Noo'y naranasan ang mala-dibdib na pakikipaglaban,
Sa aking kaibigan, ako'y may itinagong yaman,
Hindi mamahaling perlas o gintong kumikinang,
Hindi nakikita't nahahawakan subalit nararamdaman.
Sumapit ang panahong lubos kong ikinatatakot,
Ang madilim na gabi ay nabalot ng lungkot,
Kanyang ipinakilala pag-ibig na hindi nya malimot,
Na sa akin noon ay kanyang ipinagdamot.
Kumikirot ang puso sapagkat sobra ang sakit,
Matinding kabiguan ang aking sinapit,
Puso't isipa'y hindi magka-diwa't bait,
Dahil sa pag ibig na hindi ko nakamit.
Walang nabigo at wala ring natalo,
Sapagkat alam kong minahal niya rin ako,
Hindi man tulad ng pag-ibig na alay ko,
Maraming aral ng pag-ibig ay kanyang naituro.
Ngayo'y masaya na siya sa piling ng iba,
Linyang hinugot ko sa awitin ni "Moira"
Kinaya, pinalaya, pinaubaya,
Iniwang aral sa isip at puso ko'y markado na.
Kaya't ikaw na bumabasa ng tulang ito,
Hindi ka sana matulad sa karanasan ko,
Matapang mong ilahad ang laman ng puso,
Sapagkat sa laro ng mundo, ang duwag ay palaging talo.