Return to site

“TAWID”

ni: MARITES T. MACYON

Sa aming bayan sa Norte matatagpuan, likhang sining ukit mula sa nakaraan.

Tanawing sa mata'y nakabibighani, mga kwentong bayan na sa labi namumutawi.

Naalala ko pa n'on sa aming pagbisita, habang namamangha sa paglililok ni Apo Ama.

Ambot ika niya "Sa aming paglisan, pabaong yaman mula sa pinanggalingan ay huwag kalilimutan."

 

Ako'y napaisip, wari'y isang borborcha sa 'king tainga, hindi makapaniwala,

Ano ba itong yaman sa aki'y pinapaalala? Tagubilin na tila mula sa tanikala,

Sa pagtataka, tinananong ko ang ama, "Ama mayroon ka bang hinala?"

Sagot sa aki'y "Anak isipin mong mabuti, ano ba sa ati'y nagpapakilala?"

 

Muli akong napaisip, ano nga ba itong nais ipaaalala ng aking Apo Ama?

Sa pagmumuni-muni lumapit kay ina na sa hinaing ni 'ading' nagpapataha,

Ina, saan ko ba matatagpuan itong pamanang bigay at huwag kalilimutan?

Ngumiti siya't napatingin, "Anak isiping mabuti, ano ba sayo'y nagbibigay kulay na maaring hindi bagay".

 

Lalong napakunot ang noo sa mga narinig, nahihiwagaan sa nais ipabatid.

Ako'y musmos palamang nang aking simulan itong pagtatanong sa misteryong yaman.

Sa muli kong pagbalik sa lupang nakagisnan nililok ni Apo Ama’y nasulyapan,

At doo'y napagtanto kung ano ba itong yamang sa iba’y kanilang ipinagkalulo.

 

Ang pigurang nililok ng panahon, mula sa maraming kwento na sa karanasan nakabaon,

Bawat detalyeng mayroon ay simbolo ng pagkakakilanlan, hirap at sakripisyo mula pa man noon,

Ang tanging gamit wikang susi sa komunikasyon siyang namagitan noon at sa ngayon.

Kulturang pinakaiingatan, wikang Filipino ang ginamit na daan upang patuloy na makulayan.

 

Napangiti ako't napakamot sa ulo at huling sandali’y sinulyapan,

"Apo ama, pasensya na't nahuli, hayaan mo't di ko malilimutan,

Itong pabaon mo’y maglalagi sa aking isipan at sa susunod nating kabataan,

Akin din itong dadalhin mapasaan man, bibigyang buhay sa magpakailanman."

 

 

*Apo ama- lolo

*Borborcha- bugtong