Return to site

“TAGUMPAY”

PITZIE DIANNE L. CABANILLA

· Volume IV Issue IV

Noong unang panahon masayang naninirahan ang pamilyang Pagaduan sa bulubundukin ng Sierra Madre. Ngunit nang dumating ang mga dayuhang mananakop ay napilitan silang maglakbay sa lugar na walang katiyakan. Sila ay naglakbay hanggang sa makarating sila sa isang lugar na madaming likas na yaman. Ito ay ang bayan ng Casiguran, probinsya ng Aurora. Namangha sila sa ganda ng lugar, kaya naman hindi na sila nagdalawang-isip pa na manirahan dito.

Sa kanilang patuloy na paglalakbay ay napadpad sila sa isang lugar na mabundok, liblib at malayo sa kabihasnan. Bukod sa huni ng mga ibon na tila animo nag-aawitan sa sanga ng mga nagtataasang punong kahoy ay malalasap ang malinis at malamig na simoy ng hangin. Kung kaya’t napagpasyahan nilang dito na lamang manirahan. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay mayroon na palang unang tribong naninirahan doon at ito ay ang pangkat ng mga Ilongot. Ngunit dahil magkaiba ang kanilang paniniwala at kultura ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan na humantong sa karahasan. Subalit ng dumating ang misyonaryo sa lugar na siyang nagpamulat sa kanilang kaisipan tungkol sa Kristiyanismo ay nagkaroon ng mapayapang usapan sa pagitan ng dalawang tribo. Dito nag-umpisa ang pagtutulungan at palitan ng kaalaman tungkol sa kanilang pangunahing kabuhayan at ito ay ang pagtatanim. Pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao dito sa Aurora dahil malawak ang lupain na sinasaka ng mga tao kaya naman sagana din sila sa pagkain. Isa pa ay ang pangingisda sapagkat malapit din ito sa karagatan. Talagang mapapahanga ka sa ganda ng karagatan sa Aurora dahil sa taglay nitong saganang yamang-tubig at maraming isda ang maaari mong mahuli dito.

Si Anton Pagaduan, ang tumatayong lider sa tribo ng mga Agta at ang kanyang maybahay na si Marites Pagaduan naman ay kilala dahil sa kakaibang bilis at husay pagdating sa paghahabi ng tapis at bahag na kanilang pangunahing kasuotan. Biniyayaan sila ng isang mapagmahal at masunuring anak na si Angelito Pagaduan. Si Angelito ay may taglay na kakaibang talento at dedikasyong matuto. Napansin ito ng misyonaryo kaya naman hindi ito nagdalawang isip na ipabatid ang kanyang naobserbahan sa mga magulang nito at humingi siya ng pahintulot na ipasok ang bata sa pampublikong paaralan upang mahasa pa ang kanyang kaalaman na magagamit nito sa pang-araw-araw na pamumuhay. Agad din namang sumang-ayon ang mga magulang ni Angelito para sa kanyang magandang kinabukasan. Si Angelito ay nag-aral ng elementarya sa Casiguran Central School. Siya ay matalino at mabait na bata kaya naman hindi nakapagtataka na siya ay nagkamit ng unang karangalan sa kanilang paaralan. Nagdesisyon si Angelito na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Casiguran National High School. Si Angelito ay mag-aaral ng Junior High School na nasa ikapitong baitang na.

Sa unang araw ng pagpasok ni Angelito sa paaralan ay nagkaroon na siya ng mabigat na suliranin at ito ay ang halos dalawang oras na paglalakad sa matarik na bundok at kailangan pa niyang tumawid sa tatlong ilog. Sadyang malayo ang bahay nila papunta sa kanyang paaralan. Dahil na din sa kahirapan, pumapasok siyang nakayapak. Pagdating sa eskwelahan ay kaagad niyang naramdaman ang pagiging kakaiba niya pagdating sa kulay, pananamit at kultura kumpara sa karamihang estudyante na naroon. Minabuti nito na mapag-isa muna at hindi makihalubilo sa kanyang mga kaklase. Madalas ay nasa sulok lamang siya at nag-iisa. Madalas din siyang asarin ng kanyang mga kaklase dahil sa kaniyang kakaibang kulay at itsura.

Napansin ng kanyang guro na si Bb. Ana na tila walang kaibigan si Angelito kaya naman naisipan niyang kausapin ito na silang dalawa lamang. Si Bb. Ana ay ang gurong-tagapayo ni Angelito na dalawampung taong gulang pa lamang at nakatira rin sa Casiguran, Aurora. Isa siyang mabait, matiyaga, at maunawaing guro sa kanilang paaralan.

Doon niya napag-alaman na may tatlong magkakaibigan na sina Luisito, Jaycee at Welco ang siyang nangunguna sa panunukso sa kawawang bata. Si Luisito ay nagmula sa tribo ng mga Ilongot. Siya ay isang tuso at mapanglait na bata. Halos lahat ng mag-aaral ay takot sa kanya. Madalas din siyang magtago ng mga gamit ng kanyang mga kaklase. Siya ay magaling sa pangingisda dahil iyon ang trabaho ng kanyang mga magulang. Si Jaycee naman ay nagmula sa tribo ng mga Kankanaey. Mahilig din siyang manakit ng kaklase. Siya ay nagmula sa isang pamilyang may kaya sa buhay. Samantalang si Welco naman ay isang Ilokano at tumatayong pinuno sa kanilang grupo. Katulad ng dalawa, siya rin ay mahilig manukso at manakit ng kaklase. Siya din ay nagmula sa pamilyang may malaking negosyo ngunit siya ay may taglay na katipiran. Samakatuwid, sila ay nanggaling sa iba’t ibang lahi. Wala silang ibang bukang bibig kundi ang pisikal na anyo ni Angelito (kulot, maitim, pandak at mukhang mabaho). Idagdag pa ang kanyang pananamit na tila bago sa paningin nang mapang-api na mga kamag- aaral.

Dahil araw-araw na nakararanas ng panunukso si Angelito sa kanyang mga kamag-aral ay tila pakiramdam niya’y hindi nababagay para sa kanya ang pagpasok sa paaralan. Kung kaya’t napagpasyahan niyang huwag ng pumasok at manatili na lamang sa bundok kasama ang mga katribu niya. Si Angelito ay sumasama sa kanyang ama upang maghanap ng mga punong-kahoy na magagamit nila sa pagluluto. Tumutulong din siya sa pagkuha ng mga kamoteng kahoy na maaari nilang makain para pantawid gutom. Masaya si Angelito sapagkat pakiramdam niya’y dito lamang siya nabibilang at tanggap siya ng mga taong nakapaligid sa kanya. Walang panunukso at tahimik ang kapaligiran.

Napansin ni Bb. Ana na ilang araw ng hindi pumapasok si Angelito. Halos wala na siyang makuwenta na marka para sa estudyante niyang ito. Kaya naman naglaan siya ng panahon upang kausapin ang misyonaryong nagpasok kay Angelito sa paaralan at kaniyang ipinaalam ang ilang araw nang pagliban ng bata sa kanyang klase. Malungkot na sinabi ng misyonaryo na hindi na mag-aaral si Angelito sapagkat mas nais na lamang nito na umakyat sa bundok upang makatulong sa kanyang mga magulang. Labis din itong ikinalungkot ni Bb. Ana kaya naman naisipan niyang bisitahin ang bahay nila Angelito upang magbigay ng mabuting payo para sa kinabukasan ng bata.

Araw ng Linggo, sa malamig na umaga, habang humihigop ng mainit na kape ay pinagmamasdan ni Anton ang anak na si Angelito na tahimik at tila may malalim na iniisip. Nilapitan niya ang kanyang anak at kinausap niya ito. Pinayuhan niya si Angelito na ipagpatuloy ang pag-aaral at ipakita niya sa lahat na kahit naiiba siya sa pananamit, kulay at kinagisnang pamumuhay ay ipinamamalas niya ang mabuting pag-uugali at kagalingan sa larangan ng akademya at iba pa.

Habang nag-uusap ang mag-ama ay nasulyapan nila sa di kalayuan ang pagdating ng misyonaryo na may kasamang pamilyar na babae. Si Bb. Ana, ay boluntaryong sumama sa bundok upang kumustahin ang kalagayan nito. Mababanaag sa mukha ng pawisang guro ang kasiyahan ng makita niya sina Angelito at Anton. Nagbatian sila ng may ngiti sa mga labi. Naghanda ng almusal si Aling Marites para sa kanila.

Pagkatapos kumain ay masinsinan silang nag-usap at nagkwentuhan. Isinalaysay ni Bb. Ana ang kanyang mga naging karanasan noong siya ay nag-aaral pa lamang. Nalaman ni Angelito na nanggaling din pala sa isang mahirap na pamilya ang kanyang gurong-tagapayo. Pinagsabay ni Bb. Ana ang pag-aaral at pagtatrabaho upang makapagtapos ng pag-aaral at makamit ang pangarap na maging isang mahusay na guro ng sekondarya. Dahil dito napapayag nila si Angelito na muling pumasok sa paaralan. Bakas sa mukha ng guro ang kaligayahan sa naging desisyon ng kanyang estudyante.

Sa maiksing panahon na pakikisalamuha ng guro sa mga katutubo ay naramdaman niya ang kasiyahan, pagtutulungan, respeto at simpleng pamumuhay ng mga tao dito. Mas naintindihan ng guro ang kalagayan ni Angelito kung kaya’t lalong nakagaanan niya ito ng loob. Naramdaman ni Angelito ang pagiging pangalawang magulang ng guro sa kanya at lalo siyang nagsumikap sa pag-aaral. Bagaman tinutukso parin siya minsan ng mga kaklase ay hindi na lamang niya ito pinapansin. Dahil sa pagbibigay ng motibasyon ng kanyang guro ay naging mahusay at palakaibigan na siya. Madaming nagbago kay Angelito tulad ng pagiging aktibo sa klase at pagiging matulungin sa kapwa.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakita ni Angelito si Luisito sa kanilang tindahan. Si Luisito ay isang anak ng mangingisda at mayroon silang maliit na talipapa. Kung sa paaralan, si Luisito ay palaging nanunukso ng mga kaklase, pagdating sa kanilang tahanan siya ang laging natutukso.

Narinig ni Angelito na niloloko si Luisito ng mga ibang bata na mabaho at amoy isda. Tinulak si Luisito ng mga bata at binato ng mga isda. Umiyak si Luisito pero hindi siya lumaban dahil mag-isa lamang siya. Ngunit siya ay nagulat nang makita niya si Angelito na tumayo sa kanyang harapan. Ang akala ni Luisito ay pagtatawanan siya at lolokohin din nito ngunit nagkamali siya. Tinulungan siya ni Angelito na tumayo at tinulungan din siya na pulutin ang kanyang mga panindang isda.

Simula noon ay gumaan na ang pakiramdam at pakikitungo ni Luisito kay Angelito. Hindi na rin nila ito inaasar at lagi na silang magkakasama sa lahat ng mga aktibidades sa kanilang paaralan. Naging matalik na magkakaibigan sina Luisito, Jaycee, Welco, at Angelito. Lagi silang nagtutulungan at nagkakaisa sa lahat ng mga gawain sa kanilang paaralan. Hindi naging hadlang ang kanilang pagkakaiba ng kultura at paniniwala upang maging matatalik na magkakaibigan.

Isang araw, nagbigay ng gawain ang kanilang guro sa asignaturang Araling Panlipunan na si Bb. Ana. Ang layunin ng kanilang aralin ay matutunan ng mga mag-aaral ang kahalagahan ng pagtutulungan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kanilang mga kultura at paniniwala. Sinabi ng kanilang guro na kailangan nilang makabuo ng isang skit play o maikli pero masayang pagtatanghal. Ang kanilang gagawing skit play ay tungkol sa kultura at paniniwala ng iba’t ibang lahi tulad ng Igorot, Ilongot, Kankanaey, Ilokano, at iba pa. Sa pamamagitan ng skit play na ito, mapahahalagaan ng mga mag-aaral pagrespeto sa kultura at paniniwala ng kanilang kapwa mag-aaral.

Ipinaliwanag ni Bb. Ana ang mga pamantayan sa pagmamarka ng skit play. Sinabi niya na ang mga kraytirya sa pagmamarka nito. Kailangan ay malinaw ang mga ideya, maiksi, masaya at malikhain ang presentasyon. Dapat din ay kapani-paniwala ang pagganap ng mga tauhan sa skit play. Kailangang organisado rin ang diwa ng paksa at higit sa lahat dapat napapanahon ang mga sitwasyon.

Dahil sa pagiging aktibo ni Angelito, siya ang naging lider sa gagawin nilang pagtatanghal. Si Angelito ay masayang tinanggap ang kanyang tungkulin bilang isang lider sa kanilang gagawing pagtatanghal. Ang bawat miyembro ng grupo ni Angelito ay nanggaling sa iba’t ibang tribo kaya naman mas naging madali para sa kanila ang pag-iisip ng tema para sa skit play. Lahat ng miyembro ay nag-ambag at tumulong upang maging maganda, masaya at makatotohanan ang kanilang gagawing pagtatanghal. Si Angelito ang gumawa ng iskrip para sa skit play. Malinaw ang mga ideya na inilagay ni Angelito sa iskrip. Samantalang si Luisito naman ang nag-isip ng konsepto upang maging maganda ang kanilang pagtatanghal. Sinigurado niya na maiksi, masaya at malikhain ang kanilang gagawing presentasyon. Si Jaycee naman ang naghanda ng props at kasuotan na babagay sa kanilang pagganap. Naging makatotohanan ang paggnap ng mga tauhan dahil sa kanilang kasuotan kaya naman talagang kapani-paniwala ang pagganap ng mga tauhan sa skit play. At si Welco naman ang gumawa ng paksa kaya naman organisado ang diwa ng paksa. Siya din ang nag-isip upang maging angkop at napapanahon ang mga sitwasyon.

Matapos ang paghahanda at pagpapraktis ay nakabuo na sila ng isang skit play. Dumating ang araw ng pagtatanghal. Kitang-kita sa mata ng mga mag-aaral ang kaba habang nasa entablado. Pero bago nagsimula ang pagtatanghal, kinausap muna ni Angelito ang kanyang mga kagrupo. Sila ay nagkapit-bisig para sa iisang layunin. Sinabi ni Angelito sa kanyang mga kagrupo na alisin ang kanilang kaba at magtanghal ng mga natutunan nila sa kanilang pagpapraktis. Binigyan ni Angelito ang kaniyang mga kagrupo ng lakas ng loob upang maging masaya at matagumpay ang kanilang pagtatanghal.

Ipinakita nila ang kultura at paniniwala ng mga Igorot. Ang Igorot ay isang primitibong pangkat etniko sa Pilipinas. Ang kultura at tradisyon ng mga Igorot ay kilala dahil sa kanilang kasuotan na bahag, pamumuhay sa pamamagitan ng mga bungang ugat at sa maraming dasal para sa pag-aasawa, paglalakbay at pagsasaka. Sa kanilang kasuotan, ang mga babae ay nagsusuot ng mga makukulay na patadyong o mahahabang palda, nagsusuot din ang mga babae ng kuwintas at palayok sa ulo. Ang mga lalaki naman ay nakabahag.

Dahil sa kanilang pagtutulungan, nakabuo rin sila ng isang malikhaing presentasyon o skit play na nagpapakita ng iba’t ibang kultura at paniniwala ng iba’t ibang lahi tulad ng Igorot, Ilokano, at iba pa. Lubhang natuwa at nagalak ang kanilang guro dahil sa ipinamalas nilang talento at kakayahan. Dahil sa kahanga-hangang pagtatanghal, nagbigay ang kanilang guro ng isang daang (100) puntos sa grupo ni Angelito. Tuwang-tuwa ang bawat mag-aaral sapagkat nagbunga ang kanilang pagsisikap at pagtutulungan kaya hindi nila naiwasang magyakapan sa isa`t isa dahil sa labis na kaligayahan. Makikita sa kanilang mga mata ang galak at tuwa sapagkat alam nila na nagkaisa sila at nagtulungan upang ang lahat ay makasabay sa skit play.

Sa pamamagitan ng skit play na ito, naipakita nila Angelito na kahit iba iba ang ating kultura at paniniwala ay iisa lamang tayo ng layunin. At sa bawat gawain, mahalaga ang pagtutulungan, respeto at positibong pananaw upang makamit ang inaasam na tagumpay. Napakahalaga ng pakikisama sa ating kapwa kahit magkakaiba tayo ng tribo o lahi. Kailangan lamang na unawain natin ang bawat isa para magkaroon tayo ng isang produktibong komunidad na sumasalamin sa ating pagkakaisa.

Sa paglipas ng mga araw ay nakaisip ang guro ng paraan upang ibahagi ang pamumuhay ng mga katutubo katulad ng kanilang paniniwala, kultura, pananamit at paghahanap-buhay, at maging ang mabuting asal ng mga katutubo. Dito nagsimula ang pagkilala at pag-unawa ng mga mag-aaral sa buhay ng bawat katutubo na dapat ay pantay-pantay ang pakikitungo at kailangang irepesto ang bawat isa. Humingi ng pahintulot si Bb. Ana sa kanilang punong-guro na payagan siyang makipag-usap sa mga katutubo upang magbigay ng kaalaman sa pagtugtog ng kanilang mga instrumento at upang maibahagi ang ilang mga katutubong awit, sayaw, at laro ng lahi. Dahil sa pakikipagtulungan ng mga katutubo ay naging maayos at masaya ang ginawang aktibidades sa paaralan.

Dahil sa mataas na pangarap ni Angelito para sa kaniyang sarili, pamilya at tribo ay lalo siyang nagsumikap para sa kaniyang pag-aaral. Naging inspirasyon niya ang mga taong nakapaligid sa kanya. Nakapagtapos siyang may karangalan bilang Cum Laude sa isang sikat na Unibersidad na taglay ang pagmamalaki sa kaniyang tribo. Maging ang kaniyang mga kaibigan na dating tumutukso sa kanya na nagmula sa iba't ibang tribo ay nakapagtapos din sa Unibersidad. Masayang masaya si Angelito kasama ang mga kaibigan sa tagumpay na nakamit.