Return to site

SALAMIN NG NAKARAAN: ANG LIHIM NG TAHANAN NG KASAYSAYAN

ni: PHOEMELA RIEL V. SECRETO

Sa isang maliit na bayan sa probinsya ng Batangas, ang bayan ng Likhaya, ay may isang lumang bahay na tinatawag na “Tahanan ng Kasaysayan.” Ang bahay na ito ay naglalayong ipinagmamalaki ang koleksyon ng mga antigong kasangkapan, mga piraso ng sining, at mga dokumentong naglalaman ng mayamang kultura ng Pilipinas. Isa sa mga pinaka-paborito ng mga taga-bayan ang malaking salamin na matatagpuan sa gitnang parte ng bahay. Ayon sa kwento, ang salamin ay hindi lamang dekorasyon kundi may taglay na mahiwagang adhikain.

Isang araw, nagpunta si Aling Lilian, isang matandang tagapag-alaga ng bahay, sa kaniyang apo na si Solana. Si Solana ay isang estudyanteng sabik na matutunan ang kasaysayan ng Piliinas.

“Lola, bakit po ba mahalaga ang salaming ito?” tanong ni Solana habang itinuturo ang malaking salamin sa sala.

Ngumiti si Aling Lilian at sinagot, “Ito ang salamin ng ating kultura. Ayon sa alamat, ang sinumang tumingin sa salaming ito nang may malinis na layunin ay makakakita ng lihim na bahagi ng ating nakaraan. Ngunit mag-ingat ka, dahil ang katotohanan ay hindi palaging nakalulugod.”

Nagpasya si Solana na subukan at alamin kung totoo ba ang sinabi ng matanda. Kinagabihan, tahimik niyang pinuntahan ang bahay at nagtungo sa harap ng salamin. Nang siya’y tumingin dito, ang kaniyang nakikita ay hindi ang kaniyang repleksyon kundi isang serye ng mga makulay na tanawin — mga piyesta, mga sayaw ng mga katutubong tao, at mga sinaunang seremonya. Ang bawat tanawin ay tila sumasayaw sa ritmo ng musika ng nakaraan.

Ngunit nang magtagal, ang kaniyang pagtingin ay nagbago. Ang salamin ay nagpakita ng isang imahe ng isang madilim na kagubatan na tila hindi pamilyar sa kaniya. Sa gitna ng kagubatan ay may isang grupo ng mga tao na tila nagtatago, mukhang takot na takot at nag aagaw buhay.

Lumingon si Solana sa kaniyang lola na naroroon pala sa likod ng pinto, nagtatanong, “Lola, sino ang mga iyon? Bakit tila takot sila?”

Ngumiti si Aling Lilian, ngunit may bahid ng kalungkutan sa kaniyang mga mata. “Sila ang ating mga ninuno na pinatay ng mga mananakop noong panahon ng kolonisasyon. Nagtatago sila sa salamin dahil ang kanilang kwento ay hindi pa natatapos. Ang ating kultura ay hindi lamang masaya at makulay; ito rin ay puno ng sakripisyo at pakikibaka.”

Natigilan si Solana. Ang kaniyang pagtingin sa salamin ay nagbigay sa kaniya ng isang bagong pananaw sa ating kultura. Nalaman niyang ang kasaysayan ng Pilipinas ay puno ng magagandang alaala, ngunit hindi rin ito nakaligtas sa mga pagsubok at pasakit.

“Minsan…” dagdag ni Aling Lilian, “ang pagtuklas sa ating nakaraan ay nagiging daan upang pahalagahan natin ang ating kasalukuyan at hinaharap. Ang salamin ay nagsisilbing paalala na ang ating kultura ay isang salamin na nagmumula sa ating kasaysayan, at ang bawat hakbang natin ngayon ay bahagi ng patuloy na kwento nito.”

Lumabas si Solana sa bahay nang may bagong pag-unawa sa halaga ng kanilang kultura. Ang salamin sa Tahanan ng Kasaysayan ay hindi lamang isang piraso ng antigong sining kundi isang mahalagang bahagi ng kanilang pamana — sang salamin ng mayamang kultura ng Pilipinas.