Return to site

SI MA’AM FORTIN, ANG AKING PANGARAP

PATRICIA ANNE A. RAMEL

· Volume II Issue IV

Nakakatuwang alalahanin kung saan nga ba natin nahugot ang ating mga pangarap. Maaring nanggaling ito sa isang tao, lugar, pangyayari, o isang karanasan. Walang natatanging araw o edad ang pagdating sa atin ng ating mga pangarap. Kung babalikan mo ang araw at ang batang sarili mo nung ika’y nangarap, haharap ka bang naisakatuparan ito?

Si Ma’am Fortin ang tagapayo ko noon. Tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, may baon siyang libreng pandesal para sa aming lahat. Sa bawat kwentong natatalakay namin sa Filipino, hindi mawawala ang halakhak dahil may halong aksyon ang kanyang pagkwekwento. Sa Math, pwedeng palo sa palad o pagtayo sa tuwing tingin lamang ang maisasagot namin sa bawat numerong tanong niya. Terror man kung iisipin naging mabisa ito dahil dito namemorya ko ang multiplication table at mga formula sa pag-aadd, subtract, multiply, at ang napakahirap na pagdidivide. Hindi rin kami nagpapahuli sa mga paligsahan, ultimo pinakamaayos na linya tuwing flag ceremony ay nakukuha namin dahil alam naming magagalit siya kung hindi kami mabilang sa listahan. 

Sa kabila ng mga palo, galit, sungit, at sigaw ni Ma’am Fortin, minahal namin siya. Dama namin ang pagmamahal sa lahat ng kanyang ginagawa. Dahil sa kanya puno ng galak akong pumapasok noon at laging sabik sa paaralan.  

Isang araw, napatitig ako at ibinulong sa aking isipan, “Gusto kong maging tulad ni Ma’am Fortin.”

Matapos ang labin-dalawang taon ng pagbuo ng pangarap kong iyon, natapos ko ang kursong pagtuturo, nakapasa ng board exam, nakapasok sa pribadong paaralan at inakalang eksaktong eksakto ito sa kung ano ang pinangarap ko. Inakala ko na kapag nakapasok na ako sa trabaho, ako na si Ma’am Fortin. Hindi pala. Hindi madali ang unang taon. Nakatapos ako pero ang dami ko pang kailangang aralin. May mga araw na para akong nangangapa sa mga bagay-bagay. Kailangan kong makisama at patunayan ang sarili ko sa aking mga katrabaho. Pinapakita sa kanila ang pakiramdam kong inaasahan at gusto nilang makita. At higit sa lahat, ang matinding hamon sa pagkunekta at pagbuo ng relasyon sa estudyante.

Malaking pagsubok ang maging patnubay ng tatlumpung magkakaibang estudyante. May isip elementarya na nasa high school, may bata ding akala niya ay matanda pa siya mag-isip sa kanyang guro. Mayroon ding napakaraming alam at mga batang para bang kahapon lang isinilang. Kasama diyan yung napakataray na babae at napakapabebeng lalake. Sa kabilang banda may estudyante kang kailangang tuunan ng pansin, sa isang sulok may ayaw ng pansin. Nandyan rin ang mga mag-aaral na inis sa gurong may kabilisan magsalita, at yung ang tingin sa iyo ay nakakainip kung mabagal ka. Hindi rin maiiwasan ang nais nilang ikaw ay maging palabiro at cool na teacher, subalit nandiyan ang titingin sa iyo na para bang ikaw yung malaking joke sa harapan. Talagang hindi biro dahil hindi mo alam kung saan ka lulugar, kung sino at ano ka dapat sa paningin ng lahat. 

Hindi ito ang inaasahan ko. Sa mga unang buwan, pakiramdam ko nilalamon ako ng pagod – pagod na hindi nasasagot ng pagtulog. Iba ang bigat ng pagbangon sa umaga na ang tanging motibasyon lang ay ang parating na sahod. Maliban sa pagod ay nakakalungkot dahil naging guro ako subalit hindi ako naging tulad ni Ma’am Fortin na pinangarap ko.

“Kailangan mo ng trabaho. Hindi mo afford makaltasan. Ilang araw na lang, Biyernes na,” ito ang mga salitang isinasalubong ko sa aking sarili araw-araw hanggang matapos ang linggo. Lumilipas na lamang ang araw, linggo at mga buwan na tila ba tanggap na ito na ang magiging takbo ng buhay.

At tulad ng mga nangyayari sa mga karakter sa isang teleserye, bigla ka na lang makakapag-isip tungkol sa mga bagay-bagay habang nakatulala. Baduy man at luma pero pagmamahal – ito ang nawawala at kulang sa ginagawa ko. Nabuo ang pangarap kong maging tulad ni Ma’am Fortin dahil sa pagmamahal na pinaramdam at pinakita niya sa amin. Pagmamahal sa trabaho at pagmamahal sa mga estudyante ang makakapagpawala ng pagod at lungkot kong hindi nasusulusyunan ng tulog. Inisip ko paano nga ba magmahal.

Sumunod na mga araw, pakiramdam ko mareresolba ko na ang hidwaan ng mga bansang naglalaban-laban. Puno ako ng pag-asa, kompyansa, at positibong enerhiya. 

Sinimulan kong kilalanin muli sila higit pa sa pangalan, tirahan, kaarawan, at edad. Nakiupo ako at nakisali sa kwentuhan nila tuwing bakante. Nakikinig sa bawat sinasabi nila at sa mga bagay na hindi nila sinasabi. Kinilala ko sila bilang estudyante, kaibigan, kapatid, at bilang anak. Araw-araw, tatlo o isa man, dapat may estudyante akong makakamusta at makakakwentuhan tungkol man yan sa pamilya, chismis tungkol sa mga kaklase, kalokohan ng barkadahan, love stories, o inis sa ibang guro. Pinaramdam kong lahat sila ay may boses at handa akong makinig sa kahit sinuman sa kanila. Nakisama at nakibagay hindi lang bilang guro kundi bilang kaibigan, kapatid, at magulang.

Binigyan kong diin at pinuri lahat ng kanilang tagumpay, mula sa diretsong pagkakahilera ng mga upuan hanggang sa pagiging kampyonato sa paligsahan. Parehas na diin at galit sa mga pagkakamaling nagawa nila. Sa bawat sermon sinisigurado kong naiintindihan nila ang dahilan nito at sinisiguradong ang galit ko ay nakatuon sa ginawa nila at hindi sa kanilang pagkatao.

Ginawa ko ang lahat para maramdaman nila ang suporta at tiwala ko sa kakayahan at kagustuhan nila: natuto akong sumayaw at kumanta, pumasok ng weekends at malatin kasisigaw tuwing may praktis, humiyaw at pumalakpak sa lahat ng pagtatanghal nila, naghanap ng make-up artist at patahian ng costume. Hindi ko sila iniwan kahit pa minsan ay natatalo kami. Sama-sama naming ipinagdiriwang ang bawat tagumpay at sabay-sabay kaming pinagtibay ng bawat pagkatalo.

Bilang isang subject teacher, kilala ako sa linyang, “hindi ako papayag na lalabas ka ng klasrum ng walang natututunan mula sa akin”. Strikta na may halong kwela. Sa recitation, lahat magsasalita mula sa nakaupo sa likod hanggang sa harap. Hangga’t maari hindi kami umuusad ng hindi naiintindihan ng lahat. Inaaral ko at pinaghahandaan ang mga leksyon para maramdaman nila ang kagustuhan kong matuto sila. Napagtanto ko na ang kagustuhan sa pag-aaral ay dapat nagsisimula sa akin.

Pinagsamahan namin ang pagkatuto, saya, galak, takot, lungkot, at pighati. 

Hindi ko sasabihing nawala ang pagod dahil kung tutuusin, mas nakakapagod. Pero sa pagkakataon na ito, masaya akong napapagod. Sobrang ginhawang kapahingahan na iparamdam ang pagmamahal na mayroon ako para sa kanila at pagmamahal na alam kong mayroon din sila para sa akin na naging karaniwan sa amin ang pagpapalitan ng mga salitang ‘mahal ko kayo’ at ‘labyu’.

Sa kabila ng mga palo, galit, sungit, at sigaw ko, ramdam kong minahal nila ako. Ipinadama ko ang pagmamahal sa lahat ng aking ginawa. Dahil sa kanila puno ng galak akong pumapasok at laging sabik sa paaralan.  

Lumipas ang tatlong taon kong kontrata sa pribadong eskwelahan. Umalis akong buo at mas handang isabuhay sa pampublikong paaralan ang aking pangarap na maging si Ma’am Fortin, pero sa aking bersyon, Nanay Pat.