Sa isang liblib na nayon sa Benguet ay matatagpuan ang pamilya ni Taraki. Simple at masayang pamilya kung sila ay ilarawan. Salat man sila sa maraming bagay siksik liglig at umaapaw naman sa pagmamahalan.
Aalis nanaman si ama bukas at magtatrabaho madidistino sa kabilang nayon, kailan kaya mananatili si ama sa bahay para lagi na natin siyang kasama? Sumagot si aling Adhika ang ina ni Taraki.
Anak kailangang magtrabaho ng ama mo para na rin ito sa pamilya natin lalo na sayo. Kaya huwag ka sanang malulungkot kapag umaalis siya, andito naman ako para alagaan ka.
Tumango lamang si Taraki sa sinabi ng kaniyang ina.
Maagang nagising ang mag-anak para sa paghahanda sa pag-alis ng kanilang ama.
O gising ka na rin pala, halika na rito sa hapag-kainan para tayo ay manalangin at ng makapag-agahan na tayo. Ang sarap naman ng inihanda ninyo inay pinikpikan na may etag, brown rice at kapeng barako tiyak gustong-gusto ito ni itay paniguradong hahanap-hanapin niya ito.
Kayo talagang mag-ina sinanay niyo nanaman ako.
Nang matapos makapag-agahan gumayak na ang ama para magtungo sa kabilang nayon tatagal nanaman ng dalawang buwan bago muling magbalik ang kanilang ama.
Umalis nanaman si itay matatagalan nanaman bago kami magkita. Naiinggit ako sa ibang kaibigan ko na kasama ang tatay at ang nanay sa bahay. Sana ganun din ako. Pero kailan kaya mangyayari iyon? Hanggang sa nakatulugan na lamang ni Taraki ang lungkot sa pag-alis ng kaniyang ama.
Kinabukasan, naisipang magtungo ni Taraki sa likuran ng kanilang bahay at dito natagpuan ni Taraki ang mga piraso ng kahoy na nakakalat dinampot niya ito at sinimulang bigyan ng pigura. Gamit ang paet ng kaniyang ama sinubukan ni Taraki na umukit ng isang mukha sa kahoy na hawak niya. Dahil likas na kay Taraki ang husay sa pag-guhit nahirapan man siya sa umpisa pero sa pagpapatuloy sa kaniyang ginagawa ay madali namang natutunan ni Taraki ang umukit sa kahoy.
Aba! ang ganda naman ng nagawa ko ang pagmamalaki ni Taraki sa kaniyang sarili. Ipakikita ko ito kay inay. Siguradong matutuwa iyon. Agad na nagtungo si Taraki sa kanilang tahanan upang ipakita sa kaniyang ina ang kaniyang ginawa.
Wow! Ang husay naman ng anak ko ang pagmamalaki ng kaniyang ina. Itabi mo iyan anak at kung kaya mo pang umukit ng iba’t ibang disenyo ay ipagpatuloy mo lang, siguradong masisiyahan ang iyong ama kapag nakita niya iyan. At ganun nga ang ginawa ni Taraki kapag tapos na ang kaniyang klase at mga gawain sa kanilang bahay ang pag-uukit naman ang kaniyang pinagkakaabalahan.
Isang linggo na lang at uuwi na si ama sa wakas ay makakasama na namin siya ni inay at syempre makikita na niya ang mga naukit ko sana magustuhan niya ito. At sa wakas ay sumapit na ang pag-uwi ng kaniyang ama pagkatapos ng dalawang buwan. Gaya ng nakagawian kapag umuuwi ang kaniyang ama maraming masasarap na pagkain ang bitbit nito. Tuwang- tuwa si Taraki at ang kaniyang ina dahil muli nanaman nila itong makakasama. Sa kabila ng tuwa na nararamdamin nila hindi maialis kay Taraki na ilang araw lang at aalis nanaman ang kaniyang ama.
Kinabuksan maagang gumising ang ama ni Taraki upang magtungo sa kanilang bodega. Naku talaga naman itong si Taraki hindi nanaman niya naitabi ang mga ginamit niya. Marahil ay nakalimutan niya ang mga bilin ko sa kanya na kapag natapos gamitin ang mga bagay kailangan itong iayos. Makapaglinis na nga muna at mamaya lang hahanapin nanaman ako ng batang iyon at makikipaglaro. Habang nagtatabi ng mga kinalat ni Taraki ang kaniyang ama may napansin itong mga iba’t ibang disenyo ng inukit mula sa mga kahoy. Napakahusay! ng pagkakaukit nito sino kaya ang may gawa nito? Ang naitanong ng ama ni Taraki sa kaniyang sarili. Hindi namalayan ng kaniyang ama na kanina pa pala siya pinagmamasdan ni Taraki.
Itay gawa ko ang mga iyan ang buong pagmamalaki ni Taraki. Nagustuhan niyo po ba? Aba syempre naman anak. Ang ganda ng mga gawa mo anak! Salamat po itay. Gusto niyo rin po bang subukan ang umukit ama? Madali lang po iyan at sigurado po ako na maiibigan niyo. Sige pero ang gusto ko sanang iukit ay ang mukha ng iyong ina. At sinimulan na nga ng mag-ama ang pag-ukit sa mukha ng kanilang ina, sa umpisa ay pumalpak ang kaniyang ama kasi hindi naman talaga kamukha ng kaniyang ina ang kanilang nahulma subalit, hindi tumigil ang mag-ama hanggat hindi nila natatapos ang pag-ukit.
Madilim na ng makauwi ang mag-ama sa kanilang tahanan. Sa pintuan pa lang ng kanilang bahay ay amoy na amoy na ni Taraki ang nilulutong hapunan ng kaniyang ina wow! Ang sarap naman niyan inay, chopseuy na may kiniing siguradong mapaparami ako ng kain. O siya, maghanda na kayo at maghahapunan na tayo.
Inay may surpresa po muna kami ni itay sa iyo ang sambit ni Taraki. Aba gusto ko iyang surpresa na iyan tungkol saan ba iyan? Pumikit ka muna inay, Aba kayo talagang mag-ama andami ninyong alam sige na nga. Bibilang ako ng tatlo bago niyo imulat ang inyong mga mata. Isa…dalawa….tatlo,… inay pwede niyo na pong buksan ang inyong mata. Nagulat si Adhika nang makita ang inukit na kamukhang-kamukha niya. Wow! Ang ganda naman nito kayo ba ang umukit nito? Si itay po ang may gawa niyan inay. Salamat sa inyo sobrang napasaya ninyo ako.
Nang makatapos na ngang maghapunan ang mag-anak nanalangin sila ng sabay-sabay upang humingi ng pasasalamat at biyaya sa Panginoon bago matulog.
Itay bukas aalis nanaman po kayo at magtutungo sa inyong trabaho matagal nanaman po na hindi namin kayo makakasama ni inay ang sambit ni Taraki. Pwede po bang dito na lang kayo magtrabaho sa atin? Anak kung ako lang ang masusunod gustong-gusto ko na manatili na lang dito sa atin pero anak kapag ginawa ko iyon magugutom ang pamilya natin. Ang paliwanag ng kaniyang ama. Matagal bago nakasagot si Taraki nag-iisip ng mga sasabihin niya sa kaniyang ama kung makukumbinse niya ba na manatili na lang ito sa kanila.
At dito nga nakaisip ng paraan si Taraki.
Itay alam ko na po, hindi po ba mahusay na rin kayo sa pag-ukit? Bakit po hindi ito ang pagkaabalahan nating gawin, umukit tayo ng mga iba’t ibang bagay na pwede nating magawa para pagkakitaan natin nang sa ganun di na po tayo magkakalayo nila inay. Nais ko po sana na kompleto tayo palagi na pamilya. Ang patuloy na paglalambing ni Taraki.
Sige anak susubukan ko di bale may kunti pa naman akong naitatabi sasapat pa sa pangangailangan natin, pero kapag hindi ito naging matagumpay huwag sanang sasama ang loob mo kung babalik ako sa trabaho ko. Sa sobrang saya niyakap ni Taraki ang kaniyang ama. Tara na anak at simulan na natin ang pag-ukit lumikha tayo ng iba’t ibang pigura unahin natin ang bulol (rice god) para mabiyayaan ang mga magsasaka dito sa ating nayon ng masaganang ani.
At ito na nga ang naging simula ng hindi paghihiwalay ng mag-ama. Nakalikha sila ng iba’t ibang pigura na kanilang inukit. Nagustuhan ito ng mga tao sa kanilang nayon at kanila itong naipagbili. Lumipas ang mga araw, buwan, at taon at ganap na nga silang kilala bilang mahuhusay na mang-uukit hindi lang sa kanilang lugar kundi sa iba’t ibang bayan. Hindi na nga muli pang iniwan ng kaniyang ama si Taraki halos araw-araw na silang magkasamang pamilya. At dahil dito labis-labis ang pasasalamat ni Taraki umasenso na ang kanilang pamilya subalit, hindi nakalimutan ni Taraki at ng kaniyang mga magulang na tulungan ang kanilang mga kababayan. Kaya naman patuloy silang pinagpapala ng Panginoon.