Lunes, maagang gumising si Johnny upang magluto ng almusal at babaonin nito sa paaralan, wala kasi ang kaniyang maybahay na si Maria. Natanggap ito sa Taiwan bilang DH isang buwan palamang ang nakararaan. Kailangan nilang kumayod nang magkatuwang para sa tatlo nilang anak na nasa mura pang gulang. Apat na taong gulang ang panganay habang dalawang taon gulang naman ang kambal nila. Kompleto na sila ng pangarap sa pagkakaroon ng lalaking panganay at bunsong mga babae. Malulusog na mga anak at matiwasay na pamumuhay ang pangunahing at pangkalahatang pangarap ng dalawa.
Naghanda na si Johnny. Nagluto siya ng paboritong tortang talong at noodles ng tatlo niton chikiting, madalas siyang umiinom ng maraming tubig bago umalis. Iyon na rin ang babaonin niya kasama ng matatamis na halik mula sa mga bulinggit nito, mahuhuli na rin kasi siya sa paaralan. Iniiwan niya ang tatlo sa kaniyang mga biyenan at susunduin na lamang pag-uwi sa hapon. Madalas nga ay inaabutan siya ng gabi sa pag-uwi dahil sa mga gawain sa iskul na pinapasukan niya, kaya naman madalas siyang pahagingan ng hangin ng kaniyang biyenan na babae at magsumbong sa anak nitong si Maria na may kasamang pagdududa sa kaniyang katapatan sa sinumpaan nito sa kanilang kasal. Tipikal na problema ng mga magkalayong mag-asawa. Selosan, sumbatan, at bilangan ng mga naiambag. Malimit itong mangyari sa isang linggo. Nasanay na nga rin yata sila at mukhang kinakailangan pang mag-away upang sagipin ang bawat isa sa kakulangan nila sa isa’t isa sa isang sorry na, mahal!
Pakatapos ibilin ni Johnny ang tatlo sa mga “marites” ng buhay niya ay mag-aabang na ito ng dyip sa kanto malapit sa Barangay Hall. Pagdating nito sa iskul, dahil unang araw ng linggo, maaga rin ang prinsipal. Takbo Johnny! Isang sigundo na lang 7:30 na ng umaga. Halos madapa siya patungo sa biometrics, sampong sigundong leyt si Johnny. Diyahe! Bawas na naman at may kasama pang paliwanagan kay princy.
Pagdating niya sa gusaling naka-assign sa kaniya ay tila isa siyang artistang hinihintay ng kaniyang mga tagahanga. Lahat ng mata ay nakatuon sa kaniya at tuwang-tuwa. Nagsisigawan, naghihiyawan, at nagtatalunan. Hiyang hiya si Johnny dahil maging ang mga guro doon ay nakapila na rin at tila may pang-inis na bati sa kaniya. Good noon Johnny! Sorry po sa lahat, paliwanag nito. Di na po mauulit! Sorry po talaga! At binuksan na niya ang mga silid, araw pala ng eksam ng mga nasa ikasampung antas. Alas otso na ng maubos niyang mabuksan ang labindalawang silid na may tagdadalawang kandado. Malimit kasi ang nakawan sa lugar kaya ganun. Sabay na rin ang pagbubukas niya ng mga bintana at ilaw ng mga klasrum. Halos maubos ang kaniyang nainom na tubig sa tagak-tak ng pawis nito mula ulo hanggang paa.
Nakahinga na siya ng maluwag at tumungo sa sa kuwarter nito sa ilalim ng hagdan ng unang palapag at kinuha ang ¬dust pan at ang walis. Sinuyod ang buong pasilyo ng tatlong palapag ng gusali mula taas hanggang baba. Itinapon ang basura at nagbell na para sa snacks ng mga bata. Magsisimula na naman siyang magwalis uli. Mero’n lamang siyang labinlimang minutong pahinga upang sumabay sa pagmimiriyenda ng mga bata. Sa pagkakataong ito ay wala siyang nabiling makakain, kaya kinuha niya ang kaniyang pitaka at binuksan. Umopo sa isang tabi ng gusali at kinuha ang laraawan ng kaniyang pamilya. Ito rin ang profile pic niya sa Facebook. Labinlimang minutong nangarap nang muli si Johnny. Hangad ay maayos na buhay sa kanilang mag-iina.
Habang naghihintay ito ng pagbabalik ng mga bata mula sa canteen, hawak pa rin nito ang walis at dust pan sa magkabilang kamay nito at sumaglit sa isipin ni Johnny ang pagkakatulad nilang mag-asawa sa walis at dust pan. Ngunit bakit? Tanong nito sa sarili. Bakit mas masaya pa sila sa akin? Magkasama sila palagi habang kami ay kailangang magkalayo upang hanapin ang kasihayan sa buhay. Nakakalungkot isiping masaya silang dalawa na nagtutulungan upang linisin ang paligid ng buhay ng mga batang mag-aaral at maging mapakumbabang ambag sa kanilang pag-aaral. Bakit di namin magawang magkasamang lutasin ang kalat sa buhay naming. Kakayanin kaya ng dalawang magkalayo na gampanan ang kanilang tungkulin? Namin? Ito ang tanong niya sa sarili.
Nagsibalikan na ang mga bata sa silid at sinimulan niya uling ulitin ang paglilinis. Inulit at naulit sa pang-apat na pagkakataon. Masaya siyang nakikita ang mga halakhak at ngiti ng mga bata habang papauwi kasama ang kanilang mga tagasundong magulang. Nakikita niya ang kasiyahang dulot ng isang malinis na kalooban ng mga ito. Ngumiti siya hawak ang walis at dust pan.
Nakapagpasiya na si Johnny pinagsama niya ang dalawa at inilagay sa loob ng broom box at nagpasalamat.