Ipinahayag ni Bb. Felyrose B. Ortillano, GAS 12, TINHS, sa pagdiriwang ng Rizal Day sa Liwasang Nagcarlan noong Disyembre 30, 2019
Tunay na napakasarap maging bata, o alalahanin ang mga panahon ng pagiging musmos. Tuwing Disyembre ay magkakasama kami ng aking mga kalaro na umaawit sa mga bahay-bahay at tumatanggap ng aginaldo mula sa mga kamag-anak o kahit sa mga tao sa aming nayon. Piso, limang piso, sampung piso. Yan ang malimit naming matanggap at kahit na maliit na halaga ay tuwang-tuwa na agad kami. Ngunit may isang tanong na pilit umuukilkil sa aking isipan – bakit nga ba si Jose Rizal, ang ating pambasang bayani, ang nasa piso at hindi sa mas mataas na denaminasyon ng ating pananalapi sa Pilipinas? Sa aking pagmumuni-muni ay may ilang mahahalagang bagay akong natuklasan.
Hawak ko ngayon sa aking kaliwang kamay ang bahagi na ng nakaraan o ng kasaysayan – isang pisong papel kung saan makikita sa harap si Dr. Jose Rizal. Ang pisong papel na ito ay matagal nang hindi nakikita sa ating lipunan ngunit siguradong inabot pa ng ating mga lolo at lola, at ng ilan sa ating mga magulang dito. Nagsimula itong lumabas sa serkulasyon noong 1969, sa panahon ng panunungkulan ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Panahon iyon ng pagkakaroon ng Filipino Series na pera sa Pilipinas, mula sa English Series kung saan mababanaag ang pananakop ng mga Amerikano. Mula sa orihinal na mukhang nakalagay sa piso na si Gat Apolinario Mabini, pinalitan siya ni Dr. Jose Rizal na makikita sa harap ng pisong papel na ito. Sa likod naman ay makikita ang pagwagayway ng watawat ng Pilipinas sa balkonahe ng Mansiong Aginaldo sa Kawit, Cavite bilang pagpapahayag ng kasarinlan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898. Ang materyales na ginamit dito ay siyamnapung bahagdang bulak o cotton, at sampung bahagdang linen. Ito ay may habang isandaan at animnapung milimetro, at animnapu’t anim na milimetrong taas. Ipinatigil ng Bangko Sentral ang pagpapaimprenta nito noong 1973, at tuluyan itong nawalan ng kapangyarihang makabili noong Pebrero 28, 1974 sa bisa ng Presidential Decree bilang 378. Pinalitan ito ng baryang malaki nang pasimulan ang seryeng “Ang Bagong Lipunan.” Ngunit ano nga ba ang dahilan kung bakit mainam na ang ating pambansang bayani ay nasa piso at hindi sa ibang denaminasyon ng ating pananalapi?
Piso, pisong papel, pisong luma. Tatlong bagay ang aking nakikita sa pisong papel na ito na alaala ng ating pambasang bayani. Kadikit ng salitang piso ang salitang una. Oo, si Rizal sa pisong papel o pisong barya ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng unang hakbang. Nang makalapag ang paa ni Yuri Gagarin sa buwan ay kanyang nabanggit, “Isang maliit na hakbang tungo sa buwan, isang malaking lundag para sa sangkatauhan.” Bago tayo makapunta sa ikalawa, ikatlo, o sa mga susunod na hakbang, kailangang simulan muna natin ang napakahalagang unang hakbang. Marami sa atin ang may adhika para sa pagbabago ng sistema ng lipunan ngunit naduduwag sa unang hakbang na pwedeng gawin. Nagdadalawang-isip tayo kung tayo ay papanigan ng nasa katungkulan o sasang-ayon ba sa atin ang panahon. Ngunit ang pisong papel na ito ay nagpapaalala sa atin na walang mahalagang tagumpay na hindi nagsimula sa unang matapang na hakbang ng pagkakaroon ng pag-asa. Silang mga naduduwag sa mga pwedeng mangyari ay bumitaw na sa pag-asang maaaring ibigay sana sa kanila ng kanilang unang hakbang. Subukan nating huwag turuan ang sanggol na humakbang at makikita natin sa kanyang paglaki na siya ay lumpo sapagkat di siya sinanay gamitin ang kanyang mga paa upang abutin ang mas malayong landasin. Subukan nating sikilin ang mga manggagawa sa kanilang magagandang ideya at di kalaunan ay mapupuna natin ang sistema na unti-unting nasasadlak sa landas ng pagbagsak. Pisong papel ni Rizal, bantayog ng unang hakbang tungo sa kaunlaran.
Piso, pisong papel, pisong napupunit na ng panahon. Ngunit nagpapaalala sa akin ng pangalawang kahalagahan nito – ang salitang isa. Oo, ang piso at ang salitang isa ay nagkakaugnay. Piso, isa, pagkakaisa! At sa mga katagang ito, masasabi natin na di mabubuo ang limampiso, sampung piso, at maging isang libong piso, kung hindi magsisimula sa piso. Ganun din sa atin – hindi magkakaroon ng pagkakaisa kung hindi magsisimula sa puso ng bawat isa sa atin ang pagtulong at pakikibahagi. Sabi nga, “One man can make a difference.” Napakaraming tao na ang nagpamalas ng katotohanang ito – si Moises ng Israel, si Abraham Lincoln ng Amerika, si Mohandas K. Gandhi ng India, si Nelson Mandela ng South Africa, si Joan of Arc ng Pransya, si Winston Churchill ng Britanya, si Martin Luther ng Alemanya, si Ninoy Aquino ng Pilipinas. Nakamamangha dahil sa panahon ng pananatili nila dito sa mundo ay naging inspirasyon sila ng maraming tao. Mula sa kanila ay umusbong ang maraming adhikain na patuloy na magkaisa at labanan ang maling sistema. Tunay nga, “One man can make a difference.” Bawat isa sa atin ay mahalaga, bawat isa sa atin ay bahagi ng isang malaking pagkilos tungo sa pagkamit ng malaking layunin ng pagbabago. Pisong papel ni Rizal, bantayog ng pagkakaisa nating mga Pilipino.
Piso, pisong papel, pisong hindi na nasisilayan. Ngunit kapag aking namamalas ang kulay asul na papel kung saan orihinal itong inilimbag, naaalala ko ang asul na himpapawid na syang kulay ng kapayapaan. Hindi ba’t yan din ang kulay na masasalamin sa mga tubig ng karagatang sadyang malinis at payapa? Kapayapaan ang unang pili ni Rizal sa pagharap sa problema ng Pilipinas noong kapanahunan niya. Hindi siya duwag sa pagharap sa panduduwahagi ng mga banyagang Espanyol. Sa kanyang sulat kay Blumentritt noong Hunyo 19, 1887, mababanaag ang pagpili ni Rizal sa kapayapaan higit kaysa digmaan. Sinulat niya, “Masisiguro ko sa iyo na ako ay walang pagnanais na maging bahagi ng pag-aaklas na para sa akin ay masyadong maaga at gayundin mapanganib sa di kalaunan. Ngunit kung inuudyukan ng [dayuhang] gobyerno, kung wala nang natitirang pag-asa kundi ang mapanirang digmaan, mas pipiliin ito ng mga Pilipino hanggang kamatayan kaysa magdusa ng walang ginagawa… sa pagkakataong iyon [doon at doon lamang] ako magiging bahagi ng marahas na pamamaraan.” Handa siyang lumaban at makibahagi sa himagsikan kung iyon ang natitirang paraan upang ipaglaban ang Pilipinas. Ngunit una para sa kanya ang kapayapaan. Mayroon sa ating mga kababayan ang mainitin ang ulo, laging pasugod at hindi muna nag-iisip ng maayos na paraan. Ang ilan naman sa mga nasa mataas na posisyon ay pinipili ang pagbabangayan upang maisulong lang ang kanilang pansariling kagustuhan. Sila-sila ay nagtatalo sa kani-kanilang sariling prinsipyo, inaalagaan nila ang kanilang reputasyon, ngunit sa totoo ay wala na ang tiwala sa kanila ng taong bayan. Ang kailangan natin sa ngayon ay kapayapaan, hindi na mula sa mga banyagang pilit na umaalipin sa atin, kundi mula sa mga makasariling pag-iisip ng mga kababayan natin na walang malasakit sa kanyang kapwa. Pisong papel ni Rizal, bantayog ng kapayapaan at pagkakasundo.
Piso, pisong papel, pisong wala na sa serkulasyon, ngunit nagsisilbing pagpapa-alala ni Rizal sa tatlong bagay – kaunlaran, pagkakaisa, kapayapaan. Bawat Pilipino, matanda man o bata, mayaman o mahirap, bawat isa sa atin, halos araw-araw ay nakakakapit ng pisong barya. Ang sabi ng ating literatura, “Ang di lumingon sa pinanggalingan ay di makararating sa parooroonan.” Sa araw na ito ng pagdiriwang natin ng ika-isandaan at dalawampu’t tatlong taon ng kamatayan ni Rizal, huwag nating limutin ang kanyang adhikain para sa Pilipinas – kaunlaran, pagkakaisa, kapayapaan. Doon lamang natin masasabi na mahal natin ang ating bansa at ang ating mga kababayan kung sisimulan ng bawat isa sa atin ang napakahalagang unang hakbang sa pag-unlad bilang indibidwal, unang hakbang sa pakikiisa sa magandang layunin, at unang hakbang sa pakikipagkasundo at kapayapaan. Mabuhay tayong mga Nagcarleño! Mabuhay ang sambayanang Pilipinas! Mabuhay si Rizal sa bawat isa sa atin! Magandang araw po at pagpalain tayo ng ating Diyos.