Return to site

WIKANG FILIPINO, ATING MAHALIN

ni: GINA A. BARDON

Ang Wikang Filipino ay ating pahalagahan,

Sapagkat ito’y bunga ng ating kalayaan,

Mahalin natin at huwag nating kalimutan,

Lalong huwag mong ikakahiya oh kaibigan.

 

Gamitin itong ating wika sa mabuting paraan,

Magalang na pananalita ay ating panlaban.

Isaisip ang kahalagahan ng pagkakaunawaan,

Payapa’t maunlad na bayan, ating makakamtan.

 

Ang mayamang kultura at tradisyon sa atin,

Ating ipagmalaki gamit ang Wikang Filipino natin.

Huwag mong kalilimutan, ito’y ating tungkulin,

Ipagtanggol sa sinumang nais ito’y hamakin.

 

Wika’y huwag kalimutan saan ka man dumako,

Panatilihin sa damdamin, iukit sa ating puso.

Sa bagong henerasyon, ipagpatuloy sana ito,

Pagmamahal sa ating wika, ating ipangako.

 

Wikang Filipino ay ating ingatan at mahalin,

Salamin ng kultura, tradisyon at kaugalian natin.

Katuwang ang wika, kultura’y pagyayamanin,

Tunay ka ngang Pilipino, kung sariling wika’y iibigin.