Return to site

TAKIPSILIM 

GERALD F. PAGODPOD 

· Volume IV Issue I

Aking nanamnamin ang kagandahan ng dagat

Kung saan magmumunimuni sa mga pagkakataong dumaan

Tanawin na para bang sa akin nakalaan

Sabay sa musikang hatid ng karagatan

 

Aking binabaon sa buhangin ang aking paa

Kasama dito ang mga bagay na sa araw ko ay nagpadismaya

Mga ito ay iiwan at isasama sa alon

Habang nakabaling ang tingin sa umaapoy na kalangitan

 

Unti-unti ay napapalitan ng maliit na liwanag ang iyong karagatan

Nilalamon ng mga anino ng kabundukan

At tulad ng bukang liwayway

Kulay lila mong kalangitan sa mga alon sumasabay

 

Hinihila ako ng kagandahan mo

Sa tuwing matatapos ang araw ko

Sa dalampasigan ako ay nagtutungo

Pagmamasdan ka habang naparam ako sa kagulohan ng mundo