Return to site

SI AGAT: ANG BATANG MANDARAGAT

SHARIE E. ARELLANO

Paaralang Elementarya ng Calubcub I

Tiktilaok!... Tiktilaok!... Tiktilaok!...

“Agat! Agat! Bumangon ka na riyan at papasok ka pa” ang sigaw ni Inay Dolor kay Agat habang abalang naghahanda ng almusal nila.

Tuwing umaga ay ito ang maririnig ng kanilang kapitbahay sa Sitio Dagatan.

“Opo Inay!”, ang sagot ni Agat habang nag-iinat pa. Dali-daling bumangon si Agat at agad na naligo. Pagkatapos niyang maligo ay kumain na siya ng almusal na inihanda ng kaniyang Inay. Humahangos na tumungo si Agat sa paaralan. Hindi niya inaasahan na makakasalubong niya ang kaniyang guro sa bakuran ng kanilang paaralan.

“Magandang umaga po Gng. Arellano”, masayang bati ni Agat.

“Magandang umaga din sa iyo Agat, O bakit tila nagmamadali ka?”, nakangiting tanong ng guro.

“Ayoko po kasi mahuli sa ating klase, Gng. Arellano”, sagot ni Agat habang hinihingal pa dahil sa kaniyang mabilis na paglalakad.

Nginitian siya ng kaniyang guro dahil sa kaniyang sinabi at nagpatuloy na siya sa kaniyang paglalakad patungo sa kaniyang silid-aralan.

“Teng! Teng! Teng!”

Tumunog na ang kampana ng paaralan, hudyat ito na magsisimula na ang klase.

“Magandang umaga mga bata!”, ang bati ni Gng. Arellano sa kaniyang mga mag-aaral.

“Nandito na ba si Agat?”, ang tanong ni Gng. Arellano na wari ay may hinahanap.

Napalingon ang lahat sa pinto ng silid-aralan, at doon ay makikitang nakatayo si Agat na hingal na hingal.

“Nandito na po ako Gng. Arellano”, humahangos na wika ni Agat.

“O sige Agat, maaari ka nang maupo sa upuan mo”. Ang nakangiting wika ni Gng. Arellano.

“Saan ka nanggaling Agat, akala ko ba ay maaga ka nakarating ng ating paaralan?” ang nagtatakang sambit ng kaniyang guro.

“May nakita po akong grupo ng mga mag-aaral mula sa ibang baitang na nagkakalat ng basura, pinuntahan ko po sila at sinabing itapon ang mga ito sa tamang basurahan”, sagot ni Agat.

Ngiti ang itinugon ni Gng. Arellano sa winika ni Agat.

Si Andres Agapito ay nasa ikalimang baitang, sa Paaralang Elementarya ng Calubcub I. Kilala siya sa bansag na “Agat” dahil sa pagiging mapagmahal nito sa karagatan. Nag-iisang anak siya nina Aling Dolor at Mang Pilo. Siya ay masipag na bata, tinutulungan niya ang kanyang tatay sa pangingisda sa laot at may mga pagkakataon na gabi na sila nakakauwi ng kanilang bahay. Ang lahat ng kaniyang ginagawang ito ay hindi hadlang sa kaniyang pag-aaral at nangunguna pa rin siya sa mga aralin sa kanilang klase. Sa kanilang baryo ay tanging si Agat lamang ang batang palaging makikita sa baybayin ng dagat sa mga libreng oras nito.

Tuwang-tuwa si Agat sa tuwing siya ay kasama ng kaniyang itay sa pangingisda.

“Itay bakit po kaya dito sila nagtatapon ng basura sa dagat?, Bawal po ito, hindi po ba?”, ang tanong ni Agat sa kaniyang itay habang pinupulot ang mga basurang nakakalat.

Araw ng Lunes, sa paaralan, lumapit sa kaniya ang kaibigan niyang si Celso, masaya nitong ikinuwento ang kaniyang karanasan noong sila ay namasyal sa dagat noong isang araw.

“Kumusta ang pamamasyal ninyo ng iyong pamilya sa dagat, Celso?”, ang tanong ni Agat sa kaniyang kaibigan. “Tunay na napakaganda ng dagat sa atin Agat, napakalinis ng tubig at ganundin ang paligid”, ang masayang winika ni Celso.

“Mabuti naman kung ganoon Celso, alam mo ba na kapag sumasama ako kay itay sa dagat sa tuwing siya ay mangingisda ay napakasaya ko dahil nga sa angking ganda nito”, masayang tugon ni Agat.

“Nakakalungkot lamang minsan na may mga taong hindi marunong magtapon ng kanilang basura sa tamang basurahan at sa may baybayin pa ng dagat sila nagkakalat”, dagdag pa ni Agat na bakas ang lungkot sa mukha.

“Celso, maaari mo ba akong tulungan na kausapin ang iba nating kamag-aaral na maglinis sa tabing dagat kapag araw ng Sabado?”, nasambit ni Agat habang nakahawak sa balikat ng kaibigan.

“Aba! Oo naman Agat, tutulungan kita”, mabilis na sagot ni Celso. Narinig ng iba pang mga kamag-aaral niya ang kaniyang tinuran at labis silang humanga kay Agat dahil sa kaniyang pagmamahal sa karagatan at sa kapaligiran.

“Oo Agat, maganda ang iyong naisip na iyan, makikiisa kami sa iyong nais na maglinis sa baybayin ng dagat kapag araw ng Sabado nang sa gayon ay mapanatili natin ang kalinisan ng ating karagatan”, ang sambit ng isang mag-aaral buhat sa ibang baitang.

“Maraming salamat sa inyo”, ang sagot ni Agat na bakas sa mukha ang kasiyahan.

Muling narinig nila ang hudyat ng kampana ng kanilang paaralan.

“Teng! Teng! Teng!

“Tara na Agat, magsisimula na ang ating klase kay Gng. Arellano”, ang yaya ni Celso.

Samantala, sa kanilang klase ay nabanggit ni Gng. Arellano na magkakaroroon ng eleksyon ang mga mag-aaral kung sino ang magiging lider ng paaralan.

“Mga bata, may nagnanais ba sa inyo na maging lider ng ating paaralan?”, ang sambit ni Gng. Arellano.

“Si Agat po!”, ang malakas na sigaw ng kaniyang kaibigan na si Celso.

“Oo nga po!... oo nga po!.. si Agat po!”, sunud-sunod na sambit ng kamag-aaral ni Agat.

Tuwang-tuwa si Agat sa tinuran ng kaniyang mga kamag-aaral, dahil kahit simpleng mag-aaral lamang siya ay pinagkakatiwalaan siya ng mga ito. “Bakit si Agat ang napili ninyong maging kinatawan ng inyong partido?”, tanong ng guro na bakas din ang kasiyahan sa kaniyang mukha.

“Sapagkat si Agat po ay may malasakit sa ating kalikasan, lalong-lalo na po sa ating karagatan”, ang wika ng isa nilang kamag-aaral.

“Nakita ko po si Agat, namumulot ng basura sa tabi ng dagat” ang wika pa ng isa.

“Tiyak po na mapapanatili natin ang kalinisan ng ating paaralan kapag si Agat po ang nahalal na lider ng mga mag-aaral dito sa atin”, dagdag ng matalik na kaibigan niyang si Celso.

Umugong ang ingay ng mga bata sa loob ng kanilang silid-aralan na tila may pagpupulong. Natigil lamang ito nang magsalita na ang kanilang guro.

“Tinatanggap mo ba ang hamon ng iyong mga kamag-aaral Agat?”, ang tanong ng guro na nakatayo sa kaniyang harapan.

Natahimik ang lahat, habang hinihintay nila ang kasagutan mula kay Agat.

Sa pagkakataong iyon ay tumayo si Agat at dahan-dahang lumakad patungo sa unahan ng kanilang silid-aralan.

“Opo, tinatanggap ko po ang kanilang hamon!”, ang wika ni Agat. Muli ay umugong ang palakpakan sa loob ng kanilang silid-aralan.

“Teng! Teng! Teng!

Tunog ng kampana ng paaralan, hudyat na maaari nang umuwi ang mga mag-aaral sa kanilang tahanan.

Katulad ng nakagawian ni Agat, mabilis niyang hinawakan ang kamay ng kaniyang inay at tatay upang magmano.

“Mano po Inay, Mano po Itay,” ang bati ni Agat sa kaniyang mga magulang.

“Pagpalain ka nawa ng Poong Maykapal, anak”, ang malambing na winika ni Aling Dolor at Mang Pilo sa anak.

“Inay, Itay, kanina po ay napili akong maging kinatawan ng aming klase sa aming paaralan”, ang nasasabik na pagkukwento ni Agat sa mga magulang niya.

Tuwang-tuwa ang mag-asawa sa sinambit ng kanilang anak. Mahigpit nilang niyakap si Agat at maluha-luha nilang sinambit na, “Masaya kami para sa iyo anak”, ang wika ni Aling Dolor. “Ipinagmamalaki kita anak dahil tinutulungan mo akong mangisda upang may maibenta tayo sa palengke, namumulot ka pa ng mga basurang nakakalat doon sa tabing-dagat. Aba, isa ka ngang huwarang bata anak”, bakas sa mukha ni Itay Pilo ang pagmamalaki sa ugali ng anak. Sabay haplos sa ulo ni Agat.

Dapit-hapon na kaya nagyaya nang kumain ng hapunan si Aling Dolor. Habang kumakain ay makikita sa kanilang mga mukha ang sayang dulot ng balita ni Agat. Nag-iisang anak nila ito kaya tuwang-tuwa sila na lumaking responsableng bata si Agat.

Isang gabi, habang naghihintay siya sa kaniyang tatay sa baybayin ng dagat upang mangisda ay may narinig siyang isang malakas na tunog.

“Booosh!... Booom!... Boosh!... Booom!...

Gulat na gulat si Agat, gayundin ang mga mangigisda na naroon ng mga oras na iyon.

“Itay, ano po iyon?”, ang takot na takot na tanong ni Agat.

Takbo dito, takbo roon ang mga taong nakasaksi sa pangyayari.

“Anak, dito ka muna, huwag kang aalis at baka mapahamak ka”, ang nag-aalalang wika ni Mang Pilo.

“May nagpasabog ng dinamita!, ang sigaw ng ilang kalalakihan habang tumatakbo.

“Itay, isumbong po natin kay Kapitan ang nagpasabog ng dinamita, bawal po iyon!”, ang wika ni Agat.

“Oo anak, bawal iyon, mamamatay ang mga maliliit na isda, kaya’t nararapat lamang na mabigyan ito ng aksyon”, ang sambit ni Mang Pilo.

Hindi natapos ang gabing iyon nang hindi napaparusahan ang mga nagpasabog ng dinamita sa dagat. Napag-alaman na hindi taga baryo Calubcub ang gumawa ng insidente.

Masayang umuwi ng kani-kanilang tahanan ang mga mangingisda kabilang na dito ang mag-amang si Mang Pilo at Agat dahil naparusahan na ang gumawa ng pagpapasabog ng dinamita sa dagat.

Kinabukasan sa paaralan…

“Agat!, ang sigaw ni Celso. “Narinig ko ang nangyari kagabi sa ating baryo, tungkol sa nagpasabog ng dinamita, isa ka pala sa tumulong upang isumbong sa kinauukulan ang nangyari”, ang wika ni Celso.

“Oo, Celso, dapat nating isumbong sa kinauukulan ang mga maling gawain na nangyayari sa ating paligid”, ang sagot ni Agat.

“Napakaswerte ko Agat”, nakangiting sambit ng kaibigan.

“Bakit, Celso?”, nagtatakang tanong ni Agat.

“Dahil ikaw ang naging kaibigan ko, tunay na maaasahan”, ang wika ni Celso habang nakangiti.

“Salamat, Celso, at may tiwala ka sa akin”, ang sagot naman ni Agat

Dumating na ang araw na pinakahihintay ni Agat, ang araw ng halalan para sa mga magiging lider ng mga mag-aaral sa Paaralang Elementarya ng Calubcub I. Masaya ang mga mag-aaral na tumungo kung saan ginaganap ang botohan sa paaralan.

Magkahalong kaba at saya ang nararamdaman ni Agat habang nagkakaroon ng halalan. Panay ang dasal niya na sana ay siya ang manalo bilang lider ng kanilang paaralan.

Makalipas ang ilang oras…

Sa loob ng silid-aralan ay masayang nag-uusap ang mga kamag-aaral ni Agat. Dumating na din si Gng. Arellano na may dala-dalang isang papel na tila dito nakasulat ang resulta sa nasabing halalan.

“Mga bata, hawak ko na ang resulta sa naganap na halalan kanina para sa magiging lider dito sa ating paaralan.” wika ni Gng. Arellano.

“At ang nagwagi bilang lider ng mga mag-aaral sa Paaralang Elementarya ng Calubcub I ay walang iba kundi si… Agat!...”

Isang masigabong palakpakan ang itinugon ng mga mag-aaral.

“Yehey!... Yehey!... Yehey!...

“Binabati ka namin Agat!” ang sabay-sabay na sambit ng mga kamag-aaral niya.

Samantala sa labas ng kanilang silid-aralan…

“Agat!… Agat!…. Agat!…Ang sigawan ng mga mag-aaral.

Nagmamadaling lumabas ng kanilang silid-aralan si Agat patungo sa mga mag-aaral na naroon sa labas. Nagpasalamat ito sa lahat ng tumulong sa kaniya upang siya ay maitalagang lider ng mga mag-aaral.

“Maraming salamat sa inyong lahat mga kapwa ko kamag-aaral, gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang makatulong para sa ikauunlad ng ating paaralan kahit sa simpleng paraan lamang”, ang nakangiting wika ni Agat.

“Mabuhay si Agat!, ang batang mapagmahal sa lahat!”, ang wika ng isang mag-aaral.

“Agat!... Agat!... ang batang mapagmahal sa dagat!”, ang wika pa ng isa. “Agat!, ang batang mandaragat!”, sabay-sabay na sambit ng mga mag-aaral.

Masayang-masaya si Agat.

Umuwi siya sa kanilang tahanan na walang pagsidlan sa tuwa dahil sa tagumpay na nakamit ng araw na iyon.

Masaya niyang ikinuwento ang magandang balita sa kaniyang mga magulang.

“Inay!.. Itay!..., ako po ang nagwagi bilang lider ng aming paaralan”, Sabay hawak sa kamay ng mga magulang upang magmano.

Katulad ng inaasahan, walang pagsidlan ng kasiyahan ang mag-asawang sina Aling Dolor at Mang Pilo. Niyakap nila ng mahigpit si Agat.

Kinabukasan sa kaniyang paggising ay nagpasalamat siya sa Panginoon dahil sa panibagong araw na ibinigay sa kaniya kasama ang kaniyang mga magulang at kamag-aaral.