Return to site

SEMENTADONG GUBAT

ni: CHRISTIE T. MORALES

· Volume V Issue I

Nakarining ako ng tatlong malalakas na putok ng baril. Ako’y kinabahan at napasigaw. Maya-maya’y, “Ate! Ate! gising! gumising ka!”, ang pabulahaw na sigaw ng aking kapatid na babae.

Ako’y bumalikwas.... huh! ... panaginip lang pala.

Ang tao’y marupok at mahina. Madaling matukso. Minsa’y nadadaig ng kinang ng makamundong bagay. Mga bagay na halos sambahin ng ilang mga ganid sa salapi. Sa mundong ito na puno ng pighati, ang mga mahihirap na kabataan ang unang nabibiktima ng mga mayayaman. Mga kabataang salat sa buhay. Mga kabataang naghahangad ng katiwasayan. Kabataang pilit na ibinabangon mula sa ugoy ng duyan ng tagumpay, tungo sa karwahe ng kabiguan.

Masayang ikinuwento sa akin ni Mario ang unang araw na narating niya ang Dabaw. Namangha raw siya sa ganda ng lungsod. Maraming ilaw ang magdamag na nagliliwanag sa mga daan. Maiingay na mga sasakyan. Maraming matataas na gusali at malalaking malls - mga bagay na hindi makikita sa kanyang tinubuang bayan. ‘Ika nga niya, “hindi na yata natutulog ang mga tao dito kung gabi”.

Ang mga bagay na ito ay ilan lamang sa ikinatuwa ni Mario noong una niyang narating ang lungsod ng Dabaw. Labis siyang nagalak nang malamang magtatrabaho siya sa Dabaw sa tulong ng kaibigan ng kanyang tatay. Siya raw ay irerekomendang maging working student. Makikita na niya ang lugar ng kanyang hinahangaang Presidente ng ating bansa - si Rodrigo R. Duterte, na sa radyo lamang niya naririnig.

Tubong Surigao del Sur si Mario. Elementarya lamang ang kanyang natapos. Mula noon, hindi na siya nakapag-aral. Bukod sa mahirap lang ang kanilang buhay, malayo rin ang kanilang lugar sa kabayanan. Malayo ang mataas na paaralang pampubliko. Bilang panganay na anak, isinubsob na lamang niya ang sarili sa pagtulong sa kanyang Tatay Florendo sa pagtatrabaho sa bukid. “Kayod-kalabaw”,’ika nga niya kung sila ay nagtatanim ng roots crops tulad ng kamote at kamoteng kahoy. Ibinibenta ang mga ito sa kabayanan na nilalakad nila ng tatlong oras. Ito ang kanilang ikinabubuhay. Sa kanyang maghapong pagtulong kay Tatay Florendo, madalas niyang itinatanong sa kanyang sarili kung kailan siya makakaalis sa lugar na iyon; kung kailan niya iiwan ang gubat na sa halos araw-araw niyang pamamalagi sa bundok, mga hayop at mga punong-kahoy lamang ang kanyang nahahawakan at nakakausap, maliban sa kanyang pamilya. Sa edad na labing-anim, wala siyang alam tungkol sa makabagong teknolohiya.

Linggo ng Agosto, taong 2016 nang una kong nakilala si Mario. Sinamahan siya ng isang lalaki na makapag-enrol sa ALS o Alternative Learning System na kasalukuyan kong hinahawakan sa Mataas na Paaralang Pampubliko, sa Barangay Cabantian. Sa isinagawa kong interview tungkol sa kanyang buhay, nabatid ko na hanggang ika-anim na baitang lamang ang kanyang natapos; na ang kahirapan ng buhay at pamumuhay ang nag-udyok sa kanya upang lisanin ang kanilang lugar at iwan ang mga magulang kapalit ng trabahong naghihintay sa lungsod - ang sementadong lugar.

Upang matiyak kong makakapasa siya sa enrolment, binigyan ko siya ng maikling pagsusulit bilang bahagi na rin ng pagpapatala sa ALS. Mabuti na lamang at naipasa niya ito. Nang araw na iyon, nakadama siya ng pagkailang sa kanyang mga kaklase. Tahimik. Nagmamatyag. Maamo ang kanyang mukha at madali naman siyang nakahalubilo ng kanyang mga kaklase ng sumunod na Linggo. Tuwing Linggo lamang ang aming pasok sa ALS.

Minsan, ipinaalala ko sa kanya na kailangan niyang maibigay sa akin ang kopya ng kanyang Birth Certificate dahil isa ito sa mga requirement sa pagpapatala sa ALS.

“Ma’am, hindi ko po alam kung mayroon akong kopya ng Birth Certificate sa aming bahay. Malayo po ang Surigao del Sur. Nasa gitna po ng kagubatan ang aming tirahan”.

“Para makatiyak, hihilingin natin sa kaibigan kong nagtatrabaho sa NSO ang kopya ng iyong Birth Certificate. Ibibigay ko lamang ang mahahalagang impormasyong isinulat mo dito sa enrolment form.”

Kinagawian ko na ang kausapin nang masinsinan ang ilan sa aking mga learner pagkatapos ng klase. Bagama’t iba-iba ang kanilang mga edad at mga probinsiyang pinanggalingan, lagi kong ipinauunawa ang layunin ng Alternative Learning System sa mga kabataang tulad nila.

Minsan, naitanong ko kay Mario kung ano ang kanyang trabaho. Napapansin ko kasi ang minsan niyang pag-idlip sa gitna ng klase. Ngumiti muna siya bago sumagot sa tanong ko.

“Madalas po kaming lumalabas ng amo kong lalaki tuwing gabi. Maliban po sa pagtulong ko sa kanilang tindahan ng mga gulong sa Sasa, sinasabi po niyang magsanay daw po akong magmaneho ng sasakyan. Marami kasi siyang magagarang sasakyan.”

“Saan pala nakatira ang amo mo at dito ka sa Cabantian pinag-aral ng ALS?” Ang tanong ko sa kanya.

“Mayroon din po kasi silang negosyo sa Buhangin at doon po ako madalas na tumulong”.

“Anong negosyo? “Ewan ko nga ba at bakit kailangan kong itanong ito.

“Hindi ko po alam dahil bahay po iyon na ginawang opisina. Ang alam ko po’y isinasama ako minsan ng isa sa kanyang mga driver upang maghatid ng mga order daw po sa mga magagarang bahay lalo na sa gabi.”

“Ganun ba. Masaya ka naman sa trabaho mo?” Ang tanong ko.

“Opo. Sabi nga ng amo ko noong isang araw, bibigyan daw po niya ako ng cell phone”.

Halos limampung porsyento ng aking mga learner ay nagmula sa mga karatig na lugar ng rehiyon ng Dabaw. Mga kabataang ninakawan ng pagkakataong makapag-aral sa pormal na paaralan. Mga kabataang minsa’ng nadapa at pilit na ibinabangon ang mga sarili; maipagpatuloy lamang ang mga hamon sa buhay. Mga pagkakamaling tuluyan na nilang itinutuwid. Nakararamdam din ako minsan ng pagkahabag sa kanila. Ang araw ng Linggo lamang ang kanilang panahong makasalamuha ang mga kaklaseng nagmula sa iba’t ibang dako ng Rehiyon ng Dabaw. Iba-iba ang kanilang kultura at paniniwala. Hindi sila magkakasing-edad. Mga iba’t ibang kwento at karanasan ang maaring masalamin at marinig sa bawat isa sa kanila.

Minsan, nang nasa isang mall ako, nilapitan ako ni Mario.

“Ma’am “? Napakaaliwalas ng kanyang mukha. Nakangiti.

“Nandito ka rin pala. Mabuti at may panahon kang gumala”. Nakikita kong may hawak na siyang cell phone. “Aha, may cell phone ka na. Mabuti at binigyan ka na ng amo mo.”

“Oo nga po, Ma’am. Kaso hindi pa po ako marunong gumamit.”

“Matututo ka rin, Mario”.

“Opo, Ma’am. Marami na rin akong natutunan dito sa sementadong gubat.”

Ganun niya kung ilarawan ang Dabaw, “sementadong gubat”.

Maya-maya’y may lumapit na dalawang makikisig na lalaki. Kasama pala iyon ni Mario sa trabaho. Wala na siyang nasambit nang niyaya na siyang umalis. Napansin kong wala naman silang bitbit na binili. Baka nga cell phone lang ang kaniyang binili. Pero, ang sabi niya, bigay daw iyon ng kanyang amo.

Sana, magtatagal dito sa Dabaw si Mario at makapagtapos ng pag-aaral. Sana, hindi rin siya mahumaling sa mga bisyo at madaig ng mga tukso dito sa lungsod.

Nang muli kong nakaharap ang aking mga learner, wala si Mario. May dala akong balita sa kanya. Hindi nakita sa National Statistics Office ang kanyang birth record. Ibig sabihin, hindi narehistro ang pangalang Mario Panto Agbunag - ang pangalang isinulat niya sa enrolment form noong nagpatala siya sa ALS. Ang enrolment form lang ang tangi kong hinahawakang dokumento upang makilala ko ang mga estranghero kong ituring na mga learner na nagmula sa iba’t ibang lugar dito sa Dabaw. Marami rin ang hindi tumatagal sa kanilang mga trabaho. Ang ilan ay napipilitang bumalik sa kanilang lugar kung hindi nila nagustuhan ang kanilang mga amo. Ang iba ay humahanap ng bagong mapapasukan. May ilan pa ngang mga learner na nagpalista noong nakaraang Linggo at hindi na pumasok ng sumunod na Linggo.

Nang muli kong nakaharap ang aking mga learner, nahuling pumasok si Mario. Matamlay ang kanyang ngiti. Parang may nakaatang na mabigat sa kanyang balikat.

“Mario, bakit wala ka noong Linggo?” sabay kong sinulyapan ang kanyang mga kamay.

Hindi siya kumibo. Napansin kong may hawak siyang sigarilyo.

“Uh...ano ‘yang nasa kamay mo? Naninigarilyo ka na ba, Mario?”

“Hindi naman po, Ma’am, binigyang lang po ako ng kasama ko sa trabaho.”

“Alam mo bang bawal dito sa Dabaw ang manigarilyo sa mga pampublikong lugar?”

“Hindi ko po alam, Ma’am.”

“May City Ordinance ang Dabaw na 0367-12 series of 2012 na “The New Comprehensive Anti-Smoking Ordinance. Kung mahuhuli ka, may penalty o parusa. Alam mo ba kung magkano? P5,000.00... at puwede ka pang makulong.”

Hindi na kumibo si Mario.

“Learners, ibibigay ko sa inyo ang bago kong cell phone number. Maaari ninyo akong ikontak kung kailangan ninyong lumiban.”

Pinag-usapan namin sa klase ang tungkol sa mahahalagang kontribusyon ng mga naging Presidente ng ating bansa, mula kay Gen. Emilio Aguinaldo hanggang kay Rodrigo Duterte.

Pagkatapos ng klase, lumapit si Mario. Sinabi kong walang birth certificate na lumabas sa National Statistics Office. Pinayuhan ko na lang siya, na kung makakauwi ngayong summer sa Surigao, hanapin na lang niya ang kopya at baka nandoon lang.

“Ma’am, ilang beses na po akong gustong magbakasyon, hindi po pumapayag ang amo ko.”

“Sabihin mong may emergency sa bahay ninyo.”

“Ma’am, nawala po ang cell phone ko no’ng huling pumunta kami sa mall. May kumuha po sa bulsa ko. Ganito pala dito sa siyudad, hindi lahat ng tao ay mapagkatiwalaan. Akala ko, ang sementadong lugar, walang mababangis na hayop.”

“Mario, kahit saan, pwedeng mahulog ang phone mo, hindi mo lang namalayan.”

“Naramdaman ko pong may kumuha talaga, Ma’am. Paglingon ko, wala na.”

“Hayaan mo na ‘yon, makakabili ka uli no’n. Oh, huwag mong kalimutan ang payo ko ha na bawal ang naninigarilyo sa pampublikong lugar. Hangga’t maaari, iwasan mo na yan.”

“Sorry po, Ma’am. Kailangan po kasi sa trabaho ko.”

Yumuko siya habang sinasagot ang tanong ko.

“Kaya ka natutong manigarilyo ay dahil sa uri ng trabaho mo. Kahit ano pa man ang trabaho mo, huwag mong samahan ng bisyo. Baka diyan lang napupunta ang sweldo mo.”

“Opo, Ma’am. Hindi lang po ako makakatanggi minsan sa mga kasamahan ko sa trabaho.”

Pumasok ang taong 2017. Hindi pa rin pinapayagan si Mario ng kanyang amo na umuwi sa Surigao del Sur. Hindi ko rin siya matawagan, dahil wala pa siyang cell phone. Tulad ng aking inaasahan, ang ilan sa mga learner na nagsipagbakasyon ay hindi pa nakababalik. Ang ilan ay naghanap na ng bagong amo. Nakaaawang isipin na paiba-iba ang kanilang mga employer. Nahahabag din ako sa mga seryosong pumapasok tuwing Linggo. Ito lamang ang kanilang huling alas para makapagtapos ng pag-aaral. Nahihiya rin kasi ang iba na bumalik sa pormal na paaralan dahil hindi na naaangkop ang kanilang mga edad. Hindi ko rin naman masisisi ang ilan sa kanila kung bigla na lamang nahinto.

Nang sumunod na Linggo, masaya ako at nakabalik na mula sa bakasyon ang ilang learners. Mabuti naman at pumasok si Mario. Napansin kong nangangayayat siya. Kailangan ko siyang makausap.

“Ma’am, hindi po ako pauuwiin ng amo ko, “ang pabulong niyang sabi.

“Teka, nasaan na pala ang taong nagdala sa iyo dito sa Dabaw? Pwede kang humingi ng tulong sa kanya. Malapit na ang inyong pambansang pagsusulit. Kailangan talaga iyon.

“Hindi ko na po siya makita, Ma’am. Minsan lang po siyang dumalaw sa akin. Ma’am, gusto ko na pong umalis sa amo ko. Hirap na hirap na po ako. Gusto ko na pong makawala”, ang seryosong pahayag ni Mario.

“Bakit, ano ba ang mabigat sa trabaho mo?”

“Mahirap po, Ma’am, hindi ko na po kaya. Minsan, narinig kong nag-aaway ang amo kong lalaki at babae. Galit na galit ang amo kong babae.”

“Ano’ng ginawa mo?”

“Ngayon lang po ako nakarinig ng gano’ng sigawan, Ma’am. Naalaala ko sina Tatay Florendo at Nanay Tasing. Hindi naman sila gano’n. Kahit mahirap lang kami at malayo sa lungsod, masaya naman po ang aming pamilya.”

“Iba-iba nga ang paniniwala ng mag-asawa tungkol sa pagpapamilya”. Nababasa ko sa kanyang mukha ang pananabik sa kanyang mga magulang.

“Ang akala ko’y hindi ako magsasawa sa takbo ng buhay dito sa lungsod, Ma’am.” Marami akong naririnig sa TV, na mga patayan at mga panloloko sa kapwa-tao. Nakatatakot isipin na habang naglalakad ako sa gabi, may bigla na lang dumampot sa akin.”

Malaman at matalinhaga ang kanyang mga salita. Unti-unti na niyang nauunawaan ang tunay na mukha ng isang lungsod.

“At bakit ka naman dadamputin? Ngayong nandito ka na sa siyudad, mahalagang magmatyag ka. Isipin mo ang kapakanan mo bilang isang panganay na anak. Na darating ang panahong maiaahon mo rin sa kahirapan ang iyong iniwang mga magulang.”

“Ma’am, salamat nga pala uli sa mga tulong mo ha? Kung hindi po dahil sa iyo, malamang na nahinto na ako sa pag-aaral ngayon. Sa susunod na Linggo, Ma’am, may surpresa ako sa iyo...abangan mo, Ma’am ha?”

Napangiti lamang ako sa mga katagang kanyang sinabi. Mukhang masaya si Mario ngayon. Mukhang may nabago sa kanya. Hindi na siya ang unang Mario na nakilala ko na masyadong tahimik. Ngayo’y palabiro na rin siya sa kanyang mga kapwa learners. Ngunit nagugulumihanan pa rin ako sa tunay niyang pagkatao, dahil hindi sapat ang kanyang enrolment form para magbigay ng mas matibay na pagkakilanlan tungkol sa kanyang sarili. Hindi rin niya mabanggit ang eksaktong trabaho niya. Ahh, sa susunod naming pagkikita, pipilitin kong itanong sa kanya kung ano ba talaga ang uri ng kanyang trabaho at sabi nya, minsa’y hindi sila natutulog kung gabi.

Marso 29, 2017, araw ng Miyerkules. Maaga akong nagising at niliniis ang buong bahay. Binuksan ko ang telebisyon nang natapos ko na ang pag-aayos sa labas. Nanood ako ng balita at ako ay nabigla. Headline ang isang pamamaril sa Sasa Port.

“Dalawang lalaki ang nagtangkang tumakas diumano nang ikinasa ng mga pulis ang isang buy bust operations sa dalawang tulak ng droga, mga alas-onse ang oras kagabi. Nangyari ang insidente ng pamamaril sa isang tindahan ng mga gulong malapit sa Sasa Port. Patay sina Jojo at isang Mario nang manlaban sa mga pulis”, ayon sa detalye ng balitang tinutukan ko sa GMA-Davao.

Bumilis ang tibok ng aking dibdib habang patuloy kong pinakikinggan ang detalye ng balita. Kinabahan ako at kinutuban...na baka si Mario na learner ko ang isa sa mga napatay. Hindi ako makapaniwala. Hindi ako makakilos. Paano kung totoong si Mario nga iyon? Paano ko nga pala siya matatawagan na wala nga siyang cell phone? Umupo ako at tinawagan si Chessa, isa sa kanyang mga kaklase.

“Chessa, hello... napanood mo ba ang balita sa GMA-Davao, ngayong umaga?”

“Ang ano po ‘yon Ma’am? Ang tungkol sa binaril sa Sasa kagabi? Ang tanong ni Chessa na parang kinakabahan din.

“Oo, ‘yon nga, Chessa. Narinig ko kasi ang pangalang Mario at ang pinangyarihan ng krimen”. Ang alam ko kasi, may tindahan ng gulong ang kanyang amo sa Sasa, malapit sa pantalan.”

“Wala rin yata siyang phone, Ma’am?” Dagdag ni Chessa.

Hindi na kami nag-usap nang matagal ni Chessa. Natatakot ako. Hindi ko alam ang gagawin. Naalaala ko no’ng sinabi niyang lumalabas sila kung gabi at may hinahatid sa mga magagarang bahay. Isa kayang big time drug lord ang kanyang amo? Matagal na niyang sinasabi na gusto na niyang makawala sa kanyang amo. Gusto na niyang huminto sa trabaho. Gusto na niyang umuwi at iiwan na ang sementadong gubat. Ito na nga ba ang sorpresang kanyang sinasabi? Ang malagim na wakas ng kanyang buhay? Naluluha ako habang patuloy na naglalaro sa aking isipan ang iba’t ibang kadahilanan ng kanyang maagang pagpanaw. Wala na si Mario. Kasama niyang ililibing ang mga pangarap na naghatid sa kanya sa isang masalimuot na wakas. Mga pangarap, na dito sana niya nakatakdang tupdin - sa sementadong gubat.

Marso 30, 2017, 9:40 ng umaga.

Tumunog ang aking telepono.

“Hello? Sino ‘to?”

“Magandang araw po, Ma’am.”

Isang tinig ng lalaki ang aking narinig. Hindi ko kilala ang may-ari ng boses.

“Hello po, Ma’am Beltran......”

Ngayon lang ako nakarinig ng ganoong boses ng lalaki.

“Ano’ng kailangan ninyo?”

“Ma’am, si Mario po ito. Nakauwi na po ako noong Lunes dito sa Surigao. Nandito ako ngayon sa bayan para matawagan ka, Ma’am. Mabuti na lang po at nakakuha ako ng cell phone number mo. Surprised, di ba, Ma’am?

Hindi agad ako nakasagot. Hindi ako makapaniwala na ang kausap ko ay isang buhay na buhay na si Mario.

“Ma’am...bakit hindi ka makasagot?”

“Mario, ikaw nga ba ‘to?”, nanginginig ang aking tinig. Hindi ko maipahayag ang aking nararamdaman. Ibig kong tumalon sa tuwa, pero hindi ko maihakbang ang aking mga paa. Gusto kong sumigaw, ngunit hindi ko magawa.

“Ma’am, bakit po?

“Masaya ako Mario…, masayang-masaya at nakauwi ka na!”

Nagsimulang pumatak ang aking mga luha. Tama si Mario. Tama ang ginawa niya.

“Ma’am, sa totoo lang po.... tumakas po ako sa amo ko noong Lunes ng umaga at maaaring hindi na po ako babalik diyan. Sorry po, Ma’am”.

“Oo, oo Mario...huwag ka nang bumalik dito...diyan ka na lang muna....at makinig ka, mayroon akong ikukuwento sa iyo tungkol sa nangyari kahapon, dito, sa sementadong gubat.