Return to site

SI YESO AT ANG KANIYANG KUWENTO

JELLY D. LUSAC

· Volume II Issue I

Noong unang panahon may isang kaharian na biniyayaan ng masaganang kapaligiran at pinamumunuan ng isang hari. Siya ay puno ng kaalaman at may pusong handang tumulong sa kaniyang nasasakupan. Mayroon siyang taglay ng kapangyarihan na nagbibigay ng buhay sa lahat ng makikita sa kaharian.

Dahil sa kapangyarihan ng butihing hari, malayang namumuhay at nagkakaunawaan ang lahat. Masagana sila sa lahat ng kanilang pangangailangan at malaya nila itong nakukuha.

Mahal na mahal ng lahat ang kanilang pinuno dahil sa pagbibigay nito ng maraming kaalaman sa kanila. Walang sawa siya sa kaniyang paglikha ng iba’t ibang tanawin at nagtuklas ng mga makabagong kaalaman na makakatulong sa kaniyang nasasakupan.

Sa bawat paglikha ng makapangyarihang hari, kasama niya rito ang tapat niyang alagad, na matagal ng naninilbihan sa kaniya.

Si Yeso ang kaibigang matalik, kung ituring ng hari. Palagi silang magkasamang dalawa. Masaya silang lumikha ng mga bagay, na makapagpapasaya sa lahat.

Nagiging madali ang lahat para sa hari, dahil sa kaniyang matalik na kaibigan. Mahusay sa lahat ng larangan si Yeso. Siya ang kasangkapan ng panginoon sa kaniyang mga nilikha. Sa isang kumpas lang niya, nagagawa na ni Yeso ang mga ninanais ng panginoon.

Makulay na paligid, malalaking mga gusali at hanggang sa pinakamaliit na bagay ay kayang ibigay ng panginoon kasama si Yeso.

Hinahangaan din ng lahat ang husay ni Yeso at ang kaniyang tapat na paglilingkod sa kaniyang hari. Alam nila na dahil kay Yeso naisakatuparan ng hari ang mga ninanais nito.

Ngunit isang araw, hindi pa man sumapit ang bukang-liwayway, pinatawag ng makapangyarihang hari ang kaniyang pinakamatalik na kaibigan. Habol na niya ang kaniyang hininga at tila isa na lamang siyang nauupus na kandila. Matamlay at halos hindi na niya maibuka ang kaniyang mga mata. Batid niya ang hindi magandang nangyayari sa kaniyang kalusugan.

Naabutan ni Yeso, ang kawawang kalagayan ng kaniyang kaibigan. Nagulat siya sa biglang pagkakasakit nito. Maaninag sa mukha ng kaniyang hari ang kawalan na ng lakas para mabuhay.

“Yeso, ipagkatiwala ko sa iyo ang aking kaharian,” mahinang salita niya. “Hindi ako naging handa para sa pagdating ng araw na ito, ngunit nagpapasalamat ako, dahil maaari kong ipagkatiwala sa iyo, ang lahat ng mga nandito sa kahariang aking lilisanin,” habol hiningang sabi nito. “Mangako ka sa akin na patuloy ka pa rin sa iyong paglikha kahit wala na ako. Huwag kang mag alala hindi kita tuluyang pababayaan. Mula sa malayo, subaybayan kita sa iyong pamamahala sa aking kaharian,” wika pa niya. “Pangako po kamahalan , hindi ka mabibigo,” sagot naman ni Yeso.

Tuluyan na ngang pumanaw ang makapangyarian nilang lider. Nagluksa ang lahat at maging si Yeso sa paglisan ng kanilang mabuting hari.

Tinupad naman ng buong husay ni Yeso ang pangako niya sa namayapa niyang hari at kaibigan. Hindi niya ito binigo, mas lalo pa niyang pinagbutihan ang kaniyang paglikha. Mas maganda, mas makukulay at mas kaakit-akit pa ang mga ito.

Nakakatanggap ng walang humpay na papuri si Yeso mula sa mga nasasakupan niya. Nasa kaniya na ang atensyon ng lahat. Sumasaya siya sa tuwing naririnig ang lahat ng papuri sa kaniya. Para itong musika sa kaniyang pandinig. Abot tenga ang kaniyang ngiti kapag naghihiyawan ang lahat at sinisigaw ang kaniyang pangalan.

Ngunit sa halip na maging mabuti ang naidudulot ng papuri na ito sa kaniya, kabaliktaran ang nangyari. Naging mapagmataas si Yeso at nais niyang siya na lamang ang kilalanin ng lahat. Nais niyang yumukod ang lahat sa kaniya.

Naging malupit na tagapamahala si Yeso. Inisip niya, na siya na ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Gusto niyang magkaroon ng kapalit ang kaniyang mga gawa. Lahat ng hindi susunod sa kaniya ay paparusahan at mawawala na lamang sa kaharian.

Isang araw, habang nasa gitna ng maraming tao si Yeso. Gumawa siya ng maraming masasarap na prutas, ngunit hindi niya ito pinamigay. Kailangang may kapalit ito.

Isang matandang babae ang lumapit at nakiusap. “Yeso, maaari mo ba akong bigyan na lamang, dahil nagugutom na ako,” ang pakiusap ng matanda. “Lumayas ka matanda, hindi hinihingi itong mga pagkain sa harap mo,” mapagmataas na wika ni Yeso. “Ngunit noong buhay pa ang ating panginoon, malaya kaming nakakakain at nakakakuha sa lahat ng mga likha ninyo,” paliwanag ng matanda. “Tawagin mo akong panginoon,” sabi ni Yeso sa matanda. “Ngunit hindi ikaw ang aming panginoon,” matapang na sagot ng matanda. “Huwag kang lapastangan,” sigaw ni Yeso na akma ng pagbuhatan ng kamay ang matanda.

Ngunit hindi pa man nakakalapit si Yeso sa matanda. Biglang bumuhos ang malakas na ulan. Nabasa ang buong katawan ni Yeso. Ngunit, hindi pa rin siya tumigil sa kaniyang galit sa matanda. “Hali ka matanda, tingnan mo ang aking gagawin,” pagmamalaki niya.

“Gagawa ako ng bagay na magpapatigil sa ulan,” pagpapatuloy pa niya. Humudyat na si Yeso upang mag umpisa na sa kaniyang paglikha. Ngunit laking gulat niya na hindi na kumukulay o gumuguhit man lang ang kaniyang mga kamay. Unti-unting nalulusaw ang kaniyang katawan dahil sa tubig ng ulan.

“Hindi! Hindi maaari ito,” sigaw ni Yeso. “Mahal na hari saan ka na, kailangan ko ang tulong mo,” tawag ni Yeso sa kaniyang namayapang kaibigan.

Unti-unti ng nalulusaw ang katawan ni Yeso. Nagulat at natakot ang lahat sa kanilang nasaksihan. Umiiyak na si Yeso at nagmamakaawa sa lahat. Ngunit nagugulumihanan ang mga nasa paligid, hindi nila alam paano tulungan si Yeso.

Lumapit si Yeso sa matanda at humingi ng tulong dito. Nagulat siya ng titigan ang kanina lang ay matandang nagmakaawa sa kaniya. “Kaibigan,” wika ni Yeso. Nakita niya ang kaniyang hari sa wangis ng matanda.

“Yeso, hindi ba ang sabi ko sa iyo, hindi ako mawawala at mula sa malayo pagmamasdan kita,” sabi nito. “Hindi mo tinupad ang iyong pangako at naging sakim ka,” dugtong pa niya. “ Patawarin mo ako sa aking nagawa,” ang pakiusap ni Yeso. “Bakit naging ganito ang katawan ko,” tanong niya.

“Binigyan kita ng iyong kahinaan Yeso, upang malaman mo na hindi ka maaring mapagmataas at hindi ikaw ang makapangyarihan sa lahat,” paliwanag nito.

“Hindi ka maaaring lumikha kung ikaw ay basa,” paliwanag pa niya. “Mula ngayon, hindi ko na ipagkakatiwala sa iyo ang aking kaharian, dadalhin kita sa ibang mundo. Mauubos ang iyong katawan Yeso, ngunit mapapalitan ito ng bago. Marami ka pa ring magagawa ngunit hindi ito magtatagal , sa tuwing tapos nang makita ang iyong mga nilikha buburahin na nila ito. Bilang tanda na tapos na nilang mapakinabangan ang iyong mga nilikha,” mahabang paliwanag ng namayapang panginoon ni Yeso sa wangis ng matanda.

Humingi ng paumanhin sa kaniyang nagawa si Yeso. Batid niyang malaki ang kaniyang pagkakamali at malugod niyang tinanggap ang hatol ng kaniyang panginoon.

“Yeso, sa bago mong buhay marami kang makakasamang mga bata. Matutunghayan mo ang kanilang pagtuklas ng kaalaman. Araw-araw mo silang makakasama, maging ang iyong bagong panginoon. Patuloy kang lumikha Yeso sapagkat nilikha ka upang kasangkapanin na magbigay kaalaman sa lahat,” pamamaalam ng panginoon kay Yeso.

Nawalan ng malay si Yeso. Sa kaniyang pag gising wala na siya sa kaniyang kaharian. Narinig niya ang ingay ng mga bata, nakita na din niya ang bago niyang panginoon. Ngunit napansin ni Yeso, hindi na siya makakilos at hindi na siya makapagsalita. Wala nang nagawa si Yeso sa kaniyang kalagayan.

Bago na ang mundo ni Yeso, wala na siyang buhay dito. Ngunit, napakalaking tulong pa rin ang nagagawa niya lalong lalo na sa bago niyang panginoon.

Masaya na rin si Yeso sa kaniyang paglilingkod sa bago niyang mundo. Wala man siyang papuring naririnig ngunit batid niyang napakalaki ang tulong niya. Hindi na siya ang makapangyarihang si Yeso. Siya na ang pangkaraniwang Yeso na ginagamit ng guro pansulat sa pisara ng kaniyang mga aralin.