Tampakan, isang lugar na nasa bahagi ng timog ng Pilipinas na dati isang sityo ng Tupi, lugar sa Timog Cotabato. Ito’y malawak na kagubatan na pinamamahalaan ng National Land Settlement Administration (NLSA) taong 1930. Karamihan ng mga tao na naninirahan sa lugar na ito ay ang tribong Blaan. Ayon sa mga taong naninirahan doon, ang dating tawag sa lugar na ito ay “tamfaken” na nangangahulugan sa Wikang Blaan na “bukal”, dahil noon kapag pumunta ka sa lugar ng “tamfaken” ay madami kang masisilayang bukal na mismong pinagkukunan ng tribo sa kanilang inumin.
Ayon sa Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman (DENR), mayaman ang Tampakan sa mga natural na reserba kagaya ng tanso at ginto kaya maraming mga naglalakihang kompanya ang nagkakaroon ng interes upang dito magmina, sa kabila ng tulong ekonimikal ng pagmimina, ang pangunahing suliranin ng mga naninirahan dito ay paano mapreserba ang inang kalikasan na siyang pangunahing pinagkukunan ng mga tao sa kanilang buhay.
Ang layunin ng kritikal na sanaysay ay ipakita kung ano nga ba ang maidudulot ng Tampakan Open-pit Mining. Ito ba ay paraiso o paparating na delubyo sa mga taong naninirahan at nag-aasam ng tahimik at magandang buhay.
Ang Tampakan ay isang paraiso na may masalimuot na kasaysayan, mula sa digmaang sibil at “rido”, ngayon, isa sa malaking kinakaharap na suliranin ng probinsya ng Tampakan ay ang pag-aproba at pag-amyenda ng konseho ng probinsya ng Timog Cotabato sa “Environmental Code” na nagsasaad na muling buksan ang 12 na taong pagpapasara ng “Open-mit mining” sa probinsya. Sa Pilipinas, isa sa kontrobersyal na isyu ang pagmimina, maraming mga argumento at paglilitis sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas na napapatungkol sa pagmimina, ngunit ano nga ba ang kaibahan ng “Open-pit Mining” laban sa normal na pagmimina. Ang negatibong epekto ng “Open-pit Mining” ay ang suliraning pangkalikasan.
Ayon sa Environmental Law Alliance Worldwide (2010), “open-pit mining is a type of strip mining in which the ore deposit extends very deep into the ground, necessitating the removal of layer upon layer”. Dahil dito ang pagtanggal ng lupa mula sa pinakailalim ay nakadudulot ng malaking epekto sa lupa na kinareresulta ng paglambot ng lupa sa ilang bulubundiking lugar ng Tampakan. Landslide, flash floods at napakarami pang- environmental crisis ang hatid nito sa mga tao.
Dahil dito lubhang mahalaga ang pagdalumat ng iba’t ibang isyu ng pagmimina sa Internasyonal at Nasyonal na aspekto. Sa bansang Sweden sa ika-22 ng Pebrero taong kasalukuyan, pinapayohan ng mga eksperto na kabilang sa organisasyong United Nations (UN) ang gobyerno ng Sweden na hindi dapat bigyan ng lisensya ang pagmimina ng iron-ore sa Gallok Region, tahanan ng tribong Sami, ang proyekto na ito ng Beowulf Mining, kompanya na galing sa bansang Briton sa koordinasyon ng Jokkmokk Iron Mines ng bansang Sweden, kapag ito’y na-aprobahan
Sa artikulo ni Reyes (2021) ng Philippine Daily Inquirer, ang koordineytor ng Kalikasan People’s Network para sa pangangalaga ng kalikasan sa Pilipinas na si Leon Dulce, "open-pit mining is actually responsible for the devastation of watersheds in regions heavily affected by the typhoon such as Caraga, Negros, and Central Visayas.". Ayon sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN noong 2019, na nagsasabing ang Pilipinas ang isa sa pinakamaraming naitala na bagyo sa loob ng nakalipas na limang (5) taon na sinabayan pa ng illegal na pagmimina sa mga bulubunduking lugar nito ay nagresulta ng napakaraming delubyong pangkalikasan. Halos lahat na nakasisira ng kalikasan ay gawa ng tao resulta ng hayok sa pera na hindi iniisip ang kapakanan ng susunod na henerasyon. Ayon din sa Environmental Law Alliance Worldwide, (2010). Ang open-pit mining ay humuhulma ng hindi balanseng biodiversidad, katulad na lang ng pagkawala ng iba’t ibang uri ng hayop at flora sa bulubunduking lugar ng Pilipinas, pagkasira ng tirahan ng mga hayop na umaasa sa inang kalikasan. Bunga rin ng pagmimina ang direkta at di-direktang suliranin sa siklo ng wildlife at ang kanilang survival ability ay nakadepende sa kondisyon ng lupa, klima, altitude at ang karaniwang nakikita sa kagubatan.
Ikalawa, ang open-pit mining ay magreresulta rin ng bayolasyon sa kapakanang pangtao, alam naman natin na ang likas na yaman ang pangunahing pinagkukunan ng tao hindi rin garantisado ang seguridad ng mga pagkain dahil sa kemikal na ginagamit sa pagmimina maging ang seguridad pangkalusugan ay maaapektuhan din lalo na sa mga magtratrabaho sa mining site. Sinangayonan naman ito sa artikulo ni (Hamm, 2013) na nagsasabing, "a copper-gold mine poses health risks in itself—noise, air, water, and soil pollution are possible side effects of the business activity and may jeopardize the surrounding communities’ health". Masyadong maaapektohan ang mga naninirahan dito lalo na sa kanilang pagkain at pagkukunan ng inumin.
Ikatlo, ang open-pit mining ay may pagbabanta rin sa kultura ng mga tribong naninirahan malapit sa mining site dagdag pa rito ang panglupang epekto tulad ng ancestral domain ng mga Lumad ay magiging isyu, resulta ng open-pit mining. Gayon, ang pagmimina ay kinakailangan ng malawak na hektarya at kadalasang naaapektuhan nito ay ang mga Lumad na naninirahan sa mga lugar na ito. Ayon pa nina (Gobrin & Andin, 2002) resettlement of various Lumad communities is the consequence of a process through which indigenous communities are removed from the land that constitutes the basis of their livelihoods and an important component of their culture. Ang yamang kultural ng mga Lumad ay unti-unting mawawala at ma-eekstink bunga ng open-pit mining.
Hindi ata ito nakita at nasiyasat ng mga konsehal na nag-aproba ng open-pit mining sa Tampakan, hindi nila alam kung gaano nakaapekto ito sa pangkilakasan at buhay ng mga tao na nananinirahan doon dahil nabuhay ang delubyo ng isyung ito noong ika-16 ng Mayo, taong kasalukuyan, limang buwan matapos inangat ng Kagawan ng Kapaligiran at Likas na Yaman (DENR) ang probisyon na nagsasaad na kanselahin ang open-pit mining sa bansa taong 2017. Ang pagkakaisa ng labin-limang (11) konsehal ng Probinsya ng Tampakan ay hudyat ng pag-aproba sa probisyon na ito.
Ito’y agarang kinondena ng simbahang katoliko sa pangunguna ni Bishop Cerilo Casicas, pangulo ng Catholic Diocese of Marbel, lokasyon ng Proyekto ng Tampakan, “The amendment allows all forms of mining, including open-pit, in the province. And the future of the province was decided in less than 15 minutes, the saddest tragedy hitting our province is that only 11 people decided for the fate of almost a million people of South Cotabato, not counting the future generation,”. Ang pag-aproba ng konseho ng probinsya ng Tampakan sa naturang amyendisasyon ay ang pagkagalit ng iba’t ibang sektor na promoprotekta sa inang kalikasan, mga simbahan at mga organisasyong pangtribo na patuloy na sumisigaw na tuluyan nang ipasa ang pagmimina ngunit hindi pa rin naririnig ng gobyerno. Sa kabila ng pangako ng developer na Sagittarius Mines, Inc. hinggil sa responsableng pagmimina sa probinsya ay nananatili pa rin ang sakuna sa pangkaligiran at pangkalikasan dulot ng pagmimina sa Probinsya. Kahit na sinang-ayunan ito ng labin-isang konsehal (11) ay pwede pa rin itong rebisahin ng kasalukuyang gobernador ng Timog Cotabato na si Governor Reynaldo Tamayo Jr. siniguro niya sa mga mamayanang Timog Cotabato na sa kanyang panunungkulan ay hindi ito maipapasa bilang batas. Sa pahayag sa kanya ng midya, sinabi niya na patuloy niyang proprotektahan ang inang kalikasan gayon din ang kapakanan ng kanyang nasasakupan dahil kung maipapasa ito bilang batas ay hudyat ito sa kompyang Sagittarius Mines, Inc. na magpatuloy nang pagmimina sa lugar ng Tampakan. Sabi pa nga ni Padillo, (2022) isang mamayanan na kinokondena ang open-pit mining. “We are hopeful that the ban on open-pit mining will remain. We also hope that the (incoming) Board Members who will sit in the Sanggunian will put the environment as their priority focus and not betray the call of the people they need to serve and protect,”.
Ang bunga nito ay hindi natin agarang makikita at mararanasan, ang susunod na henerasyon ang magtatamasa nito, kay pait kung isipin na ang kanilang buhay na hindi pa nga nasisilayan sa mundo ay may nakatatak na nakasalimuotan na gawa ng tao dahil lamang sa pangkaisipang ekonomikal, hindi natin alam kung gaano ka importante ang kalikasan, kalikasang nagbibigay sa atin ng buhay at hanap-buhay, kalikasang promoprotekta sa atin laban sa sumbalot ng mundo. Kapag usapang ekonomikal totoong nakatutulong ang pagmimina dahil isa ito sa positibong pagkakakitaan ng mamamayanan. Lalo na’t hindi pa natatapos ang pandemya na patuloy na naghahatid ng dagok sa tao, ang mahihirap na patuloy na naghihirap, mga mayayaman na mas lalo pang yumayaman, sa Pilipinas matatamasa lang natin ito kung may ekwalidad na pag-iisip ang mamayanan at gobyerno. Tandaan natin ang malaking dulot ng pandemya sabayan pa natin ang pagsira sa kalikasan.
Ang Pilipinas ay sagana sa likas na yaman, dahil sagana, lalong inaabuso ng tao hindi tayo nag-iisip kung ano ang epekto nito sa pagdaan ng panahon, henerasyon ng ating mga anak. Paano na kaya sila mabubuhay? paano na kaya ang bansang ito? Tunay ngang nakabubulag ang panandaliang yaman hindi na natin napapansin kung ano tayo sa susunod basta’t nakikita pa’y walang pakealam kung nawala na’y doon pa kikilos. Huwag na nating hintayin na magalit pa ang inang kalikasan lahat ng nakasisira atin nang pigilan para sa ikauunlad ng ating inang bayan. Isulong ang ekonomiya sa malinis ngunit makabagong paraan para sa mas matatag na Pilipinas.