayan, pagkat sinasabing unang magugunaw ang buong
sansinukuban bago tuluyang mamatay ang wikang ito -
matatag at walang pagkaguho ito sa lipunang naglayag sa
mga alon ng nagdudumaling panahon.
II.
Wikang Filipino ang fuente sa mga acordada na itinala
sa mahabang hibla ng ating kasaysayan, simula sa litid
ng mga katutubong Filipino noon na nagpakita ng mga
imaheng nuynoy sa animismo, hanggang ngayon sa hindi
matarok na lawak ng Cyberspace hatid ng kontemporaryong
panahon. Ang wikang ito’y kabuhol na ng panahon.
III.
Ang wikang ito’y magsisilbing panagho’y sa mga
Luntiang bukid na nagagalak sa nalalapit na anihan,
O sa mga buhay na ilog na dumadaloy patungong katupasan.
Ito ang wikang nagsilbing cancion ng mga naliligaw sa parang,
Wikang tungtungan ng mga cancion para sa mga nalulumbay,
Sa mga nagagalak, sa mga nalulungkot o sa mga naghahanap
Ng kapahingahan sa sarili, maaari ring sa mga patuloy
Na nangangarap at nakatingala sa mga hindi mabilang na talang
Ikinabit sa langit. Ang wikang ito’y kabuhol na ng mga hindi
Mabilang na tinig at pagkakataon.
IV.
Ito ang wikang gamit sa magulong palengkeng ibinalot sa
ingay ng lipunan,
Ang wikang maririnig sa mga kaluluwang bumabagtas
sa mga camino,
Ang wika ng pagmamakaawa ng aleng nanghihingi ng limos
habang kalong ang isang marusing na sanggol,
Ang wikang pasigaw ng mga negosyanteng may
Umaalingawngaw na tinig nang pangungumbinsi
Sa mga nagdaraang parokyano,
Ang wikang maririnig sa pag-aawitan ng mga
Guro at mag-aaral habang iginagalang ang itinataas na watawat-
Ang wika ng pagdarasal sa tuwing sabay-sabay na umuusal
Ng panalangin ang mga taong panandaliang nakararanas ng
Langit,
Ito ang wika ng masa sa umuunlad nating pais.
Ito ang wikang kabuhol ng ating pamumuhay sa
Lahing kayumanggi.
V.
Ito ang wikang nagsisilbing tagpuan
Tungo sa iba pang katutubong wika -
Ang wikang ng mga migranteng
Patuloy na ibinibihis ang aydentidad ng
Lahing kayumanggi kahit pa sila ay nadistiyero.
Ang wika ng mga makata at kuwentistang
Gaya ko na nananahan sa karimlan ng mga
Guni-guni at agam-agam,
Ang wikang nagmamahal sa kariktan at sining
Ng panitikan,
Ito ang wikang dadalhin ko hanggang sa langit
Kung dumating man ang masaya at payapa kong
Wakas.
VI.
Ang tanging wikang
Maririnig mo sa mga
Dila ng iba’t ibang uri
Ng Filipinong nalinang
Sa iba’t ibang kultura’t
Gawi. Mula Hilaga
Patungong Timog ng
Pais- wikang Filipino ang
Fuente ng mga kultura at
Pagkakaisa ng mga
pinagpalang tierra
At mar ng ating bansang
Filipinas.