Masayang namumuhay ang mag-anak ni Mang Nanding at Aling Pasing sa bayan ng Norzagaray. Pinili nilang manirahan sa bayan na ito dahil marami silang pagkakakitaan dito. Mananahi ng mga damit si Aling Pasing at nag-aalaga naman ng mga baboy si Mang Nanding. Ganoon din ang hanapbuhay halos ng mga tao sa kanilang paligid.
Palaging abala sa kanilang hanapbuhay ang mag-asawa ngunit hindi ito naging hadlang upang alagaan ang kanilang nag-iisang anak na si Matmat.
Sa kabila ng pagiging mabuting magulang ng mag-asawa nagkaroon sila ng malaking suliranin dahil sa kanilang anak na si Matmat.
Lumalaking matigas ang ulo si Matmat lagi na lamang siyang gumagawa ng mga suliranin para sa kaniyang mga magulang. Sa murang edad ni Matmat lagi na lamang itong umaalis sa kanilang tahanan na hindi alam ng kaniyang mga magulang. Hindi rin ito maasahan sa mga gawaing bahay kahit kaya na naman niyang gawin ang mga ito.
“Naku! Matmat ano na naman ba ang iyong ginawa bakit hindi mo maayos itong bahay,” sabi ni Aling Pasing. Hindi sumagot si Matmat. Umalis ito at iniwan na ang kaniyang Ina na nagsasalita pa. “Bumalik ka dito bata ka!’” pahabol na sigaw ni Aling Pasing.
Sa halip na tumulong sa gawaing bahay kung saan-saan siya nagpupunta. Masama at mabigat sa loob niya na gagawin ang mga gawaing nakaatang sa kaniya.
Napansin din ni Mang Nanding ang hindi mabuting asal ng kaniyang anak. Napakamot na lamang siya sa kaniyang ulo sa tuwing nagtatalak na si Aling Pasing sa kaniyang anak.
Isang araw naabutan nang malakas na ulan si Mang Nanding mula sa kaniyang pagpapakain sa mga alaga niyang baboy. Tinawag niya si Matmat para salubungin siya at kunin ang mga dala niyang timba. Lumapit naman si Matmat ngunit hindi bukal sa loob niya ang pagtulong sa kaniyang Ama. Itinapon lamang niya sa isang tabi ang mga timba na pinapaayos sa kaniya ng kaniyang Ama. Napailing na lamang si Mang Nanding sa ginawa ng kaniyang anak.
Batid ng mag-asawa na malaki ang suliranin nila sa kanilang anak. Napansin din nila na hindi man lang ito marunong gumalang sa kanila at kahit sa ibang nakakatanda. Walang magagandang mga salita silang naririnig mula kay Matmat pawang pagmamatigas na lamang ang ginawa nito sa araw-araw.
Isang araw, kinatuwaan ni Matmat na pagpapaluin ang mga tanim na bulaklak ng kaniyang Ina sa kanilang bakuran. Nakita ito ni Aling Pasing. “Tigilan mo yan Matmat,” sigaw ni Aling Pasing. “Bakit mo ginawa iyan, “dugtong pa nito. Tumawa lamang si Matmat tila tuwang-tuwa sa kaniyang ginawa. “Matmat, ano na ba ang gagawin ko iyo bata ka!” wika ni Aling Pasing. Wala na naman nagawa si Aling Pasing sa kaniyang anak dahil umalis na naman ito. Hirap na hirap na ang kalooban ni Aling Pasing sa mga ginagawa ni Matmat.
Niyaya ni Matmat ang kaniyang mga kaibigan na pumunta sa gubat upang manghuli ng mg ibon. Tumanggi ang mga ito dahil mahigpit na ipinagbabawal sa kanilang lugar ang panghuhuli nito. Nagalit si Matmat sa kanila at pinili na lamang niyang pumunta kahit wala siyang kasama. Walang habas na pinagbabato ni Matmat ang mga ibong nakadapo sa sanga ng puno. Nagsiliparan ang mga ibon ngunit na tamaan niya ang isa. Bumagsak ito sa lupa na wala ng buhay. Tuwang-tuwa si Matmat sa kaniyang ginawa.
Habang pauwi nadaanan ni Matmat ang isang matanda na hirap na hirap sa kaniyang paglalakad dahil may dala-dala pa itong bugkos ng mga gulay, may mga itlog at iba pa. Hindi sinadyang nasagi ni Matmat ang matanda. “Ay ano ka bang bata ka!” sabi ng matanda na nadapa sa lupa. Nalaglag ang kaniyang mga dala- dala at kumalat sa lupa. Nabasag ang mga itlog na gumulong sa lupa. Tumalikod lamang si Matmat at patuloy sa kaniyang paglalakad. Tinawag siya ng matanda ngunit tila wala siyang naririnig.
Sa hindi kalayuan napadaan si Matmat sa mga tumpok nang langgam na naghahakot ng mga butil. Tuwang-tuwa si Matmat sa kanila. Huminto ito at pinagaapakan ang mga kawawang langgam. Marami sa kanila ang namatay dahil sa ginawa ni Matmat.
Pasayaw-sayaw pa si Matmat sa daan habang papauwi at tanaw na niya ang kanilang bahay. Nadaanan niya sa harap ng bahay ng kanilang kapit-bahay ang malaking basurahan. Sinipa ito ni Matmat na tila ba mayroon siyang kalaban. Natapon lahat ng basura sa loob ng basurahan, nakakalat na ito pati sa daan.
Parang wala lang nangyari at patuloy na si Matmat sa kaniyang paglalakad. Nadatnan niya ang kaniyang mga magulang sa kanilang bahay na naghihintay sa kaniya. “Anak, saan ka ba nanggaling bakit ginabi ka na naman?” tanong ni Mang Nanding sa kaniyang anak. “Diyan lang,” tanging sagot ni Matmat sabay pasok na sa kanilang kusina.
Nagising sa isang malakas na sigaw ang mag-asawa kinabukasan. “Mang Nanding, Aling Pasing,” tawag ng mga tinig mula sa labas ng kanilang tahanan. Tila galit ang mga ito at hindi na makapaghintay. Hinarap ng mag-asawa ang mga tao sa labas. “Pinatay ng inyong anak ang alaga kung ibon sa may gubat,” galit na wika ng isang lalaki. “Nabasag ang mga pinamili kung itlog dahil sa aking pagkadapa hindi man lang ako tinulungan ng inyong anak. “Nagkalat ang mga basura sa harap ng aking bahay dahil pinagsisipa ni Matmat ang aming basurahan,” galit na wika ng kanilang kapitbahay.
Natulala na lamang ang mag-asawa hindi sila makapagsalita. Tinawag nila si Matmat ngunit hindi ito lumabas. Para hindi sila mapahiya humingi na lamang sila sa paumanhin sa mga taong galit na galit dahil sa mga ginawa ng kanilang anak.
Kinausap nila si Matmat sa loob ng kaniyang silid ngunit sa halip na humingi na tawad ngumiti pa itong si Matmat. Nakaramdam ng matinding galit si Aling Pasing dahil sa inasal ng ana. “Matmat, sana lahat ng mga sinira mo sinadya man o hindi ay mapupunta diyan sa katawan mo,” wika ni Aling Pasing sa anak. “Matutunan mo ang iyong aral dahil hirap na hirap na ako sa iyo,” dugtong pa ni Aling Pasing.
Matapos banggitin ni ALing Pasing ang mga iyon ay bigla na lamang humangin at gumalaw ang basurahan nila. Lumabas mula duon ang mga bulaklak na pinagsisira ni Matmat. Gulat na gulat silang mag-anak. Lumapit ang mga bulaklak at kusang dumikit sa katawan ni Matmat. Lumaki ang mga mata nila at gulat na gulat sa nasaksihan. Hindi makapagsalita silang lahat. Bumukas ang kanilang pinto at may pumasok na patay na ibon. Dumikit na naman ito sa katawan ni Matmat. “Nanay, Tatay,” tanging na bigkas ni Matmat na halatang takot na takot na. Tumayo na sana si Matmat ngunit may pumasok na naman sa kanilang bahay. Ang mga basag na itlog ng matandang babae na hindi man lang niya tinulungan. Dumikit ito palibot sa kaniyang katawan. Kasunod na dumating ang mga patay na langgam at lahat ng mga basura na kaniyang natapon. Punong-puno na ang kaniyang katawan halos hindi na makita ang kaniyang mga balat.
“Tanggalin niyo ito,” utos ni Matmat sa kaniyang mga magulang.Tinanggal naman ni Aling Pasing at Mang Nanding ang mga ito. Ngunit sa tuwing hilain nila ang kahit alin man na nakadikit sa balat ni Matmat nasasaktan ito.
Pulit-ulit nilang sinubukan na tanggalin ngunit tila bahagi na ito ng katawan ni Matmat. Hirap na hirap silang unawain ang nangyaring iyon kay Matmat.
Nagsisi si Aling Pasing dahil sa mga sinabi niya sa kaniyang anak. Naaawa na sila sa kalagayan ni Matmat. Minabuti na nilang lumabas at humingi ng tulong sa iba.
Napabalita ang nangyari kay Matmat sa kanilang bayan. Na habag sila sa kalagayan ni Matmat. Maraming nag alok ng tulong kay Matmat. May mga dumating manggagamot ngunit pati sila walang nagawa. “Matmat, dahil mahiwaga ang pangyayaring ito sa iyo, baka mahiwaga din lang ang maaaring maka gamot sa iyo,” ani ng isang manggagamot sa kaniya.
Lumipas ang mga araw, nakadikit pa din ang mga iyon sa katawan ni Matmat. Mabaho na ang mga ito na lalong nagpahirap sa bata. “Nanay, Tatay nagmamakaawa po ako sa inyo,” pagsusumamo ni Matmat sa kaniyang mga magulang.
Niyakap ni Matmat ang kaniyang Ina. “Inay, paumanhin po sa nagawa ko sa iyong mga bulaklak,” wika ni Matmat. “Paumanhin po, Paumanhin po,” paulit-ulit na sinabi ni Matmat na mula sa kaniyang puso. Matapos niya sabihin ang mga salitang iyon. Bigla na lamang nalaglag ang mga sinira na mga bulaklak ni Matmat. Nagulat silang lahat. Kaya sinubukan na nilang tanggalin ang iba pang mga nakadikit sa katawan ni Matmat. Ngunit hindi nila ito matanggal. “Alam ko na ang sagot sa ating suliranin Matmat,” sabi na may tuwa ni Mang Nanding. Sinama nila si Matmat sa lalaki na may-ari ng mga ibon sa gubat. Nang makita siya ni Matmat lumapit kaagad ito. “Ginoo, paumanhin po sa aking mga nagawa sa iyong mga ibon,” umiiyak na wika ni Matmat. “Paumanhin po,” dugtong pa ni Matmat. Matapos niya sabihin ang salitang paumanhin. Nalaglag sa lupa ang patay na ibon na nakadikit sa kaniyang katawa. Tuwang-tuwa ang lahat sa nasaksihan. Pinatawad naman si Matmat ng lalaki na may-ari ng ibon.
Sunod nilang pinuntahan ang matanda. “Ali, paumanhin po sa hindi ko pagtulong sa iyo,” sabi ni Matmat sa matanda. “Paumanhin po,” sabay hawak sa kamay ng matandang babae. Natanggal na sa pagkadikit ang mga nabubulok ng itlog sa katawan ni Matmat. Sunod nilang pinuntahan ang mga langgam. “Paumanhin sa pagpatay ko sa inyong kamag-anak,” sabi ni Matmat at binigyan niya ng mga butil ng bigas ang mga langgam na walang pagud sa pag gawa. “Paumanhin sa inyo,” dugtong ni Matmat. Naalis na sa pagkadikit ang mga patay na langgam. Huli nilang pinuntahan ang kanilang kapit bahay. Humingi ng paumanhin si Matmat sabay ng kaniyang mahiwagang salita nalaglag na sa lupa ang mga basura sa kaniyang katawan.
Lubos ang pasalamat ni Matmat sa kaniyang mga magulang na sakabila ng lahat hindi siya pinabayaan.
“Ang sarap po palang banggitin ang salitang paumanhin,” wika ni Matmat sa kaniyang Ina at Ama. Maraming Salamat po sa inyo dahil natutuhan ko ang aking aral.
Napabalita sa bayan ang tuluyang paggaling ni Matmat at ang malaking pagbabago nito sa kaniyang pag-uugali. Halos lahat ng mga bata sa kanilang lugar ay natuto ng humingi ng paumanhin sa tuwing nakakagawa sila ng pagkakamali sinadya man o hindi.
“Maraming Salamat sa mahiwagang salita ni Matmat,” wika ni Aling Pasing na lubos ang tuwa dahil ang kaniyang anak na dating nagbibigay sa kaniya ng sakit nang ulo ay naging mabuting anak na.
Wakas…