Return to site

SA HABI NG GINTO:

ISANG PAGLALAKBAY SA KAYAMANAN NG KALINGA

ni: ISRAEL A. LACSA

Sa isang umagang binabalot ng magiliw na sinag ng araw, isang dayuhan ang napadpad sa Isla ng Kayamanan. Ang isla ay napapalibutan ng matatayog na bundok at berde't malalagong mga halaman. Sa kanyang pagtapak sa isla, narinig niya ang mahiwagang lagaslas ng isang ilog na tila bumabati sa kanya. Dahil sa kanyang labis na pagkamangha, siya’y naglakbay nang walang pag-aalinlangan.

Habang naglalakad ang dayuhan sa mapayapang kagubatan, napansin niya ang kakaibang himig na tila umaalingawngaw mula sa malayo. Isang araw, habang pinapakinggan ang tunog ng kalikasan, bigla siyang nakarinig ng matinding tunog na parang pagsabog ng bomba. Ngunit sa halip na takot, nakadama siya ng pagtataka at pagkamangha. Ang tunog ay may halong tinig ng musika, kaya't siya’y mabilis na lumapit sa pinagmumulan nito.

Sa kanyang pagdating sa lugar, nakita niya ang isang grupo ng mga tao na nagsasayawan. Ang mga kalalakihan ay nakasuot ng Bahag, at ang mga kababaihan naman ay may suot na Tapis na likha ng mga tanyag na mananahi sa lugar. Ang mga kasuotan ay hinabi nang may pulidong gawa at sinulid na parang sapot ng gagamba, kumikislap ito sa mala-apoy nitong kulay. Ang mga ito ay sumisimbolo sa maalamat na kasuotan ng mga naninirahan sa isla.

Habang pinagmamasdan niya ang mga kababaihan, napansin niya ang mga Banga na nakapatong sa kanilang mga ulo. Sinasabayan nila ito ng isang masiglang sayaw na parang mga bulaklak na hinahangin sa isang makasaysayang hardin. Kasabay nito, naririnig niya ang tugtog ng mga kalalakihan gamit ang mga gangsa at iba’t-ibang uri ng instrumentong gawa sa kawayan. Ang mga tunog na ito ay nagbubuga ng kamalayan at kasiyahan.

Ang dayuhan ay naghangang-mangha at di nagtagal, siya'y sumali sa sayawan. Paglipas ng ilang minuto, makikita sa kanyang mga mata ang kumikislap na parang mga bituin sa kalangitan. "Ang saya-saya," wika niya, habang siya’y nakikipagsayawan sa mga lokal.

Patuloy sa kanyang paglalakbay, naramdaman ng dayuhan ang pag-aalboroto ng kanyang sikmura. Sa gitna ng kagubatan, naamoy niya ang halimuyak ng isang bagay na parang bulaklak na tila inaakit ang kanyang nagugutom na tiyan. Sinundan niya ang amoy na iyon at natagpuan ang isang kubo na may pintuang kahoy na may disenyo ng mga sinaunang kasaysayan.

Lumapit siya at sumigaw, "Anybody here?" Maya-maya, isang dalagitang morena at may mapungay na mga mata ang lumabas. Pinapasok siya nito at pinakain ng mga pagkaing ipinasa pa ng mga ninuno. "What kind of food is this?" tanong ng dayuhan. Sumagot ang dalagita, "Ito'y Binungor." Pagtikim ng dayuhan, nasarapan siya sa laman ng suso at nalasahan ang yaman ng katubigan. Sumisipa rin sa kanyang panlasa ang init ng labuyong mapagmahal. Dahil sa sobrang sarap, napasabi siya, "Can I have extra rice?"

Matapos ang kanilang pagkain, binigyan pa siya ng panghimagas na tinatawag na Inan-dila. Ito’y gawa sa malagkit na hinaluan ng tamis at sarap ng minatamis na katas ng niyog. Ipinareha pa ito sa kape na sa bawat higop ng dayuhan, nalalasahan niya ang pait ng sakripisyo ng mga magsasaka at sa muling higop ay natikman niya ang tamis ng produktong kanilang ipinagmamalaki. Nagpasalamat siya at nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. Kitang-kita sa kanyang mukha ang naluluhang mga mata at masisiglang ngiti dahil sa kakaibang mga pagkain.

Sa kanyang patuloy na paglalakbay, natagpuan niya ang isang pook na puno ng makukulay na dekorasyon at masisiglang awitin. Ang mga kabataan ay nagsasayawan sa ritmo ng tradisyonal na musika. Ang kanilang mga galaw ay nagpapakita ng kasaysayan at yaman ng kultura ng Kalinga. Ang bawat hakbang at kumpas ng kamay ay tila kwento ng kanilang mga ninuno na buhay na buhay pa rin sa kanilang mga puso.

Lumapit ang dayuhan sa isang matandang lalaki na may mahabang buhok at suot na tradisyonal na kasuotan. "I am fascinated by your culture. Can you tell me more about it?" tanong ng dayuhan.

Ngumiti ang matanda at nagsimulang magkwento. "Ang aming mga kasuotan ay hindi lamang simpleng tela. Ito ay mga habi ng aming kasaysayan. Ang mga kulay at disenyo ng aming Bahag at Tapis ay sumisimbolo sa iba't ibang aspeto ng aming buhay at kultura. Ang pulang kulay ay para sa tapang at kagitingan, ang dilaw ay para sa kayamanan at kasaganaan, at ang itim ay para sa lupa at kalikasan na nagbibigay-buhay sa amin."

Natuwa ang dayuhan sa kanyang narinig. "Your traditions are indeed rich and beautiful. What else should I know about your people?" tanong niya ulit.

Ang matanda ay nagpatuloy, "Ang aming musika at sayaw ay mahalagang bahagi ng aming kultura. Ang gangsa at mga instrumentong kawayan ay hindi lamang para sa aliwan. Ito ay mga kasangkapan sa pag-alaala sa aming mga ninuno at pagpapasa ng aming mga kwento sa susunod na henerasyon. Ang aming mga sayaw ay nagsasalaysay ng aming mga laban, tagumpay, at mga pag-ibig."

Matapos ang kanilang pag-uusap, nagpatuloy ang dayuhan sa kanyang paglalakbay at narating niya ang isang ilog na tila umaawit sa kanyang pagdating. Ang tubig ay kristal na malinaw at malamig, parang mga luha ng kaligayahan ng kalikasan.

Sa tabing-ilog, nakita niya ang mga kababaihan na naglalaba ng kanilang mga damit at nag-uusap ng masigla.

Lumapit siya sa kanila at humingi ng pahintulot na sumali sa kanilang gawain. Agad siyang pinayagan at tinuruan kung paano maglaba sa tradisyonal na paraan. Sa bawat hampas ng kanyang kamay sa tubig, naramdaman niya ang koneksyon sa kalikasan at sa mga taong naroon. Ang bawat tawa at kwentuhan ay nagbigay sa kanya ng pakiramdam ng pagiging bahagi ng kanilang komunidad.

Hindi nagtagal, nakilala niya si Aling Maria, isang respetadong matandang babae sa komunidad. Siya ay kilala sa kanyang kaalaman sa mga tradisyonal na medisina at mga kwentong-bayan. Isang araw, inimbitahan siya ni Aling Maria sa kanyang tahanan at ipinakita ang iba't ibang mga halamang gamot at mga gamit sa panggagamot.

"These plants are our treasures. They have been passed down from generation to generation," sabi ni Aling Maria. "We use them to heal our people and protect our community."

Nagpasalamat ang dayuhan kay Aling Maria at natutunan niya ang halaga ng pag-aalaga sa kalikasan at ang mga kayamanang dulot nito. Naging malinaw sa kanya na ang yaman ng Kalinga ay hindi lamang nakasalalay sa kanilang mga tradisyon at kasuotan, kundi pati na rin sa kanilang malalim na koneksyon sa kalikasan.

Pagkatapos ng kanyang paglalakbay sa Kalinga, bumalik ang dayuhan sa kanyang bayan dala ang mga natutunan at karanasang hindi niya makakalimutan. Ibinahagi niya ang mga kwento ng kasiyahan, kahusayan, at kabutihan ng mga tao sa Kalinga. Isinulat niya ang kanyang mga karanasan at isinulat ang mga ito sa isang aklat na pinamagatang "Paglalakbay sa Kayamanan ng Kalinga."

Ang kanyang aklat ay naging inspirasyon sa marami. Maraming mga dayuhan ang nagnais na bisitahin ang isla at maranasan ang kultura at tradisyon ng Kalinga. Ang mga tao sa isla ay nagpatuloy na ipinagmamalaki at ipinapasa ang kanilang mga tradisyon sa susunod na henerasyon. Ang kanilang mga kwento at kultura ay nagpatuloy na nabubuhay, nagdudulot ng inspirasyon at kasiyahan sa bawat taong nakakaranas nito.

Sa kanyang puso, ang dayuhan ay nanatiling may espesyal na lugar para sa Kalinga. Ang kanyang paglalakbay ay hindi lamang isang pagbisita sa isang malayong lugar kundi isang paglalakbay sa yaman ng kultura, tradisyon, at kalikasan.