Pebrero 11, 2019
12:01 n.t.
Buklatin na ang aklat sa pahinang hindi na makita.
…Vacant na.
Alinugnog ang utak ko nang lumabas ako sa aking unang klase sa umaga. Tuwing Biyernes ito sa bagong iskedyul ko ngayong second sem. Nananatili pa rin akong medyo hilo habang naglalakad sa mahabang corridor patungong faculty room. May mga iniisip ako subalit magulo. Marami. Iba-iba. Hindi naman kakaiba.
Pare-pareho tayo! Ang problema lang talaga natin sa ‘Pinas, masyadong sinesensationalize ng malalayang Filipino ang salitang “kalayaan sa… at pagkakapantay-pantay sa”… na hindi niya napapansin na masyado na silang nilalamon ng salitang kalayaan. Iyon ang mga nasabi ko habang apektado ang aking damdamin. Hindi ako nagbibiro. Nadala ako ng aking damdamin.
SA NGALAN NG INA
Iniisip ko, hindi na rin naman malaking isyu ang paghawak ng babae sa mga posisyong pampolitika. Marami na rin ang nasa maaayos nang kalagayan pagdating sa mga usaping pambansa at pandaigdig. Dito sa atin, sa Pilipinas, masyadong malaki at malawak ang usaping pangkababaihan subalit hindi naman nangyayari sa simpleng pagsakay ng jeepney kung sino dapat ang mauna, babae o lalaki? Sa LRT pa kaya? Ewan kung bakit, ngunit sinasakop ang usaping pambarangay, pansitio, panlooban hanggang sa loob ng isang maliit na tahanan ng isang simpleng babae. Ina. Lola at Nanay.
Malayo na nga ang narating ng mga Pinoy kapag pinag-usapan ang patas na karapatan bilang babae. Isang ina na nagpapasuso sa kanyang anak habang abala sa pagtaya sa larong bingo? Malamang sa loob-loob niya ay baka dadami ang barya-baryang itinaya gayong gutom na ang kanyang sikmura habang patuloy na inuutot ng sanggol ang kanyang lakas na nagmumula sa kanyang bagsak nang suso? Muling manghihina si babae. Mawawalan na naman ng lakas. Boses. Pero sa tapang at lakas ng loob na magpasampal at magpasuntok sa asawa maging mahirap o maykaya, magkatulad lang din, hindi natatapos. Paulit-ulit lang.
Nagkalat na ang mga kilusang naglalayon ng pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian, lalo na sa mga kanluraning bansa. Nabuo ang marami pang maliliit at papalaking kilusan para sa pagkakapantay-pantay ng kasarian na maaaring iugnay sa Feminismo at sa pagkakaroon ng kalayaan para sa mga babae. Malaking usapin! Papalaki pang isyu at ginagawan pa ng isyu hanggang ngayon. Sa katunayan, umabot na hanggang sa facebook account ng dalawang taong gulang na batang babae na ang gumawa ay ang excited na ina. Na hindi naman alam ng bata kung ano ang pinag-uusapan. Gayundin ang paghuli sa mga batang hamog na nakahubad. Naka-shorts lamang. Kasama nila ang isang tomboy na nakahubad ay naka-shorts din. Nakalimutan o sadyang kinalimutan na siya ay babae. Pilit ipinapantay ang kasarian sa nakalimutan nang pinagmulan ng isyu. Napakahalagang usapin nga ito.
Noong una pa, may katotohanang mas naunang napagbigyan ng karapatan ang mga lalaki sa lipunan. Na sila ang mas malakas, mas mabilis, mas mahusay, at madami pang mas. Ipinamamalas ito ng mga lalaki hanggang sa ngayon. Napanatili. Pinatapang at lalong pinatigas ng kanyang yabang at lakas. Dahil dito, sa maraming larangan, nagkaroon ng kanya-kanyang panig. Naririyan ang relihiyon, kultura at politika na may pagbabago sa pagtingin sa pantay na oportunidad para sa lalaki at babae. Ang pagbabago ay kinabibilangan din ng mga panlipunang paniniwala, kabilang ang pagkakapantay ng sweldo sa magkakapantay na trabaho. Pati na rin ang pagkakaroon ng pantay na bilang ng trabaho sa kalalakihan at kababaihan sa maraming mga bansa. Nakakapaisip nga lamang, sa kainitan ng usaping Maternal Law, daragdagan pa ang araw na ipapahinga sa trabaho ng babae matapos ang panganganak, baka marami ang kompanyang aayaw nang tumanggap ng mga babaeng trabahador o may asawa na. Maaaring No Job Vacancy for Women pagdating ng araw.
Sa katotohanang ito, lumalabas ngayon, marami pa rin ang ayaw tumitig sa isyung ito ngunit mulagang-mulaga na sa atin. Kahit naglulumuwa ang katotohanan na marami na ring mga bansa ang nagpapahintulot sa mga babae na maging sundalo, pulis at bumbero. Sa sobrang paghahangad narating na ang mga bukid-bukid ng ating bansa, ang kanilang pagiging bolero, panadero, latero, minero at labandero.
May bumaligtad ata? Patuloy na tumataas ang bilang ng kalalakihang nagtatrabaho naman sa mga larangang sa sinaunang henerasyon ay itinuturing na pambabae lamang. Nariyan ang nursing habang guro naman sa kasalukuyan. Sa bagay, ang pagiging guro naman ay unang niyakap ng mga lalaking tulad nina Plato, Socrates at Aristotle. Lalaki muna. Tapos babae naman. Ngayon lalaki ulit na akala ay sa babae lamang.
Gayundin sa usaping pantahanan. Ang gawaing pagpapalaki, pagpapasuso at pagpapakain sa bata, pag-aayos ng buhok at usaping regla ay hindi na itinuturing na itinakda para sa babae. Paano naman ang nasa posisyon ng pagiging OFW? Naiwan si lalaki habang nangingibang bansa si babae. Hindi naman basta tutulong ang kapitbahay na babae maliban na lang kung sumakabilang bahay si lalaki at sa sama ng loob ni babae, siya ay sumakabilang buhay naman. Kung sisipatin, hindi pa man nagiging malaking usapin noon ang ganitong isyu sa gender equality ay hindi maitatangging may busal at pinatatahimik na isyu na. Sa pagkakaroon ng patas na karapatan, masasabing kusa itong iniluwal ng nakaraan. Sa paniwalang ang kapalaran ay hindi lamang nagbibiro bagkus nananalamin din sa kung sino ang tumitingin.
SA NGALAN NA AMA
Isipin mo. Hindi kabawasan sa pagkalalaki na ang kanyang boss ay babae o tomboy. Hindi rin naman kahambugan at kayabangan ng babae na ang kanyang sekretaryo ay bakla o lalaki.
Maraming mga tao, feminista man o hindi, ang umiiling pa rin sa lubusang pagtanggap na nakakamit sa pagkakapantay-pantay ng kasarian. Mapait man, may mga bansang sumibol sa silangan na patuloy pa rin silang namumuhay sa lantad na kasinungalingan na tinitingnan umano ang babae bilang kapantay. Ang totoo, maraming bilanggo pa rin sa kanya-kanyang kultura, sekta-sektang relihiyon, kampi-kamping politika at marami pang away-bating
paniniwala.
Ngayon ko napagtanto na kaya pala ayaw ni Juana na siya ay maging mahalaga dahil natitiyak niyang siya ay itatago lamang sa bulsang may zipper, sa kabinet na may susi at sa aparador na may lock. Ang nais ni Juana ay mahalin. Ibigay ang makapagpapasaya sa kanya. Malayang mapipili ang gusto at makapagdedesisyon nang may reserbasyon. Maaaring maging mas maingat siya sa bawat plano kaugnay ng kanyang mga personal na interes at hangarin sa mahal niya sa buhay. Matagal na nating ikinilik sa braso si Juana para patunayang pinoprotektahan siya. Matagal nang iginapos sa haligi ng bahay at loob ng silid upang sabihing siya ay inaalagaan. Paos siyang sumisigaw ng salitang, kaya ko rin naman!
Muli’t muli at paulit-ulit ang pinagtatalunang punto na may kaugnayan sa pagkakapantay-pantay ng kasarian. Ang mga kilusan para sa gender equity ay nananatiling isang isyung mardyinal. Hindi pa rin niyayakap at hindi mahalaga sa nakararami. Maraming dahilan at idinadahilan kahit walang kadahi-dahilan.
Kahit ngayon kapag pinag-uusapan sa kasalukuyan ang kasaysayan na may kinalaman sa patas na karapatan, kaagad na nakunot ang noo ng marami. Sa pag-aaral ko ng Gender And Development at Philippine History noong college, mainit ang naging talakayan namin sa usaping pagkalalaki at pagkababae. Kesyo ang nasusunod na utos sa bahay ay laging ang ama. (Madaling pukawin ang atensyon ng mga mag-aaral kapag pamilya ang pinag-usapan. Dramahan umano!) Hanggang sa nagpang-abot ang GAD at kasaysayan patungo sa pamilya at buong mag-anak. Napakaraming utos at ipinagbabawal ang ama. Mas marami pa sa sampung utos sa Bibliya.
Sagrada Familia - INA, AMA at ANAK
Kung pampamilyang usapan, maihahanay ang magkakapatid na Andres Bonifacio, Ciriaco at Procorpio, nakiramay at nagbantay naman sa kaapihan ng kapwa Pilipino gamit ang rebolusyon. Isama pa ang kanyang kabiyak na si Gregoria de Jesus na aktibong nakilahok sa ipinalalabang kalayaan. Kwento-kwento ito noong una sa akin. Napatunayan ko rin naman nang sumibol na ang maraming lokal na historyador, mga lalaki at babae.
Si Josephin Bracken, malaki ang kaugnayan sa buhay ni Jose Rizal. Kasami ni Rizal ang kanyang kapatid na si Paciano. Mga kapatid na babae. Kahit ang kanyang ina na si Donya Teodora at amang si Don Francisco. Pamilyang nakisimpatya sa kalaayan ng Pilipinas. Maganak at kasintahan pa nga. Sama-sama. Walang pinag-usapan kung babae o lalaki sa pamilya basta’t nagkakaisa.
Totoong kasama ng lalaki ang babae sa tahanan at digmaan. Kung hindi totoo, malamang walang kasaysayan na pagtatalunan sa galing at husay ng parehong kasarian. Sa ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang digmaan sa dalawang pinagbabanggang panig kahit hindi naman dapat. Lamang, kung hahayaang ipahayag at bigyan ng sapat na espasyo ang salitang ikwaliti o pagkakapantay-pantay at patas sa mundo ng pagkakanya-kanya,makakamit ang matagal na nating hinahangad na pagkakaisa sa pagkakaiba ng paniniwala. Pagsasanibin at pag-iisahin natin ang lakas ng dalawang nagbabanggaang katauhan. Sa katotohanan naman ay parehong nilikha ng Diyos sa pananaw ng bibliya, parehong nag-exist sa mundo nang may sariling isip at katawan sa pananaw ng agham at parehong may gumaganang paniniwala at pangarap bilang nag-iisip na indibidwal sa pananaw naman ng sikolohiya. Sa usaping agham, maaaring maiba subalit walang nakahihigit dahil may kanya-kanyang taglay na pagkikilanlan. Sa kanilang pisikal na lawit at guhit, hindi na ikagugulat kung may malaki at maliit dahil pareho namang may suso subalit kulang sa timbang, umbok at lasa habang sa isa ay sapat na!
TAYO AY MGA ANAK NG BAYAN
Ang patas at walang kinikilingang magulang ay may pantay na pagtingin sa kanyang mga anak. Iba-iba man ang seks at gender nila. Ikaw at ako. Ina at ama. Ang mga anak at apo ay anak ng bayan. Pantay at patas na nagpapamalas ng husay sa bawat larangan. Pareparehong aangat sapagkat pantay na nagpapakita ng kakayahan. Hindi sa pagalingan kundi patungo sa pagpapabuti ng buhay at bayan. Hindi ilusyon ang lahat ng salitang nakapaloob dito. Nais kong ulitin na magiging isang malaking kalokohan ang lahat ng pagsusulat na ito kung ang tinta at papel ay hindi nagsanib na magamit sa pagpapahayag sa pantay na paraan. Parang babae at lalaki. Kailangang magsanib ang kanilang malagkit na kaluluwa upang matikman ang lasa ng tagumpay. Papel at Tinta pa kaya? Kahit nga walang buhay ay masasalaminan ng patas na karapatan.
Matagal nang napatunayan ang husay at galing ng mga lalaki. Ang mga babae, matagal nang humihingi sa lahat na sulyapan ang kagalingang hindi nagmamagaling. Habang ang mga anak ay nagtatanong kung matagal pa ba nilang masasaksihan ang imperikal na datos ng pagkakaroon ng negatibong kritisismo ng lalaki at babae. Mamanahin nila. Ipamamana ba pa sa kanila?
Sa bansang may pantay na karapatan, paniniwala, kultura, batas, relihiyon at ibaibang pangarap ay pinakikinggan. Sa paniniwalang walang mas nakahihigit sa dalawa, maging babae man o lalaki. Wala namang may higit na karapatan ang sinoman sa atin ang humusga sapagkat may higit na nakaaalam. Ako o ikw at maaaring Siya.
Sa ngalan ng ina, ng ama at ng anak ng bayan. Amen. Tapos na akong magsulat na minana ko rin lang.
Petsa: Kapareho pa rin.
Oras: ika-03:00 n.h., magsisimula na ang sunod na klase.