Return to site

TULAY NG PAGKAKAUNAWAAN

ni: ROSELYN P. DE DIOS

Saan mang panig ng mundo, tayo ay may pagkakakilanlan,

Hindi matatawaran ang angkin nating kasanayan,

Sa mga pagkakataong may hindi pagkakaintindihan,

Sa maayos na pag-uusap, nagkakaroon ng pagkakaunawaan.

 

Nangungusap na mga mata, tila ba ay nagkakaunawaan

Ngunit mas nagkakaintindihan kapag gamit ay mga salita,

Mga salita na kung saan mas higit na maayos ang magiging usapan,

Gamitin at palaganapin natin ang ating sariling wika.

 

Mahalaga ang komunikasyon saan man tayo mapadpad,

Mahalin natin ang sarili nating wika at tayo ay magiging maunlad.

Sapagkat ang tagumpay ng isang komunidad ay nagsisimula palagi

Sa pagpapahalaga at pagmamahal sa ating mga sarili.

 

Pinaghihiwalay ng karagatan ang bawat pook,

Gayundin ang karamihan ay nasa pagitan ng mga bundok,

Ngunit hindi maipagkakailang iisa ang ating kulay,

Kayumangging kaligatan, lahing Pilipino sa dugo'y nananalaytay.

 

Iba-iba man ang kulturang kinagisnan,

Iisa lang ang ating lahing pinagmulan

Isang bansa, sa iisang wika ay nagkakaisa,

Patungo sa kaunlarang minimithi ng bawat isa.

 

Bawat mamamayang bumubuo ng ating inang bayan.

Sa Luzon, Visayas, o sa Mindanao man iyan,

Saan mang sulok ng Pilipinas ay may taling nag-uugnay,

Wikang Filipino ang siyang nagsisilbi nating tulay.