Return to site

Si Pipay Ang Batang Ayaw Kumain Ng Gulay

Rubilyn M. Lumbres

· Volume I Issue IV

Sa loob ng paaralan masayang nag-aaral ang mga kabataang nakatira sa isang maliit na bayan. Isa na dito ang batang si Pipay. Maaga pa lang ay naghahanda na siya sa pagpasok sa eskwela.

Nanay: Pipay! Pipay! Halika na at kakain na ng umagahan.

Pipay: Opo inay.

Nakahain sa lamesa ang paboritong ulam ni pipay ang pritong hotdog at itlog kaya naman masayang masaya si Pipay.

Nanay: Anak, ito na ang pagkain mo sa tanghalian. Inaasahang kong uubusin at kakainin mo iyan.

Pipay: Salamat po inay.

Naglakad na papuntang eskwela si Pipay. Nang makarating siya sa kanyang paaralan ay agad siyang bumili ng tsitsiriya at softdrinks sa tindahan.

Pipay: Hmmm… Ang sarap! Paborito ko talaga ang mga ito!

Ang busog na busog na sabi ni Pipay.

Pagpasok niya sa kanilang silid-aralan ay nag-umpisa na ang kanilang klase. Madalas na hindi nakikilahok sa talakayan si Pipay at nakatulala lamang ito. Hindi rin magaganda ang nakukuha niyang marka sa kanilang pagsusulit.
 

Kringggg!!! Kringg!!! Kring!!!!

Pipay: Yehey! Recess na! Makakabili na ulit ako ng paborito kong meryenda.

Masayang masaya na sabi ni Pipay at agad na siyang nagpunta sa kantina.

Pipay: Ate! Ate! Pabili nga po ng sampung kendi at sampung tsokolate.

Hindi pa nakuntento si Pipay at bumili pa siya ng softdrinks.

Masayang masaya siya na nagbalik sa kanilang silid-aralan matapos kumain ng kanyang meryenda.

Maria: Pipay tikman mo itong sandwich na gawa ng aking nanay. Masarap at masustansya yan.

Pipay: Yuck! Ayoko nyan may gulay! Hindi masarap at nakakasuka ang lasa niyan!

Maria: Pero makakatulong ito para maging malakas ang iyong pangangatawan.


Pipay: Salamat na lang Maria pero ayoko talaga niyan.


Matapos ang kanilang klase ay tumunog na ulit ang bell para sa kanilang tanghalian.


Pepe: Tara Pipay at Maria! Sabay sabay na tayong kumain ng tanghalian.


Maria at Pipay: Tara na!

Habang kumain sina Pepe at Maria ay napansin nilang hindi kinakain ni Pipay ang pagkain niya.

Pepe: Pipay bakit ayaw mong kumain?

Pipay: Nakakainis kasi si inay at gulay ang inilagay na ulam. Alam naman niyang hindi ko kinakain ito.

Pepe: Pero masarap naman yan Pipay. Makakaiwas kang magkaroon ng sakit at lalakas ka pa.

Tingnan mo kami ni Maria. Hindi ka naman mamamatay kung titikman mo yan.

Pipay: Ayoko sabi ng gulay! Hindi ko gusto ang lasa nito. Bibili na lang ulit ako ng hotdog sa kantina.

At naging ganoon na nga lagi ang gawain ni Pipay hanggang isang araw…

Pipay: Inay! Inay! Ang sakit ng tiyan ko!

Nanay: Ha? Bakit? Halika at dadalhin kita sa ospital.

Dinala na nga sa ospital si Pipay.

Doktor: Pipay madalas ka bang kumain ng junk foods?

Pipay: Opo dok. Masama po ba iyon?

Doktor: Oo Pipay lalo na kung araw-araw mo itong kinakain. Hindi maganda ang maidudulot nito sa iyong katawan at pag-iisip sa halip ang dapat mong kainin ay mga prutas at gulay para mas maging matibay ang iyong katawan.

Pipay: Opo dok. Tatandaan ko na po ang sinabi ninyo. Salamat po.

Simula noon ay madalas ng kumain ng gulay si Pipay. Hindi na rin siya bumibili ng tsitsiriya at softdrinks dahil ayaw na din niyang maranasan ulit ang pagsakit ng tiyan niya. Masayang masaya na rin ang nanay ni Pipay dahil sa wakas kumain na rin ito ng gulay.