Return to site

SINAG NG PAG-AASA, SA GITNA NG PANDEMYA 

LOVELY B. ONDE

· Volume IV Issue II

Sinag ng pag-asa makakamtam pa nga ba?

Bagsik ng pandemya naghari saanman magpunta

Takot at pangamba bumalot sa bawat isa

Maibabalik pa ba ang sigla at saya?

 

Tila baga nagbago ang ikot ng mundo,

Maging ang edukasyon di nakaligtas dito

proseso ng pagtuturo at pagkatuto biglang nagbago

Dating silid-aralan lugar ng pagkatuto

ngayon teknolohiya ginamit ng mga guro

upang paglinang ng kaalaman muling mag-ibayo.

 

Agam-agam, takot, at pangamba sa isipa'y gumugulo

Sa di malamang karamdaman na pumupuksa ng tao

Ngunit ang edukasyon ay hindi dapat mahinto, mabaon sa limot o maglaho

Pagkat ito lamang ang tanging susi upang karunungan ay tunay na matamo

 

Sa kabila ng banta na dulot nito, sa kalusugan at kaligtasan ng mga tao

Hindi nagpatinag, tumindig at lakas loob na tumayo

Sa pag-asang muling magbabalik mga sandaling unti-unting naglalaho

 

Sakit at pighati man ang namayani

Manalig sa Panginoon palagi

Pananampalataya sa Kanya ang siyang dapat na maghari

Upang sinag ng pag-asa sa gitna ng pandemya ay hindi mapawi.