Nakakamanghang isipin na sa paglipas ng panahon ay napakaraming makabagong imbensyon ang nagagawa sa ating mundong ginagalawan. Mga likhang tunay na nagbigay ng malaking epekto sa ating pamumuhay. Mula sa dating plantsang de uling ay naibento ang mga plantsang de kuryente na napakadali at epektibong gamitin. Mga telepono na dinisenyo na may kamera, radyo, calculator, kalendaryo at mga palabas sa telebisyon na iyong maaring mapanood saan ka man magtungo. May mga sasakyan din na pinahusay ang kalidad na kung saan ika’y maaaring matulog, maligo at kumain na para bang ika’y nasa iyong sariling tahanan. Marami pang mga bagay ang nagbago dito sa mundo dahil sa teknolohiya, ito ay ‘di na kataka-taka dahil ang tanging permanente dito sa mundo ay ang pagbabago. Ngunit bakit ang sistema ng edukasyon noon, ay sya parin hanggang ngayon?
Matatawag ba na pag-unlad ang isang bagay na hindi nagbago ng ilang dekada? Naaalala ko pa nung ako’y nasa elementarya, puno ng tawanan ang aming hapon tuwing maisipan ng aming guro na kami ay magdilig at maggambol ng lupa para sa aming taniman. Mga hindi malilimutang sandali kapag ang aralin ay pinasulat na sa aming mga kwaderno, ito’y nagmimistulang labanan sa kung sino ang first, second at third na mabilis magsulat sa klase. At mga araw na yumanig sa aming mga utak dahil kailangang isaulo ang lahat ng mga bayani at pangulo ng bansa upang makapasa sa pagsusulit. Ngunit ngayong ako’y isa ng guro, ang tuwa sa mga ala-alang iyon ay napapalitan ng lumbay sa pagtatantong bakit ang edukasyon noon ay tulad parin ng ngayon. Mga pagtuturong pinaglipasan ng panahon na hindi nagbibigay pagkakataon sa mga bata na madiskubre ang kanilang mga talento, dahil ang kanilang kakayahan ay sinusukat ng isang uri ng pagsusulit na magdidikta ng kanilang kapalaran. Mga sandamakmak at walang katapusang kapapelan na kailangang tipunin at isumite ng personal sa tanggapan, na minsan ay nagiging dahilan upang mawalan ng oras ang guro para matutukang mabuti ang mga batang tinuturuan. Hindi ba’t napakadaling ipunin ng mga ito gamit ang computer at flash drive na mas madaling itago at hanapin kailan mo man kailanganin. Nasaan na ang ginhawang bigay ng mga modernong teknolohiya? Tayo ba ay natigil sa pagsulong ng mga makabagong uri ng pagtuturo, mga dekalibreng antas ng pag-aaral at mga mabisang paraan ng pagkatuto? Ito’y mga katanungan na sumasagi sa aking isipan tuwing aking nasasaksihan ang sistemang minsan ko ng naranasan. Mga tanong na sumusulyak sa aking damdamin sa pagkawari na ako ay kabilang sa sistemang makaluma, sabik ngunit walang ginawa.
Hindi masama ang manatili sa isang bagay na kinalakihan, ngunit kung ang ating layunin ay ang pag-unlad sa isang larangan, kahandaan sa mga pagbabago ang siyang tunay na kailangan. Pagbabagong tunay na makapagbibigay ng kalinangan sa ating sistema at magpapaunlad ng ating bansa. Mga pagbabagong aakma sa henerasyon ng ating mga mag-aaral at huhubog sa kanilang talento na kanilang magagamit sa praktikal na buhay. Ito ay hindi pambabatikos sa ating kagawaran sa kung ano ang tama at mali, kundi mumunting sentimyento lamang ng isang gurong uhaw sa isang makabagong balangkas sa sistema na sasabay sa ating pagsulong ng edukasyon sa modernong pamamaraan.