ABSTRAK
Kasabay ng pagbiyahe ng mga mag-aaral patungo sa kanilang paaralan, makikita ang mga kuwento sa kanilang bawat pag-upo. May nakatungo habang nakapikit, may nakahilig habang nakapikit, may nakasandal habang nakapikit. Layon ng pag-aaral na ito na sipatin ang kalagayang mental ng mga working student sa kolehiyo. Ang pag-aaral na ito ay idinesenyo sa paraang awtobayograpikal na naratibo upang mabatid ang makatotohanang pangyayari sa buhay ng mga respondente. Gamit ang awtobayograpikal na pagsasalaysay, napili ang mga kalahok batay sa sumusunod na kriterya: (1) Kasalukuyang nasa Kolehiyo, (2) Bumabiyahe gamit ang mga pantrasportasyong sasakyan patungo sa paaralan at pinagtatrabahuhan, (3) may trabaho sa mga araw o oras na tapos na ang kanilang pagpasok, (4) Boluntaryong pagpapaunlak na maibahagi ang kalagayan ng kanilang Mental Health. Nagkaroon ng panayam ang mananaliksik gamit ang talatanungan na inihanda. Ito ay binubuo ng dalawang bahagi. Una, ang propayl ng respondente at karagdagang limang open-ended questions: (1) Bakit mo piniling maging Working Student? (2) Ano ang mga epekto ng iyong trabaho at pag-aaral sa iyong Mental Health? (3) Ano-ano ang problemang iyong kinahaharap bilang isang Working Student? (4) Paano mo nababalanse ang iyong oras bilang Working Student? (5) Ano ang iyong mga ginagawa upang mapanatiling maayos ang kalagayan ng iyong Mental Health? Para sa ikalawang bahagi, binigyan ang mga respondente ng isang linggo upang makabuo ng kanilang awtobayograpi na may kinalaman sa kanilang buhay bilang isang working student. Natuklasan ng mananaliksik na ang mga dahilan na nakaangkla sa pagpili para maging working student ay upang makatulong sa pinansyal na usapin ng pamilya, magkaroon nang maagang karanasan at magkaroon ng sariling pera na panggastos sap ag-aaral. Naaapektuhan ang kanilang katawan at pag-iisip sanhi upang hindi nila mabalanse nang ayos ang kanilang oras. Isa pa sa epektong natuklasan ay ang pagkakaroon ng panic attack at anxiety. Ang lubhang pagkapagod, pagkatamad, stress ang lumabas na mga problemang kanilang nararanasan. Samantala, upang maibsan ang mga ito nagkakaroon sila ng organisadong schedule para magawa nang mayos ang gawain. Upang matugunan ang mga paghihirap, nagkakaroon ang mga mag-aaral ng oras para sa sarili upang magliwaliw at gumala kasama ang kanilang pamilya o kaibigan. Inirerekomenda ng mananaliksik na magkaroon ang administrasyon at guro ng sapat na konsiderasyon para sa mga working students. Gayundin, ang pagkakaroon ng matibay na serbisyo para sa Mental Health ang inirerekomenda. Ipinaaabot din ng mananaliksik ang pag-aaral sa sususnod na mananaliksik upang magsagawa ng may kaugnayang pananaliksik.
Mga susing salita: Working Student, Mental Health, Biyahe, Trabaho, Pag-aaral
INTRODUKSYON
Dalawa sa maaaring maging ruta ng mga namamasada sa daan ang maaaring maikonsidera upang mapaglabanan ang buong maghapon. Isang patungo sa lugar na pupuntahan ng mga pasahero at isang daan pabalik upang makatagpo ng panibagong pasahero. Laman ng bawat pasada ang iba’t ibang uri ng tao na may kani-kaniyang kuwentong dala. May mga nanay na namamalengke, may mga tatay na magpapagawa ng relo, may mga ate na bibili ng bagong pangkulay ng buhok, may mga kuya na pupunta ng kompyuteran subalit karamihan ay mga estudyante na bibit ang kanilang tubigan habang pasan ang mga libro at babasahin gayundin ang mga report na kailangang ipasa sa araw na iyon.
Hindi maikakaila na sa kabila ng dinaranas na pandemya ay patuloy pa rin na nagnanasa ang mga estudyante na makapasok sa paaralan bunsod ng kanilang kagustuhan na matamo ang pangarap na inaasam. Ayon kay Mantes (mula sa Teach for the Philippines, 2020), mahalagang ipagpatuloy ang pag-aaral sa gitna ng pandemya dahil bilang mag-aaral na may malaking pagpapahalaga sa edukasyon, tinitingnan nila ito bilang hakbang para umunlad ang kanilang pamumuhay. Hindi sapat na rason ang pandemya para matigil ang pagkatuto. Isa ang pandemya sa nagpipilit na pigilan ang mga mag-aaral na tumigil sa pag-aaral dahil sa mga epekto nito. Isa na rito ang Mental Health o Kalusugang Pangkaisipan ng mga mag-aaral na siyang direktang tinatamaan ng kanilang mga nararanasan. Sa pagtaas ng lebel ng mga mag-aaral na naaapektuhan ang Mental health, malaki ang tungkulin ng mga nangunguna sa edukasyon upang sila ay matulungan. Mula sa talakay ni Sutherland, Patricia Lea (2018), nakatutulong ang sapat na suporta ng mga guro o nasa administrasyon upang mapangalagaan ang Kalusugang Pangkaisipan ng mga mag-aaral gayundin, lumabas sa pag-aaral na nangangailan ang mga mag-aaral ng mas marami o mataas na serbisyo na maibibigay sa kanila.
Sa pag-inog ng mundo, hindi na maitatatuwa sa karamihan na maraming nabubuhay na nasa laylayan lamang ng komunidad. Kabilang na dito ang mga pamilya na naapektuhan ng maraming penomena na siyang nagiging dahilan nang lalong pagkalugmok sa buhay. Edukasyon man ang palaging ipinamamana ng mga magulang sa kanilang mga anak, marami pa rin ang hindi nakatatapos dahil na rin sa kakulangang pinansyal. Dahil dito, maraming mag-aaral ang sumusubok na pasukin ang buhay Working Student. Batay sa talakay nina Robles et. al (2010, halaw kina Julian Barling at E. Kevin Kelloway), ang mga working students ay nakaaangat sa iba dahil mas nakaiipon sila ng pera, nagkakaroon ng karanasan sa pagtatrabaho, nakatatayo sa sarili nilang mga paa, mas napadadali ang pagkakaroon ng trabaho pagkatapos mag-aral at pagkakaroon ng mabuting ugali sa pagtatrabaho. Batay sa mga magulang ng mga working students, ang kanilang anak ay nagiging responsable, nakatutulong sa kanila at nag-aaral nang mabuti.
Tampok sa pag-aaral na ito ang kuwento ng mga mag-aaral na piniling pasukin ang pagiging working student na siyang magiging basehan upang masuri ang kanilang kalagayan sa usaping Mental Health. Layon ng pag-aaral na ito na suriin ang kanilang kakayahan sa pagbabalanse ng oras bilang isang mag-aaral at may trabahong isinasabay sa pag-aaral. Mula sa anim na mag-aaral, nais ng mananaliksik na maipakilala ang mga ito sa maraming tao sa pamamagitan ng kanilang awtobayograpikal na naratibo. Ang pag-aaral din na ito ay naging tugon sa rekomendasyon ng isinagawang pananaliksik ni Arnel T. Noval mula sa Cebu Technological University na magkaroon ng pag-aaral na hindi naging tuon ng isinagawa niyang pananaliksik katulad ng mental health.
see PDF attachment for more information