Return to site

SYRA AT VIA: GAMOT SA PANAHON NG PANDEMYA  

JULIE ANN ALMARIO BAS

· Volume IV Issue I

Sa isang botika, makikita ang iba’t-ibang klase ng gamot. Laging nag-uusap ang magkakaibigang sina Neo, Gessie at si Bio. Sila ay pawang mga gamot sa ubo, sipon at lagnat. Masaya nilang pinag-uusapan ang maraming pagdiriwang na nagaganap sa kanilang paligid katulad ng pista, kaarawan, pasko, bagong taon at iba pa. Batid nila na ito ay nangangahulugang madalang magkasakit ang mga tao sa kanilang paligid. At dahil dito, wala masyado silang tatrabauhin.

Ngunit isang araw, bigla silang natakot at malungkot na nag usap-usap. Seryoso man ang kanilang usapan ay laging napupunta ito kila Syra Syrainge at Via Vials.

‘’ Kaibigang Neo nabalitaan mo na ba? Ang buong mundo ay kumakaharap ngayon ng pandemya. Tiyak na tayo naman ang bibilhin at gagamot sa napakaraming tao”, ang sabi ni Gessie

“Ay oo naman kaibigan kong Gessie balitang balita na nga. Inihahanda ko na nga aking sarili sapagkat magdamagan naman ang ating pagtatrabaho sa loob ng katawan ng mga tao”, ang sagot naman ni Neo.

“Naku! tiyak wala na namang magagawa sina Syra at Via sa mga panahong ito. Iyon ngang walang pandemya ay kinakatakutan na sila, ngayon pa kaya”, ang pagpaparinig naman ni Bio sa kasama nilang magkaibigan.

Marahan na lamang na tumalikod si Syra sapagkat totoo naman ang sinasabi ng mga kasamahan niyang gamot. Madalas niyang maalala na ang mga tao ay takot sa kanya. Nakikita palang siya ay marami ng nanginginig at nagsisipag-iyakan.

“Bakit hindi mo sila paliwanagan Syra? Ang tanong naman ni Via Vials.

“Hayaan mo na sila Via. Ano man ang pagpapaliwanag na gawin natin sa kanila ay hindi rin sila makikinig. Balang araw ay kakailanganin nila ang tulong natin,” ang mahinahong tugon ni Syra.

Makaraan ang isang taon, lalong lumala ang sitwasyon ng mundo at pagod na rin ang pangkaraniwang pang unang lunas sa pandemyang kinakaharap.

“Lalong tumataas ang kaso ng mga nagkakasakit Gessie. Napapagod na rin ako sa katatrabaho sa loob ng katawan ng mga tao”, ang reklamo ni Neo.

“Maging ako man ay pagod na Neo. Nauubos na rin ang aking mga kasamahan upang labanan ang virus na kumakalat sa katawan ng tao”, ang sagot naman ni Gessie.

“Ako rin ay nagpatulong na sa kaparehas kong gamot na aking mga kaibigan sa kabilang nayon ngunit sila rin ay pagod na pagod na”, ang dugtong naman ni Bio.

Samantala habang sila ay nag-uusap ay siya namang pagdating Via Vials.

“Mga kaibigan kong gamot, ako ang sagot sa inyong problema. Kalalagay lang sa akin ang gamot na babago at makapagpapagaling sa mga tao. Ngunit ako ay nangangamba na hindi ito makatulong sainyo sapagkat kakailanganin ko ang tulong ni Syra. Baka hindi siya pumayag dahil sa masasakit na salita ang naririnig nila mula sa inyo.

“Tuwang-tuwa na sana ang magkakaibigan sapagkat sa wakas ay makapagpapahinga na sila ngunit naalala nila ang ginawa nila kay Syra. Nagkasundo ang tatlo na kausapin si Syra.

“Syra maaari ka ba naming makausap? Hihingi sana kami ng pasensiya saiyo sapagkat nasaktan ka yata namin sa mga sinasabi at pagpaparinig namin saiyo,” ang simula ni Bio.

“Oo nga Syra, ipagpaumanhin mo ikaw pala ay totoong kinakatukan ngunit ikaw pala ang kakailanganin upang matapos na pandemyang ito. Tulungan mo sana kami dahil kami ay wala nang lakas upang malabanan ang virus”, ang mapagkumbabang sabi naman ni Gessie.

“Ako rin Syra, hihingi rin ako ng paumanhin sa aking mga nasabi. Lahat pala tayo ay may iba’t-ibang pakinabang sa tao. Iginagalang dapat ang bawat isa sa atin. Sana ay mapagbigyan mo kami”, ang sabi ni Bio.

“Natutuwa akong marinig iyan sainyo aking mga kaibigan. Pinapatawad ko na kayong lahat sapagkat alam kong darating ang panahon na makikita ninyo ang aking halaga,” ang sagot si Syra Syrainge.

“Halika ka na kaibigan kong Via Vials, magsimula na tayo sa ating misyon. Tiyak na hinihintay na tayo ng mga tao. Kinakailangang ibangon natin ang mundo sa pandemyang kinakaharap nito”, ang yaya naman niya sa kaniyang kaibingang c Via.

Natutuwa namang sumama si Via sa kaniyang kaibigan. Simula noon, libo libong tao na ang natusukan ni Syra at Via. Hindi nagtagal ay bumaba na ang bilang ng mga taong nagkakasakit. Sila ay itinuturing na bayani at iginagalang na sa kanilang botikang kinabibilangan.

“Napakagaling nila Syra at Via tunay ngang sila ay gamot sa panahon ng Pandemya”.