Sa isang maunlad at mapayapang bayan ng Santa Maria, may isang hardin na ubod ng ganda. Maraming mga puno, halaman at mga bulaklak na makikita dito. Sa hilagang bahagi ng hardin ay may balon na umaapaw ang malinis na tubig. Ang tubig mula sa balon ay nakatutulong sa mga halaman at mga taong naninirahan dito. Lalong naging makukulay at malulusog ang mga halaman at bulaklak sa hardin dahil sagana ang mga ito sa tubig.
Kilala sa hardin ang tatlong matalik na magkakaibigang ubod ng ganda. Si Dali, Disya at si Rosa tatlong makukulay, mababango at magagandang mga bulaklak. Mayroon silang angking katangian na gusto at hinahangaan ng lahat.
Ang kulay ni Dali ay kaakit-akit sa mata. Maganda, mabait at masiyahin ang tingin ng iba kay Dali. Malaki ang mga sanga na kulay berde at mayabong ang malalapad na dahon ni Dali. Si Dali ang kilalang matapang sa kanilang magkakaibigan. Siya ang sandalan sa panahon ng kanilang hindi pag uunawaan.
Si Disya naman ay kaibig-ibig sa kaniyang makukulay na talulot. Ang mga talulot nito ay parang palamuti na maaaring ihambing sa korona na hugis bilog. Palangiti at maamo ang mukha ni Disya. Siya ay mahinhin at malumanay lamang sa kaniyang pagsasalita. Lagi siyang nagsasabi ng damdamin kay Dali.
Si Rosa ay natatangi sa kanilang tatlo. Mas hinahangaan si Rosa sa kaniyang natatanging ganda, kulay at bango. Natutuwa ang lahat kapag naamoy ang mabangong halimuyak ni Rosa. Mayroon pang mga tinik si Rosa na wala sa iba. Dahil sa kakaibang taglay na ganda, natutunang mag yabang si Rosa. Pakiramdam niya mas angat nga talaga siya sa iba, kaya ayaw na niyang makisama kahit pa man sa dalawa niyang matalik na kaibigan.
Si Rosa ang madalas unang bubungad sa bulwagan ng Simbahan sa tuwing may gaganaping kasalan. Malimit pinipili si Rosa bilang palamuti sa tanghalan kahit sa ano mang okasyon ng bayan. Ito marahil ang dahilan ng biglang pagbabago ni Rosa. Kahit malapit lang at abot tanaw hindi na niya kinakausap ang dalawa niyang mga kaibigan.
Nakalimot na nga ng tuluyan si Rosa. Ramdam ito nina Dali at Disya nais nilang maka-usap si Rosa. “Disya halika, kausapin natin si Rosa,”sabi ni Dali. “Oo nga, ayaw kong mapalayo sa atin si Rosa,” ani naman ni Disya. Sabay lumakad ang dalawa patungo sa kinaroroonan ni Rosa.
“Magandang araw, kaibigang Rosa. Kumusta ka na matagal ka na naming hindi nakasama,”bungad ni Dali at Disya. “Mabuti naman ako,” sagot ni Rosa. “Ito napakasaya ko dahil maraming pumipili sa akin kaysa sa inyo kaya umalis na kayo,”dagdag ni Rosa sabay talikod sa dalawa.
Umalis din naman ang dalawa. Ngunit malungkot sila dahil sa inasal ni Rosa. “Sana magbago pa ang isip ni Rosa,” sabi ni Dali. “Oo nga, ayaw kong masira ang pagkakaibigan natin,”sagot naman ni Disya. Pinalipas ni Dali at Disya ang hindi magandang pakikitungo ni Rosa.
Patuloy sa kaniyang katanyagan si Rosa. Damang dama niya ang pagmamahal sa kaniya. “Ang ganda ganda ko talaga,”tuwang tuwang sabi ni Rosa. “Ako na yata ang pinaka masuwerte sa lahat dahil sa angkin kong kagandahan,”dagdag pa ni Rosa. Habang patuloy sa pagpuri si Rosa sa kaniyang sarili may narinig siya.
Narinig niya ang kaluskos sa kaniyang likuran. Palakas ng palakas habang papalapit sa kaniya. Laking gulat ni Rosa nang tumambad sa harapan niya ang isang dambuhalang uod. Nakangiti ito at parang tuwang tuwa. Hindi na lumipas ang isang saglit, agad agad pumuwesto na ang dambuhalang uod. Sinimulan na niyang amuyin at kagatin si Rosa.
“Napakasarap ng mga dahon mo,”sabi ng dambuhalang uod habang ngumunguya-nguya.“Arrrrrraaaayyyyyyy! Huwag mo akong kainin parang awa mo na,”ang paki-usap ni Rosa sa dambuhalang uod. Sa tuwing kinakagat ng uod si Rosa, siya namang pag kasira ng magandang dahon, sanga, balat at talulot ni Rosa.
Hindi tinigilan ng dambuhalang uod si Rosa. Isang saglit lang naubos ang mga dahon, sanga at talulot ni Rosa. Kulay kayumanggi na ang dating malusog at kulay berde niyang mga sanga.Tinik na lang ang natira sa katawan niyang sugat-sugat at nagbabalat na. Walang nagawa ang matutulis na mga tinik sa mabagsik na dambuhalang uod.
Malubhang nasaktan si Rosa. Wala na siyang nagawa. Nabalitaan nina Dali at Disya ang nangyari sa kanilang kaibigan. Agad agad nila itong pinuntahan. Naabutan nila itong umiiyak.“Kaibigang Rosa tumahan ka na, andito kami upang damayan ka sa iyong paghihinagpis,”sabi ng dalawa. Habang hinahaplos ang lumuluhang si Rosa.
“Bakit kayo andito?” manghang tanong ni Rosa. “Di ba pinagtabuyan ko na kayo?” dugtong pa nito,“Kaibigang Rosa kailanman ay hindi kami nakalimot sayo, oo nasaktan kami pero hindi iyon dahilan para magalit kami sa iyo,”sabi ni Dali at Disya. Napaluha si Rosa ng marinig ang sinabi ng dalawa niyang kaibigan.
Pinayuhan ni Dali at Disya si Rosa. Hindi nila ito iniwanan , inalagaan nila si Rosa. Ngunit hindi natakasan ni Rosa ang mga mapanghusgang mga mata. Nilait si Rosa ng ibang mga nakakita sa kaniya. Dahil sa pagbabago ng kaniyang itsura hinusgahan siya. Nalanta at tinik na lang ang dating magandang si Rosa.
“Rosang tinikkk!! Rosang tinikkk!! “Ang pangungutya sa kaniya.Lumuluha si Rosa kapag narinig ang mga ito. Ngunit hindi nagsawa sina Dali at Disya na sa panahong nalulungkot at nasasakatan si Rosa anduon sila agad upang damayan si Rosa. “Napakabuti ng puso ninyong dalawa,”sabi ni Rosa sa kanila.Tuluyan na ngang napaiyak si Rosa at puno nang pagsisisi ang laman ng puso niya.“Bakit ko nagawa sa aking matatalik na kaibigan ang kalapastanganan, nagsisi na ako sana mapatawad ninyo ako,”sabi ni Rosa na tunay ngang nagmula sa kaniyang puso.
Napagtanto ni Rosa na noong panahong napakaganda niya halos lahat ay pinupuri siya ngunit sa panahong nawala na ang kaniyang ganda bukod tangi ang matatalik na kaibigan lang niya ang umunawa at dumamay sa kaniya. Mga kaibigang dapat ituring na pamilya dahil wagas at totoo sila.“Oo nga ako si Rosang Tinik, pangit at walang maipagmamalaki sa aking sarili ngunit dahil sa anyo kong ito natutunan ko na may mga tunay na nagmamahal sa akin.”Niyakap ni Rosa ang dalawa niyang kaibigan ng ubod ng higpit. “maraming salamat sa inyo,”sabi ni Rosa
Isang Umaga habang masayang nagkukwentuhan ang tatlo. May napansin si Dali kay Rosa. “Rosa tingnan mo may maliliit na dahon ka na,” tuwang tuwa na sabi ni Disya. “Oo nga,” napalundag sa tuwa si Rosa. Nagyakapan silang tatlo dahil alam nila na unti-unti nang gumagaling si Rosa.
Tuluyan na ngang gumaling at bumalik ang napakagandang anyo ni Rosa. Mas makulay at mabango pa si Rosa. Ngunit kakaibang Rosa na siya para sa kaniyang mga kaibigan. Siya na ang Rosang mabait, mapagmahal at higit sa lahat hindi na mapagmalaki. Nagbago na nga si Rosa tiyak wala na si Rosang tinik!
Wakas…..
SINOPSIS
Si Rosa, Dali at Disya ay tatlong matalik na magkakaibigan. Biniyayaan sila ng mga kahanga-hangang ganda. Magkakasama sila sa ibat’ibang okasyon. Pakiramdam ni Rosa angat siya sa kanila kaya ayaw na niyang makasama ang dalawa.
Ngunit isang araw maypangyayari sa buhay ni Rosa na nagpagising sa kaniyang pagkakamali sa kaniyang mga kaibigan.
Ano kaya ang nangyari kay Rosa?