Return to site

UNANG PAGYAKAP SA HULING PAALAM

ELYMAR A. PASCUAL

· Volume IV Issue IV

(binigkas ni Margarita C. Bugia, Jr., GAS 12, Talangan Integrated National High School

noong Disyembre 30, 2018, sa pagdiriwang ng ika-122 kamatayan ni

Dr. Jose P. Rizal sa Liwasang Bayan ng Nagcarlan, Laguna)

“Pinipintuho kong Bayan ay paalam,

Lupang iniirog ng sikat ng araw,

Mutyang mahalaga sa dagat Silangan,

Kaluwalhatiang sa ami’y pumanaw.”

Yaan ang una sa dalawampu’t walong saknong ng Huling Paalam ni Dr. Jose Rizal na isinalin sa Tagalog ni Gat Andres Bonifacio. Kung bibilangin ay hindi na sapat ang aking mga daliri sa lahat ng salin sa ibang wika na nagawa sa tulang ito. Oo, hindi kukulangin sa tatlumpung saling-wika ng Huling Paalam ang nasa sirkulasyon ngayon – mula sa wikang Arabiko, Balinese, Belarusyan, at gayon din sa Vietnamis, Wolof at Yoruba. Ngunit ako, ako bilang mamamayang Filipino, naisalin ko na ba ito sa wika ng aking puso? Nayakap ko na ba ang mga adhikain at pintuho na nilalaman ng tulang ito na likha ng pambansang bayani ng aking lupang sinilangan? Ako kaya ay isa sa mga ibon na tinutukoy na Rizal na hahapon sa krus ng kanyang puntod at mananambitan sa kanya ng payapang panahon?

Hayaan ninyong ating balik-tanawin ang kasaysayan na kaakibat ng huling damdamin ng ating pambansang bayani, na ngayon ay ating ipinagdiriwang sa kanyang ika-isandaan at dalawampu’t dalawang taon ng kamatayan. Bisperas ng kamatayan ng ating bayani, noong hapon ng Disyembre dalawampu’t siyam, taong isang libo, walong daan, siyamnapu’t anim, dinalaw siya ng kanyang inang si Teodora Alonzo, mga kapatid na babae na sina Lucia, Josefa, Trinidad, Maria at Narcisa, pati na rin ng kanyang dalawang pamangking lalaki. Ibinulong ni Rizal kay Trinidad na ang cocinilla na iaabot sa kanila ng gwardiya pagkatapos siyang paslangin ay naglalaman ng papel na binilot. Oo, cocinilla ang itinawag ng mga Kastilaloy sa ilawan na may alkolhol na dapat sana ay lamparilla dahil ang tunay na laman nito ay langis ng niyog at hindi alkohol. Ito’y bahagi ng kanilang pag-aglahi sa sariling atin na kahit sa ating henerasyon ay may ugaling ganyan – sarili nang atin ngunit tinitingnan pa rin na gawang banyaga kaya’t di makapagmapuri sa galing ng Pinoy. Colonial mentality!

Ang papel na binilot ay kanila ngang natagpuan sa lamparilla na karaniwang iniaabot ng Kastilang gwardiya sa pamilya ng pumanaw na Filipinong bihag. Doon nila nabasa ang Huling Paalam ni Rizal. Ang kanyang pamilya ay gumawa ng maraming sipi nito at iniabot sa mga kaibigan ni Rizal dito sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. Nakaabot din ito kina Mariano Ponce sa Hong Kong at kay Padre Mariano Dacanay na mga unang nagsikap na maglathala nito at bigyan ng pamagat na “Mi Ultimo Pensamiento” at di lumaon ay naging “Ultimo Adios.”

Ngunit ano ang kabuluhan nito sa mga sumunod na kasaysayan ng ating bansa, at sa kasaysayan ng ating lahi? Noong mga panahong iyon, tayo ay tinitingnan ng mga ibang lahi na barbaro at walang kakayanang makapagtaguyod ng sariling pamahalaan. Salamat na lamang sa kinatawan noon ng Estados Unidos na si Henry Cooper na nagbasa ng tulang ito sa kanilang Kongreso. Siya ay nagpunyagi na itaguyod ang kakayanan ng mga Filipino hindi lamang sa paggawa ng tula, kundi sa taglay nilang karunungan at sidhi ng damdamin na makatayo sa sariling paa. Kaya nga nagawa ang Philippine Organic Act noong 1902 upang pahintulutan ang mga Filipino na unti-unting makabahagi sa pamamalakad sa pamahalaan. Oo, isang banyaga ang nagpakilala ng ating kakayanan sa ibang bansa. Tinatanong ko ang aking sarili, “Sa paanong paraan ko naipakilala sa mga banyaga ang galing at husay nating mga Filipino?” Higit pa kaya ako kay Henry Cooper sa taas ng pagtingin at saludo sa aking mga kababayan, o ako ay isa sa mga umaalipusta sa galing ng sariling bayan sa larangan ng edukasyon, pagtatrabaho, komersyo, pulitika at pang-araw-araw na buhay?

Ang paghanga ng mga banyaga ay di nagtapos doon. Si Rosihan Anwar na isang Indonesian ay humanga din sa pagkasulat ng tulang ito. Noong taong isanlibo, siyam na raan, apatnapu at apat, mga panahong sila’y nakukubkob ng Hapon, sinikap niya na ito ay maisalin sa kanilang wika at gumawa ng paraan upang masambit sa kanilang istasyon ng radyo upang marinig ng mga kababayan niyang sundalo, at sa ganoong paraan ay mahamon sila na ipagpatuloy ang laban sa mga dahuyang Hapon. Alam ba natin na napukaw ang damdamin ng mga sundalong Indonesian, at sa tuwing sila ay tutungo sa labanan, kanilang sinasambit ang Huling Paalam? O anong kapangyarihan mayroon sa tulang ito na kayang pumukaw ng nanghihinang pag-asa upang magkaroon ng lakas at tapang na harapin ang sa bansa’y dumuduwahagi at umaalipusta! Niyakap nila ang Huling Paalam at inangkin ang inspirasyon nito tungo sa magandang bukas. Ako, isang Filipino, kailan ko unang niyakap ang inspirasyon ng kilala sa ibang bansa na Huling Paalam? Ako ba ay isa sa mga ignorante sa sariling atin?

“Saan man mautas ay di kailangan, cipres o laurel, lirio ma’y patungan, pakikipaghamok, at ang bibitayan, yaon ay gayon din kung hiling ng bayan.” Yan ay mga katagang bumubukal mula sa buhay na walang-bahid pagkamakasarili, walang hangad na papuri ng tao, walang hinihintay na pagkuha ng larawan sa bawat gawang pagtulong sa kapwa, walang pagsasamantala sa pagkakataon upang mabunyag ang sariling pangalan. Si Rizal, di naghangad ng laurel sa ulo sa kanyang pagmamahal sa bayan. Magmasid tayo sa paligid, sa panahon natin ngayon na social media ang bantog. Sa bawat kilos o galaw, bawat tulong sa kapwa, bawat pagkakataon na makagawa ng pangalan gamit ang kahinaan ng iba, naandyan ang mga mananamantala. Selfie dito, selfie doon, groupie dito, groupie doon. Tanyag ka na sa pulitika at maaari ka nang kumandito sa susunod na eleksyon. Gamitin pa ang mga pagbati ng pulitiko sa kanilang mga tarpolin sa panahon ng mga banal na okasyon. Hindi ba’t ipinagbabawal ng batas ang maagang pangangampanya? Sa mga okasyon na maaaring maghatid ng pagbati at kung saan may maraming tao, pansinin natin na naandoon din ang mga pulitiko. Pakinggan mo ang kanilang salita, mga pagbigkas ng kanilang nagawa at mga pangako, pero sira pa rin ang mga kalsada. Bulok na sistema! Hindi ganyan ang ating bayani. Buhay ay iaalay niya ngunit hindi siya gahaman sa karangalan at tanyag. Ako kaya ay susunod sa yapak ni Rizal, o sa yapak ng ilan na ang hangad ay cipres, laurel at lirio sa kanilang ulo?

Sambit ni Rizal, “Kung sakasakaling bumabang humantong, sa krus ko’y dumapo kahit isang ibon, doon ay bayaan humuning hinahon, at dalitin niya payapang panahon.” Ilang ibon na kaya ang dumapo sa puntod ni Rizal, mga ibon na nagsaysay ng payapang panahon? Sa labing-anim na presidente na dumalaw sa puntod ni Rizal, ilan kaya sa kanila ang nagkwento kay Rizal ng pagkamit ng pagkakaisa, pagkakakilanlan, at mataas na dignidad ng mamamayang kanilang nasasakupan? Sa labingsyam na opisyal na diyalekto na mayroon tayo, ilan kaya ang sabay sa daloy at pareho ang kahulugan ng damdamin ni Rizal sa pagkakaunawaan? Unahin natin sa ating mga kabataan, naandoon pa ba ang paggalang sa mga matatanda? Ang payo ng mga magulang ba ay isang banal na bagay pa rin sa kanila, o isang kapantay lamang ng marupok nilang desisyon araw-araw? Ang moralidad ba ay naiaakma pa rin sa pamantayan ng Salita ng Diyos, o nakapagdadahilan na tayo base sa sistema ng mundong ito? Ang edukasyon ba na kanilang ipinamamana ay kayamanan pa rin kung ating itrato, o isang papeles na lamang ng responsibilidad nila sa atin? Masdan natin ang mga bata. Sila ba ang simbolo ng kamusmusan na walang pagkakautang kaninuman, o sila’y naipagbili na rin sa banyaga sa kanilang dignidad at hinaharap. Tanungin natin sila kung saan nila nais makarating, magtrabaho at maglagi sa kanilang buong buhay. Baka sila’y estranghero sa sariling bayan. Ang mga may-edad naman na tinitingala natin sa pedestal at sinusundan ng yapak, sila kaya’y nakapangunguna sa atin na may mataas na konbiksyon na dadalin nila tayo sa payapang panahon?

Hindi pa huli ang lahat sapagkat ito ang maaaring magsilbing unang pagyakap sa huling paalam. Sa mga kasing edad ko, halika, sama-sama tayo. Suyurin ang daang tinahak ni Rizal. Sa buhay pamilya, buhay espiritwal, at sa maagang buhay-pulitika, itanghal natin ang puso at serbisyong Pinoy, serbisyong Rizal. Dinggin natin ang tinig ni Rizal, “Kung ang libingan ko’y limat nang lahat, at wala ng krus at batang mabakas, bayaang linangin ng taong masipag, lupa’y asarolin at kauyang ikalat.” Ikaw at ako, hindi tamad kundi masipag, hindi palaasa kundi maykusa, hindi nag-uugaling mangkutya sa kapwa kundi taas noo sa galing nila. Sa aming mga magulang at mga gabay namin sa lipunan, sa inyo kami ay nakatunghay bilang aming modelo, sa inyo kami nakakabanaag ng mahusay na liderato, sa inyo kami ay nananangan ng landasing susundan sa malapit na hinaharap.

Kung si Rizal ay nagpaalam na sa kanyang mga kapatid, kaibigan at tahanan, ako naman ngayon ay pumapasok sa tungkuling gampanan ang kanyang Huling Paalam at hibik. Nakabakas hindi lang sa akin kundi sa ating mga balikat ang hamon ni Rizal na huwag iwanan at kalimutan ang nakaraang pagpupunyagi ng ating lahi. Pahalagahan ang bawat sandali ng pagiging Filipino sapagkat pinili tayo ng Maykapal – isang bayan na may dunong at pusong nagmamalasakit. Ako at ikaw, halika, yakapin natin ang Huling Paalam ni Rizal sapagkat ang di lumingon sa pinanggalingan ay di makararating sa paroonan. Ang di yumakap sa pagkabuo ng kanyang pagkatao ay di kailanman magkakaroon ng pagkatuto at paglago. Mabuhay ang pag-asa ni Rizal sa maningning na bukas, hindi na sa paglaya mula sa dayuhang tao, kundi sa pagtakas sa dayuhang ugali ng pagiging makasarili at paghahangad ng pansamantalang ginhawa. Sabay-sabay nating buhayin sa ating mga puso - Bayang Pilipinas, Bayang hinirang, Kaming mamamayan ng Nagcarlan, Mamamayang may adhika, Mamamayang may dangal!

Magandang araw at pagpalain tayong lahat ng Maykapal!