·
I. Ang palapa’t gurlis, laong nahahanda
Sa muli at muling, awit ng Adarna
Sisne ng Panginay, diwata ng wika
Sa bato dadaloy, ang aming kataga.
II. Mayamang kultura, lahi at historya
Awiting masanting, sa himig na tula
Dilag mong salita, ngala’y Maharlika
Sa dibdib at diwa, sinta kong Tagala.
III. Wangis mo’y malaya, ibon ang kapara
Balahibo’y laksa, samu’t saring ganda
Katulad ng aming, libong balarila
Walang kurikula, ngunit kaluluwa.
IV. Paggiliw-pagsinta, at literatura
Sa manga pahina, iyong mababasa
Pagsuyo’t paggalang, taglay nitong letra
Dalisay-donselya, titik ng panata.
V. Parirala’t tinig, pag-ibig at luha
Sa bawat pagkabig, at tulak ng dila
Saysayin sa madla, ang lahing dakila
Pili, pinong wika, kwentista ng rasa.