Return to site

SI OKRA AT TATANG ROKAN

ni: BJ M. JANO

Sa isang maliit at payapang baryo, namumuhay ng masaya ang batang si Okra, kasama ang kanyang tatang na si Rokan. Si tatang Rokan ay isang magaling na mangingisda at kilala bilang isang matandang tagapangalaga ng mga kultura at tradisyon. Isang araw, naisipang dalhin ni tatang Rokan si Okra sa laot upang turuan ng tradisyonal na pangingisda. Itinuro ni tatang Rokan kung paano ang tamang pag hawak ng lambat, gayundin ang serketo ng tamang pagbasa ng hangin at alon. Habang tinuturuan ni tatang Rokan si Okra, ikinuwento niya ang mga masasayang ganap tuwing pista sa baryo gaya ng libreng pakain sa bawat bahay, pagpaparada ng mga patron, mga palarong lahi, at mga palamuti na nakadisenyo sa gilid ng mga kalsada. Ikinuwento rin ni tatang Rokan kung paano niya niligawan si nanang Narding sa pamamagitan ng paghaharana gamit ang kanyang gitara, at kung paano sila lumipat ng sariling bubong sa pamamagitan ng bayanihan.

Habang nasa gitna ng pagkukuwento si tatang Rokan ay biglang nakatulog si Okra. Biglang sumama ang panahon nasabayan pa ng malalakas na alon, at sa hindi inaasahang pagkakataon ay tumaob ang kanilang bangkang sinasakyan. Pagkagising ni Okra ay hindi na niya alam kung saang lugar siya naroon. Hindi na niya nakita ang bangkang sinasakyan, pati na rin ang kanyang tatang Rokan. Maya-maya ay may isang estrangherong biglang lumapit kay Okra. ‘’Totoy bakit ka narito?’’, tanong ng estranghero. “Tumaob po kasi ang aming bangkang sinasakyan ng tatang Rokan ko at dito po ako inanod”, ani ni Okra. Nalungkot at naawa ang estranghero kay Okra, kaya inimbitahan niya muna ito na tumuloy sa kaniyang bahay upang doon muna manatili. Habang naglalakad patungo sa bahay ng estranghero, napansin ni Okra na ang mga bahay sa paligid ay yari sa mga kahoy at bato na tila ba’y namumuhay siya sa sinaunang panahon. Pagdating sa bahay, agad na inalok ng estranghero si Okra ng damit dahil basang basa ito. Pagkaabot ng damit kay Okra ay napansin nito na ang mga damit na inabot ay mga sinaunang damit. Pagkatapos ay agad siyang inanyayahan sa hapag para kumain ng hapunan. Sa hapag ay tumambad kay Okra ang lamesang punong-puno ng mga masusustansiyang pagkain. Habang masayang kumakain ang dalawa sa hapag ay nagpakilala na rin sila sa isat-isa.

Kinaumagahan, nagising si Okra dahil sa malalakas na tunog ng tambol, trumpeta at sigawan ng mga tao nanagmumula sa labas ng bahay. Lumabas si Okra ng silid upang tingnan kung ano ang kaganapan sa labas, at tumambad sa kaniya ang estrangherong naghahanda ng pagkain at lamesang punong-puno ng pagkaing masasarap tulad ng adobo, naglalakihang mga lechon at iba pa. “Ano po ba ang meron ngayon at marami pong pagkaing nakahada?”, tanong ni Okra. Ah, ito ba? Libreng pagkain ito para sa mga kabaryo dahil araw na ng pista ngayon,” ani ng estranghero. “Ano naman po ang mga ingay na yan na nanggagaling sa labas?”, tanong ni Okra. Bakit hindi ka lumabas, at tingnan mo ang mga kaganapan”, ani ng estranghero. Paglabas ni Okra ay nakita niya ang pinaparadang mga patron, mga nagsasayawang mga babae, mga lalakeng tumutugtog ng tambol, at mga palamuting nakadisenyo sa gilid ng mga kalsada. At pagkatapos nasiyahan si Okra sa mga nakita at agad na bumalik sa tinutuluyan upang tumulong sa paghahanda. Nilabas niya ang mga lamesang paglalagyan ng pagkain at nagwalis sa paligid upang maging maaliwalas sa mata ng mga bisitang dadalo sa libreng pakain. Kinahapunan, nagsidatingan na ang mga dadalo at makikisaya sa libreng handaan sa bahay ng estranghero. Masayang-masaya si Okra sa mga natunghayan.

Kinagabihan, habang nakaupo si Okra sa labas ng bahay ay nilapitan siya ng estranghero ng may dalang gitara. Itinapat kaagad ng estranghero ang intensiyon kay Okra na magpapatulong sa pangliligaw sa kanyang babaeng matagal nang nagugustuhan. Agad namang sumagot ng “Oo” si Okra dahil may talento rin ito sa pagkanta. Masayang naglakbay sina Okra at ang estranghero papunta sa bahay ng babaeng liligawan nito. Pagdating sa harap ng bahay ng nililigawan ay agad na tumugtog ng gitara ang estranghero, at sinabayan na rin nila ng pagkanta. Naging magkaisang dibdib ang estranghero at ang babaeng nililigawan, bago matapos ang gabi. Masaya si Okra na nakatulong siya sa estranghero sa panliligaw at naging masaya siya dahil punong-puno ng pagmamahalan ang gabing iyon para sa estranghero at babaeng niligawan.

“Okra! Apo! Gising!”, sigaw ni tatang Rokan. Nagising si Okra na parang nababalisa at napatanong sa kanyang isipan, “Panaginip lang pala ang mga iyon?” Napakasaya palang maranasan ang mga tradisyunal na mga kultura kahit sa panaginip lamang, kaya kailangan natin itong pangalagaan para maranasan ng mga susunod pang mga henerasyon, ani ni Okra sa kanyang isipan.