Sulok ng paglingap tangang mabigat sa dibdib
Marurungis na paa sa araw na pasibsib
Kumpol-kumpol nitong mga lantang bulaklak
Tila nga huli o wala na ang bawat halimuyak.
Mga pangyayaring may tatak ng kalungkutan
Kahit saan mang mapalingon hirap ituran
Patay-sinde ang ilaw sa hapong hapon kirot ng tiyan
Pira-pirasong alindog laging itinatapon sa hapon.
Nabalingan mang tao ngunit sila’y gahaman
Naliligaw sa kalyeng punong-puno ng kasakiman
Sa buong silid nakabibingi ang anino’y katahimikan
Kumawala ka man ngunit matindi ang pangangailangan.
Isang bayaran nitong sikmurang kumakalam
Gabing gawain kung ituring ang hudyat ng ilan
Bakit ba ang hirap sa paghahanap ng kapalaran?
Napunta at naparito sa malalim na kawalan.
Iisa lang naman ang munting gintong pangarap
Ang hindi masadlak at mabaon sa paghihirap
Ngunit may ilang patapon halang ang kaluluwa
Ilalagay ka sa Apoy na walang sapin ng awa.
Naghihingalo sa panahon na walang-wala kinakapa
Paghihirap, pagdurasa at pagkawala laging iniinda
Dito sa gusaling nakakulong pa sa silid-rehas
Punong-puno ng Adan na makamandag pa sa ahas.
Sino-sino na lang ang umaalipusta kay Eba
Sa kadiliman ng landas ang tinatahak ng pandemya
Hindi matagalan ang tambad sa ganitong paningin
At sa bawat araw ay may gustong umangkin rin.
Hanggang kailan masama at walang pag-aari
Tila mga pusang gala sa dami ng dumi di’ mawawari
Sa mga mata’y nakatitig walang salitang masambit
Ngunit sa puso’t isipan marumi ang dala’t nakadikit.
Sa kadiliman nga ang landas na tinatahak
Hindi ginusto’t sa apoy maglaro at napahamak
Pinilit nitong itutok ang isang kamalayan
Napupukaw sa labas ng nanunuksong karimlan.
Nakakabingi ang sigaw sa bawat pangungutya
Hindi man marinig ang sambit ng mga salita
Naulinigan naman ang mabuting pagkatao
Kahit sino nakakamuhi ang ganitong trabaho.
Ganito lang ang nadarama at masambit masabi
Napakairap na magkaiba man ang kapalaran at paglaki
Parehas nabuhay at nabusog sa magkaibang paraan
Nabuhay at namatay sa kapwa iisang mundoy’ nasilungan.