Ang bawat pagsikat ng araw sa Silangan,
Dala’y pag-asa sa sandaang milyong mamamayan
Ilang ulit mang padapain ng kalaban
Titindig bayang pinagmulan.
Ilang trahedya ba ang sumubok?
Bagyo, lindol at bulkang sumabog?
Baha at giyera kasabay ng pandemya
Pinatatag ka lalo ng maraming sakuna.
Tulad ng mga alon sa iyong dalampasigan
Hampas nito’y pagsubok na di mabilang
Parang boksingerong pilit bumabangon
Bigwas ng kamao, suntok ng pag-ahon.
Minsang binalot ng karimlan at karahasan
Ginapos ng pandemya’t kahirapan
Matapang mong hinarap ang mga hamon
Di alintana sumapit man ang dapit-hapon
Ang pagbangon mo’y pag usbong ng pag-asa
Hatid nito’y tunay na galak kay LUZVIMINDA
Animo’y bukang-liwayway sa umaga
Kalakip nito’y walang humpay na saya
Tindig Pilipinas! Huwag pagugupo
Sandata mo’y pag-ibig ng mga Pilipino
Matutumba pero hindi patatalo
Yuyuko ngunit di kailanman susuko
O bayan ko, natatanging tunay
Nararapat aming pagpupugay
Ika’y alamat sa maraming bagay
Handang magbuwis yaring buhay.