Return to site

TAYMPERS

Jessa Marie A. Ravela

· Volume I Issue I

Sa aking muling pagtapak sa lupang aking sinilangan, malamig na simoy ng hangin ang sumalubong sa akin. Hanging dumadampi sa lahat ng mga sariwang sugat at pasa sa aking katawan. Tila hindi kayaning humakbang ng aking mga paa dulot ng lubos na panghihina. Katawang walang kalakas-lakas at nanglulupaypay at tila ayaw nang magpatuloy pang mabuhay. Namumutlang mga labi na para bang uhaw na uhaw. Uhaw na uhaw sa pagkalinga’t pagmamahal. Nangingitim ang balat sa paligid ng aking mga mata, dulot ng dahas na sa aking puso’t pagkatao ay iminarka. Ang dahilan ng lahat ng ito ay ang aking paghahangad ng inaakala kong magiging maayos at matiwasay na buhay. Ngunit siya palang magiging dahilan upang magkaroon ng lumot sa aking puso’t pagkatao. Nangarap, nangibang bansa, umuwing may nagdurugong puso’t tila nawalan na ng pag-asa. Ako si Rich, babaeng salat sa salapi, kapos sa pinag-aralan, at ang pagkatao’y dinungisan. Ngayo’y aking haharapin ang aking probinsya, hindi lamang bilang ako kundi kasama ang supling sa aking sinapupunan na bunga ng pagsasamantala ng ibang lahi sa isang katulad kong maralita.

Sa aking paglakad sa lugar kung saan ako’y lumaki’t nagkaisip, aking napagtanto na tila ba wala pa ding pinagbago ang lugar na ito. Maingay, maririnig ang malalakas na kwentuhan at tawanan sa buong lugar, nag-iiyakang mga bata na nasaktan sa kanilang paglalaro, may mga naglalaro ng BINGO, mga nag-iinuman sa harap ng kanilang mga bahay, mga nakanta sa videoke sa isang birthdayan, may mga nagchichismisan sa tabing daan, at may mga nagtutulak ng kariton at nangagalakal. Bakas pa din ang kahirapan sa lugar na aking kinalakihan. Sa pagpapatuloy ko sa aking paglakad sakbat ang isang bag at hila ang isang maleta na naglalaman ng aking mga kagamitan, sumalubong sa aking paningin ang mga batang gusgusin na tila walang mapagsidlan ang kaligayahan habang naglalaro ng patintero sa daanan. Bumalik sa aking ala-ala ang aking pagkamusmos sa lugar na ito, walang iniintinding problema kundi kung papaano malalampasan ang aking mga kalaro sa patintero ng hindi ako natataya. Ako ay napaisip, “ang buhay ay parang ang larong patintero, kailangan mong makipaglaban at lakasan ang iyong loob upang malagpasan ang lahat ng mga pagsubok na iyong makakaharap upang makarating hanggang dulo at masabi mo ang salitang “Finish!”. Sana may “Taympers” din sa buhay, na kapag nadapa at nasaktan ka ay pwedeng itigil kahit saglit ang laban upang hilumin muna ang sakit at upang makabangon muli para lumaban. Sana naging katulad na lamang ako ng mga batang ito, na kahit mga gusgusin at bakas na ang hirap sa pangangatawan ay patuloy pa ding nakangiti at masayang lumalaban. Sana naging kuntento ako, sana hindi na ako naghangad pa.”


Sa aking pagpapatuloy, hindi ko namamalayang unti-unti na palang pumapatak ang aking mga luha. Tumahimik ang paligid, at hindi ko napansing nasa sa akin na pala ang atensyon ng lahat. Sa akin ngayo’y nakamasid ang mga matang tila punong puno ng pagkagulat at pag-aalala. Napatungo na lamang ako, binalot ng kahihiyan ang aking buong pagkatao. Maya maya’y bumalik na ang lahat sa dati, ang kanilang atensyon, ang ingay ng paligid. Naging hudyat ito upang magpatuloy ako sa paglakad. “Rich, anak”, isang pamilyar na boses ang sa aki’y tumawag. Hindi ako nagkakamali, si Tatay Miguel, nakaupo sa tapat ng kanilang bahay at mababakas ang lubos na katandaan at panghihina. Hindi ko kadugo ngunit sa aki’y nagsilbing magulang simula pagkabata hanggang sa aking pagtanda. Mayroon siyang asawa at tatlong mga anak, at katulad ng ibang nakatira sa aming lugar ay nagdarahop din sa buhay. Ngunit hindi ito naging hadlang upang makatulong siya sa kaniyang kapwa. Siya ang isa sa aking takbuhan tuwing mabigat ang aking nararamdaman. Siya rin ang nagpayo sa akin noong bago ako mangibang bansa. “Sana nakinig ako sa kaniya, sana sinunod ko ang lahat ng payo niya.” Hindi man magkakadugo, parang isang pamilya ang turingan ng mga tao sa aming lugar. Sinuklian ko na lamang siya ng isang pilit na ngiti habang umaagos ang mga luha sa aking mga mata at nagpatuloy sa aking paglakad.


Sa aking pagpapatuloy, ay aking muling nakita ang lugar na nagsilbing aking pangalawang tahanan, ang puno ng narra na ilang bahay lamang ang lapit sa amin. Napapalibutan iyon ng mga damuhan, at iyon ang pinakamalaking puno sa aming lugar. Sapat ang kalakihan upang magsilbing lilim laban sa init ng araw at lakas ng ulan. Doon ko ibinubuhos lahat ng kabigatan ng aking kalooban dulot ng aming kahirapan. Madalas akong tumatakas sa aming bahay upang sa ilalim ng punong iyon magpalipas ng gabi. Nagdadala ako ng sariling panlatag at unan bitbit ang ballpen at notebook na nagsisilbing aking diary na pinagsasabihan ko ng lahat ng aking hinaing sa buhay. Habang nakahiga sa ilalim ng punong iyon, aking ninanamnam ang bawat sandali. Ang lamig at sariwang simoy ng hangin, ang mga kumikinang na mga bituwin, ang maliwanag na buwan, ang huni ng mga insektong namamahay sa puno, at ang mapayapang paligid. Pansamantala kong natataksan lahat ng kahirapan at pighati sa mga sandaling nasasa ilalim ako ng punong iyon. Hindi ko namamalayang nakakatulog na pala ako at natakasan ko na rin ang kalam ng aking tiyang may laman na isang pirasong tuyong kinain noong hapunan. Napangiti na lamang ako kahit patuloy pa din ang pagbuhos ng aking mga luha.


Tatlong bahay na lamang ang layo ko sa aming tahanan, akin nang natatanawan ang aking pamilyang matagal ko nang hindi nakikita. Agad nila akong sinalubong ng mainit at mahigpit na mga yakap at halik. Tila napawi lahat ng kabigatan ng aking kalooban. Naibsan ang aking pangungulila sa pag-ibig nila, ang walang katumbas na pag-ibig ni Nanay Flor, ang di matatawarang sakripisyo at hirap ni Tatay Eugenio, ang kakulitan at pagmamahal ng aking mga kapatid na sina John Michael, Jonalyn, Maria Elizabeth, Mark Joshua, at Myca. Lahat kami ngayon ay nag-iiyakan, sa tuwa, sa lungkot, sa pagsisisi. “Patawad anak”, sambit ni Nanay Flor habang nakayapos sa akin at umiiyak. “Wala po kayong dapat ihingi ng tawad nay, ang mahalaga po ay magkakasama na tayong muli.”


Ngayon ko napagtantong, mas mainam pang kumain ng isang pirasong tuyo, toyo, at mantika nang nakakamay kasabay ang pamilyang tunay na nagmamahal sa iyo kaysa sa kumain ng napakasasarap na pagkain gamit ang mga gintong kutsara’t tinidor kasabay ang mga mararangyang taong bulok ang puso’t pagkatao. Napakasaya maging mahirap, salat man sa salapi ngunit hindi maaalis ang katotohanang may mga taong nagmamahal sayo na sasamahan kang suungin ang hirap ng buhay, sasamahan kang magsikap upang makaraos sa kahirapan, at higit sa lahat ang Panginoong kahit kalian ay hindi ka iiwanan at patuloy kang gagabayan. Hindi man ako makakapagsabi ng “Taympers” kapag nasusugatan at nadadapa sa laban ng buhay, nandiyan naman ang aking pamilyang patuloy na sisigaw at palalakasin ang aking kalooban habang hinaharap ang mga pagsubok na ito at ang Panginoon ko na Siyang sa aki’y tutulong upang malagpasan ang lahat ng ito at magbibigay sa akin ng kalakasan upang masambit ang salitang “Finish!” sa dulo ng laro. Ako si Rich, babaeng salat sa salapi, kapos sa pinag-aralan, pagkatao’y dinungisan ngunit sa tulong ng Panginoon at ng aking pamilya ay patuloy na lalaban.