Return to site

SI YURI AT ANG KANIYANG UKULELE

MARICRIS B. RAMOS

· Volume II Issue II

Noong unang panahon matatagpuan sa dulong bahagi ng isang malayang bansa ang isang kaharian na pinamumunuan nina Haring Almo at Reynang Saraya. Isang mabait at maunawaing pinuno si Haring Almo, samantalang si Reyna Saraya naman ay hinahangaan ng lahat dahil sa kaniyang kagandaan at pagiging mabuting asawa. Biniyayaan ng isang anak na babae ang mag-asawa. Siya si Almera ang natatanging anak ng Hari at Reyna. Isang mapagmahal at malapit sa kanilang nasasakupan si Prinsesa Almera. Mera ang tawag sa kaniya ng mga matanda, bata, babae man o lalaki. Madalas siyang nakihalubilo sa mga tao sa labas ng palasyo. Kaya kilala siya ng lahat bilang isang mabait, mapagpakumbaba at mapagmahal na prinsesa.

Ang mga mamamayan naman ng kaharian ay mga mabubuting tao dahil nais nilang ipakita kay Haring Almo na sinusunod nila ito. Maunlad ang pamumuhay ng buong kaharian dahil biniyayaan sila ng mga matatabang lupa, masaganang mga ilog at mga bundok. Maraming alagang mga hayop at mga pananim ang mga tao sa kaharian kaya hindi sila nagugutom at nagkukulang sa kanilang pangangailangan.

“Magandang araw po mahal kong hari,” wika ng isang matandang lalaki habang nakasalubong sa daan si Haring Almo. “Magandang araw naman Lolo Juanito, kumusta ka?” magiliw na sagot nito. Ngumiti ang matanda at magalang na sinagot ang hari. Madalas ngang lumibot sa labas ng palasyo ang hari upang makipag usap sa mga tao. Nais niyang palaging nasubaybayan ang pamumuhay ng mga ito. Malayang naipaparating sa kaniya ang mga hinaing ng bawat isa. Matiyaga naman niya itong pinakikinggan at hinahanapan ng kasagutan. Wala siyang kapaguran sa kaniyang paglilingkod. Palagi namang nakaalalay sa kaniya ang kaniyang butihing asawa. Habang ang prinsesa naman ay masayang tumutulong sa abot ng kaniyang makakaya.

Dahil palaging abala si Haring Almo at Reyna Saraya hindi na sila inaabala ni prinsesa Almera. Madalas niyang kasama ang kaniyang matalik na kaibigan na si Binibining Alma. Kapatid na kong ituring ni Mera si Alma dahil mula pagkabata ay mag kasama na sila.

Payapa at maunlad ang pamumuhay ng buong kaharian na siyang ipinagpasalamat ng hari. Ngunit sa hindi malamang kadahilanan sinubok ang buong kaharian ng isang pangyayaring humamon maging sa katatagan ng isang matatag na hari.

Dumapo sa mga mamayan nito ang isang sakit na nakakamatay. Mabilis ang pagkalat ng sakit na dala ng mga taong pumasok sa kaharian mula sa ibang lugar. Kumilos kaagad ang hari upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayang unang dinapuan ng sakit. Dito pinatunayan ng hari ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang nasasakupan. Hindi siya nagpabaya sa pagtugon sa bawat hinaing lahat.

Sa pagdaan ng mga araw, patuloy na pinatunayan ni Haring Almo at Reyna Saraya ang kanilang husay at pagiging matatag. Marami silang mga programang ipinatupad upang labanan ang sakit. Hinikayat nila ang bawat isa na manatili na lamang sa kanilang tahanan at gawin ang mga nararapat tulad ng pagpanatiling malinis sa katawan, palaging paghugas ng kamay at siguraduhing malayo sa isat’ isa ang mga tao. Ito ang mga solusyong ipinatupad para sa lahat upang maiwasan ang patuloy na pagdami ng mga nahahawaan ng sakit.

Lumipas ang ilang mga araw, hindi pa rin napigilan ang patuloy na pagtaaas ng bilang ng mga nahahawaan ng sakit. Dumanas na ng gutom ang mga tao dahil hindi na sila nakapagtrabaho. Ito ay nakapagpapabigat pa sa mga hirap na dinanas ng mga mamamayan sa buong kaharian.

Ngunit sa kabila ng kanilang kalagayan hindi pa rin nagpapadaig ang kanilang Haring Almo at Reyna Saraya.

Ang kabutihan ng hari ang siyang namayani sa puso ng bawat mamamayan, kaya lahat sila ay hindi nag atubiling sumunod. “Mga giliw kong mamamayan, gagawin ko ang lahat upang malampasan natin ang mahirap ng pagsubok na ito,” ang mensahe niya sa kaniyang nasasakupan. Namahagi siya ng mga pagkain sa lahat. Katuwang niya dito ang mga opisyales ng kaniyang kaharian. Araw-araw siyang nakasubaybay sa mga mamamayan. Nagpadala siya ng mga manggagamot upang tulungan ang mga may sakit.

“Hindi ito ang magpapabagsak sa akin,” wika ng hari sa kaniyang kabiyak. “Tama ka mahal ko. Narito lamang ako patuloy na tutulong sa iyo,” sagot naman ng kaniyang asawa. Makikita sa dalawa ang katapangan at determinasyon na hindi sila susuko sa kanilang laban.

Isang araw, isang malakas na sigaw ni Reyna Saraya ang maririnig. “Mahal ko, pumarito ka!” tinig niya na humahagulgol sa pag iyak. “Bakit mahal ko,” tanging nasabi niya habang patakbong lumapit sa kinaroroonan ng kaniyang asawa. “Tingnan mo ang ating anak,” sabi niya habang tinuturo ang kaawa-awang kalagayan ng prinsesa. “Anak ko! Bakit ka nagkaganyan,” tanong nang hari sa anak. Ngunit tila hindi sila naririnig nito, nakatingin lamang ito sa kawalan. “Anak, sumagot ka!” pakiusap niya sa anak.

“Mahal ko nabalitaan ko na pumanaw na ang matalik na kaibigan ng ating anak,” paliwanag ni Reyna Saraya. “Hindi nakayanan ng ating anak ang kaniyang kalungkutan,” wika pa niya. “Patawarin mo ako anak, hindi ko namalayaan ang iyong pagdalamhati,” umiiyak na wika ng hari habang yakap ang anak. Nilihim ni Prinsesa Almera sa kaniyang mga magulang ang kaniyang pinagdaraanan dahil ayaw niyang makadagdag pa sa suliranin ng mga ito. Ngunit hindi ito nakatulong sa kaniya. Natuklasan na lamang ng reyna na hindi na kumakain at hindi na rin nagsasalita ang prinsesa.

Nalungkot ang hari sa sinapit ng anak. Ang matibay niyang kalooban ay unit-unti ng kakitaan ng kahinaan. Ngunit sinikap niyang maging matatag na hari. Sakabila ng kalagayan ng kaniyang nag-iisang anak nakatuklas siya ng panlunas ng sakit na dumapo sa kaniyang mga nasasakupan. Gumaling ang mga nahawaan ng sakit at bumalik na sa dating maayos ang kalagayan ng mga tao.

Nagbunyi ang lahat para sa kanilang tagumpay. Pinasalamatan nila ang hari sa lahat niyang nagawa. Ngunit sa kabila ng tagumpay ng hari mababakas sa kaniya ang labis na kalungkutan dahil hindi niya nasumpungan ang gamot na maaring magpagaling sa kaniyang anak.

Minabuti na niya na iparating sa kaniyang mga nasasakupan ang kalagayan ni Almera. Nahabag sila para sa kanilang mahal na prinsesa. Maraming dumating sa palasyo upang magbigay suporta sa hari. May mga handog sila kay Prinsesa Almera. May nagdala ng mamahaling kasuotan at ibinigay kay Almera. “Anak hali ka, tingnan mo ang mga handog ng Ginoo, napakaganda,” ang wika ng hari sa anak. Ngunit walang mabakas na sagot mula sa kaniyang anak. Naisipan ng lahat na magsama-sama sila sa isang bulwagan upang handugan ang prinsesa. “Kung sino ang makapagpapasaya at magpapanumbalik sa magandang pag-iisip ng aking anak, gagantimpalaan ko at pasasalamatan ko ng lubos,” wika ng hari sa harap ng madla.

May iba’t ibang handog ang halos lahat na naroon. Isa-isa nila itong inihandog kay Almera. “Tanggapin mo ang aking handog na mga masasarap na pagkain, mahal na prinsesa” wika ng isang Ginang. Ngunit hindi ito pinansin ng prinsesa. Patuloy lamang sa pag abot ng kanilang mga magagara at mamahaling handog ang mga tao. Pero walang nagustuhan ang prinsesa.

Sa hindi kalayuan nakakubli lamang si Yuri bitbit ang kaniyang Ukulele. Mahusay si Yuri sa pagtugtog ng kaniyang Ukulele. Ang Ukulele ay isang uri ng maliit na gitarang Hawayano na may apat na bagting. Nagmula ang pangalan nito sa wikang Hawayong ukulele. “Aba Ginoo, Bakit andito ka lamang sa malayo,” wika ng isang babae kay Yuri. “Dito na lamang po ako, nahihiya po akong lumapit dahil wala akong maihahandog sa mahal na prinsesa,” magalang na sagot ni Yuri sa babae. “Ginoo nararapat lamang na lumapit ka sa ating prinsesa upang maipakita mo sa kaniya ang iyong pagmamahal,” paliwanag ng Ginang. “Tandaam mo hindi natin kailangan ang maraming salapi o magagagarang kagamitan para makapag pasaya tayo ng iba. Maaari tayong tumulong kahit payak lamang ito ngunit nanggagaling sa ating puso,” nakangiting paliwanag ng Ginang. “Maraming salamat po sa iyong payo,” nakangiting sagot lamang ni Yuri.

Halos nakapaghandog na ang lahat ng mga tao sa prinsesa, punong-puno na ang mga sisidlang inihanda para sa kaniya. “Anak, sabihin mo sa amin ano ang gusto mo,” wika ni Reyra Saraya. Ngunit wala paring tugon ang prinsesa, nanatili itong nakatitig sa kawalan. “Anak ko,” wika ng hari na nakaluhod na sa harap ng kaniyang nag -iisang anak.

Tahimik ang lahat na nakamasid sa hari. Walang nagsalita sa bulwagan. Tanging tinig ng hari na humagulgol ang kanilang narinig. Nasaksihan ng lahat ang ipinakitang pagsuko ng hari dahil sa kalagayan ng kaniyang anak. Nahabag ang lahat sa sinapit ng kanilang pinakamamahal na hari. Tanging mga luha lamang nila ang naging saksi sa paghihinagpis ng lahat.

Habang nabalutan ang buong paligid ng katahimikan. May isang napakagandang tinig ang narinig ng lahat mula sa likurang bahagi ng bulwagan. Ang tinig na kanilang narinig ay may saliw ng tugtog ng Ukulele. Namangha ang lahat sa kanilang narinig, tila isang duyan sa hangin ang napakagandang boses na nagmula sa isang lalaki na naglalakad papunta sa kinaroroonan ng prinsesa.

Isang awit ang handog ni Yuri kasabay ng kaniyang pagtugtog sa kaniyang Ukulele. “Mahal na prinsesa, tanggapin mo ang aking natatanging handog. Wala akong kahit anong bagay na maaring ibigay sa iyo. Ngunit taos puso kong ihahandaog ang aking awitin kasabay ng pagtugtog ng aking Ukulele. Sana mapawi ko ang labis mong pagdurusa upang maging masaya na ang aming mahal na hari,” sabi ni Yuri habang nakaharap sa prinsesa.

Habang pinakikinggan ng prinsesa ang mga tinig na iyon, unit-unting nanumbalik ang kaniyang mga masasayang alaala kasama ng kaniyang mga magulang at ng mga taong palagi niyang nakasalamuha. Sa isang iglap lang habang patuloy sa kaniyang napakahusay na pagtugtog si Yuri. Tumayo ang prinsesa at lumapit kay Yuri. “Napakaganda ng iyong tinig,” wika niya. “Nais ko pang marinig ang iyong pag-awit at pagtugtog,” patuloy pa niya. Nakatayo siya sa harap ni Yuri, sa gitna ng maraming tao sa bulwagan. Masayang-masaya ang prinsesa na tila muling nabuhay, mula sa kaniyang mahabang pagkatulog.

“Ama! Ina!” sabay lapit sa kaniyang mga magulang. “Maraming Salamat po sa inyo hindi niyo ako pinabayaan,” wika niya ng muling maalala ang kaniyang sinapit. Niyakap siya ng mga ito at sa sobrang tuwa ng hari, Niyakap din niya si Yuri. “Maraming salamat sa iyo,” wika ng hari sabay tawa ng malakas.

Nagpalakpakan at hiyawan sa tuwa ang lahat ng mga tao sa bulwagan. Masaya ang lahat sa mga pangyayari na kanilang nasaksihan. “Maraming Salamat sa inyong lahat. Hindi ko lubos maisip na hindi ko na pala talaga kailangan pa ng maraming kayamanan upang makapagpasaya ng aking kapwa,” sabi ni Yuri sa lahat. “Tama ka Ginoo, minsan sa buhay natin hindi sa lahat ng pagkakataon mabubuhay tayo dahil lamang sa mga materyal na bagay,” paliwanag ng butihing hari kay Yuri. “Maraming salamat sa angkin mong talent sa pag-awit at pagtugtog dahil dito nabuksan mo ang natutulog na isipan ng aking anak,” pagpatuloy pa ng hari.

“Bilang gantimpala namin sa iyo, mula ngayon maaari kang tumira dito sa palasyo kung iyon ang nanaisin mo,” wika naman ng reyna na labis din ang saya. “Tama ang aking Ina, Ginoo nais kong mapakinggan ang iyong awitin at pagtugtog, kung maaari dito ka na tumira,” pakiusap ng prinsesa.

Nakatagpo sila ng isang mang-aawit na nagpapasaya sa kanila. Madalas pinatutugtog nila si Yuri sa kanilang palasyo maging sa ibang dako ng kaharian. Masayang-masaya ang lahat sa tuwing nagagawi si Yuri sa kanilang lugar. Sa tuwing nakaramdam sila ng kalungkutan napapawi ito kapag napakinggan nila si Yuri sa kaniyang pag-awit at pagtugtog. Naging bantog sa buong kaharian si Yuri at ang kaniyang kuwento kasama ng kaniyang Ukulele.