"sa bayang hindi kilala?" ang dugtong at putol ko sa kaibigan ko habang hinahatid niya ako sa terminal ng bus, ngayong araw ay uuwi ako sa aking probinsya upang dalawin si lola at kapistahan din doon.
"Oo uuwi ka nanaman sa bayan na hindi namin alam at hindi kilala. Mamimiss ka ng Manila bro." Biro ng aking kaibigan kasabay ng aking pagpapaalam.
May dalawang oras ang biyahe mula rito pauwi sa maliit na bayan na aking kinalakihan. Umidlip muna ako dahil masyado akong napagod sa panggabi kong trabaho. Sa aking pagmulat gaya ng dati noong ako'y bata pa lamang kapag uuwi kami galing sa trabaho ni mama sakto lagi ang gising ko.
"Sa tabi lang ho." ang sabi ko sa drayber ng bus na sinasakyan ko. Itinigil niya sa tabi ng maliit na simbahan sa tabi ng kalsada. Ngayon na lamang ako nakauwi sa bayan kung san ako lumaki.
Gayon pa rin tila walang nagbago, ang bayang di kilala. Pamilyar pa rin ang mukha ng bawat isa dahil sa maliit lamang ang aming bayan. Medyo naiba lamang ang mga lubak sa daan dahil kalsada na ito.
Nakakatuwa na rito ay may tatlong gulong pa ring sasakyan, hindi na kasi uso sa Manila gaano ang tricycle dahil sa pag moderno ang e-bike o badya na ang sinasakyan ng mga tao.
Nakikita ko na ang mga makukulay na banderitas na nakasabit na gawa ng pambalot ng kwaderno, dilaw, asul at puti. Ganito pa rin gaya noong ako'y bata pa hindi nagbago ang makukulay na palamuti tuwing pista. Noong araw kaming mga kabataan pa ang nagtutulong-tulong upang magkabit nito, katulong si kapitan, si SK chairman ganon din ang tanod at mga kagawad.
"Bisoy!" Nagising ako sa pagbalik tanaw ko sa aking nakaraan. Pamilyar na tinig ang aking narinig. Lumingon ako sa aking kanan at tama ako sakay pa rin siya ng tricycle niyang "kambal" kung tawagin dahil may sakayan din ito sa likod gaya sa harapan. Nag-iba lamang ang kulay nito na dating asul ngayon ay pula, gawa siguro ng TODA.
"Mang Ruben!" Nakangiti kong tawag at kaway habang papalapit ako sa kanya. Halos walang nagbago sa mukha ni Mang Ruben, siya ang aking service noong ako ay highschool ang napansin ko lamang ang malapilak hindi puti na kulay ng kanyang buhok at balbas.
"Bisoy kauuwi mo lang ba? Ang tagal na kitang hindi nakita. Naku sigurado akong matutuwa ang Lola Agreng mo nito." Sinasabi niya ito habang malaki ang ngiti niya sa akin.
"Opo nga po, kaarawan nya po bukas kasabay po ng pista, kaya nagpaalam po ako sa aking boss." Sagot ko sa kanya.
"Ah ganun ba, ganoon talaga 'pag nagtatrabaho na. Papunta ka na ba sa mga lola mo? Halika at ihahatid na kita." Masayang alok sa akin ni Mang Ruben.
"Ay opo, pauwi na nga po ako sa amin. Sakto nga po ang pagkikita po natin. Salamat po" Sagot ko habang sumasakay sa kanyang tricycle.
"Ay katingad-an, Bisoy di ka na bisayang Tisoy ika'y nangngupo na." Birong sabi ni Mang Ruben, nagulat raw siya sa pangungupo ko. Ang palayaw ko sa aming probinsya ay bisoy bisayang tisoy, hindi raw ako nangungupo noong bata at kay puti ko raw. Sa mga bisaya kasi ay walang katumbas ang po at opo ng tagalog. Si Mang Ruben ay may lahing bisaya kaya siya ang tumawag sa akin ng Bisoy.
"Naku opo, nasanay po sa pinagtatrabahuhan ko puro po kasi nakakatanda ang mga nakakasama ko." Aking sagot sa kanya. May sampung minuto kaming nagkuwentuhan ni Mang Ruben nang di ko namalayan nasa tapat na kami ng aming looban.
"Maraming salamat po Mang Ruben, magkano na po ang pamasahe rito? Ito po ang isang daan kung kulang po ay sabibin ninyo sa akin." Pabatid ko kay Mang Ruben habang inaabot ko ang bayad.
"Naku iho napakagalante mo, hindi na ito na ang pagbati ko sa pagbabalik mo" Nakangiting saad ni Mang Ruben
"Maraming salamat po sige na nga ho, basta po ay dadayo kayo rito sa amin sa pista." Ngumiti siya ngunit tinawag niya ako muli.
"Bisoy maligayang pagbabalik sa bayang hindi kilala." Nakangiti niyang sigaw.
Sa bayang hindi kilala, ako ay nagbabalik. Tinahak ko ang maliit na eskenita papunta sa bahay ni lola.
"Makikiraan po." Pasintabi ko sa mga naghahalo ng ube, na nadaanan ko papunta sa amin. Mga bagong tayong bahay, dati kasi ay bakanteng lote ito. Tango at ngiti ang kanilang tugon.
Natatanaw ko na si nanay na nagsasakuntsa ata ng memenuduhin para sa pista sa aming kubo. May maliit kasi kaming kubo, noong bata ako ay dito ako napapalo ng pangamot sa likod ni nanay pag ayaw kong matulog ng tanghali.
"Nanay Agreng! Maligayang kaarawan po" Tawag ko habang tumakbo ako para yakapin siya.
"Ang aking apo mabuti at nakauwi ka! Salamat iho." Masayang yakap sa akin ni nanay Agreng. Milagros ang kanyang pangalan dahil parehas niya ang kaarawan ng patron sa bayan namin. Nakasanayan na ng mga taga samin na paiksiin ang pangalan at dugtungan ng "ng" sa huli.
"Opo nanay, matagal tagal na po kasi akong di nakakauwi at namimiss ko na rin po kayo.* Tugon ko.
"Ay halika pumasok ka at alam ko malayo pa ang binyahe mo tamang tama kahahango lamang ng labong at adobong tagalog, si Tiyo Omel mo ang nagtimpla niyan." Ginaya ako ni nanay papasok ng bahay, ganoon pa rin ang ayos ang mga muwebles at kasilyas ay ganoon pa rin. Ang malaking litrato ng Huling Hapunan ay nariyan pa rin.
"Naku nanay mukhang napakasarap ho nito. Nasaan ho sina Tiyo?" Dumiretso kami sa kusina, nakahain ang ulam para sa bisperas ng pista para kung sakaling may dumating na bisita, may shanghai, lumpiang ubod na gawa sa labong. Ang labong ay murang kawayan, maraming kawayanan dito sa aming bayan. At ang paborito kong tinayantang o adobong tagalog.
"Naku iho nasa plaza at may karakol ngayon ng mahal na patron." Sagot ni nanay habang hinahayinan ako.
"Nay pwede po akong sumunod kina Tiyo 'pag tapos na po akong kumain?" Tanong ko.
"Aba'y oo naman Bisoy, tamang tama at nakaasul ka na galingan mo sa pagsayaw sa karakol" biro ni nanay.
Ilang oras kaming nagkwentuhan at nalaman ko na marami na palang bahay ang naitayo malapit sa kalye namin. Ngunit gaya ng dati wala pa ring Mall o malalaking gusali. Alfamart ,711 at Dali ang meron kami. Hindi uso rito ang Jollibee o kahit anong fastfood.
Sa bayang hindi kilala, nagsasama-sama ang mga tao tuwing pista.
"Viva Nuestro Señora de la Asuncion!" Malakas na sigaw galing sa mikropono sa simbahan kasabay ng tunog ng kampana. Narito ako ngayon, sa may simbahan upang masaksihan ang paglabas ng patron. Gaya ng ipinaalam ko dumiretso ako rito,katapat lamang kasi ng plaza ang simbahan.
"Viva!" Malakas naming tugon. Ito ang hinahanap-hanap ko sa Maynila. Doon ay siksikan ang tao na minsan ay maiinit na ang ulo. Ngunit dito sa aming bayan, kahit halos wala ng espasyo ay masaya pa rin ang mga tao.
Tumugtog ang banda at ganoon din ang mobil ni Mayor. Ang daraanan ng karakol ay paikot sa bayan, napakaraming tao lalo na at bispiras at napakarami ng tinda sa baratilyo. Nagsisigawan ang mga tao sa paglabas ng patron. Nakaramdam ako ng uhaw kaya pumunta muna ako saglit sa food bazaar malapit sa plaza. Nakapukaw sakin ang mga tindang yari sa habi at kawayan ng isang tindahan ito kasi ang produkto namin rito. Sa katunayan may Dagundong o Kawayan Festival kami tuwing ika-pito ng Setyembre.
"Ate isa nga pong buko." Pumukaw sa pansin ko ang tindang kakanin ni ate, may biko, sapin-sapin, kutsinta at ang bibingkoy na sikat sa aming bayan.
"Isa nga rin pong bibingkoy" dagdag ko.
Sa bayan na hindi kilala, simple lamang ang pamumuhay, parang walang problema tila lahat ay dinaraan sa tawa.
Sumama na ako sa karakol, ang masaya sa aming bayan iba't iba man ang relihiyon ay nirerespeto namin ang bawat isa.
Natapos ang karakol, dumilim na kung sa ibang lugar ay malilinis na ang kalsada, tuwing pista rito ay hindi mahulugang karayom sa dami ng tao kahit sa gabi dahil sa perya.
Nag-ikot ikot ako dahil nakaaaliw ang makikinang na ilaw mula sa mga rides at palaruan sa perya, nakakatuwang pagmasdan ang mga tao sa aming bayan. Matagal akong nawala, ngunit ang kasiyaham ay gaya pa rin ng dati.
Napagdesisyunan ko ng umuwi, hindi na kami nagkita ni Tiyo sa dami ng tao. Buti na lamang ay nadatnan ko si Tiyo na naghahalo ng ube, dati kami ng mga pinsan ko ang naghahalo para tumulong kay nanay.
"Tiyo! Kamusta po!" Bati ko sa kanya agad niyang binitawan ang malaking sandok na panghalo at niyakap ako.
"Bisoy! Nakakatuwa ang laki na ng pamangkin ko." Bati niya sa akin.
"Sumunod po ako sa inyo kanina, hindi ko na po kayo nakita."
"Naku naparami kasing tao pero ang saya ano? Dati ay pangko pa lang kita para makita mo ang paglabas ng patron. Kasama pa natin ang pinsan mo nakakalungkot lamang di sila makauwi gaya ni Ate Pina mo eh kasi naman kung uuwi siya, baka mawalan ng trabaho, bahite sigurado. Buti at nakauwi ka." (bahite-walang pera) Ramdam ko ang lungkot sa boses ni Tiyo Omel dati kasi ay sa ganitong panahon hindi na kami makatulog ng pinsan ko dahil sa galak na kinabukasan na ang pista. Ngunit halos lahat ay nagtatrabaho na iba ay sa Manila rin at iba ay sa ibang bansa.
Napatagal pa ang kwentuhan namin bago ako pumunta sa kwarto ko noon. Ang papag na may kutson ay maliit na sa akin, ngunit sanay ako mamaluktot dahil dati ay tabi tabi kami ng mga pinsan ko sa pagtulog.
Sa bayan na hindi kilala, masaya ang mga taong magsalu-salo tuwing pista.
Araw na ng kapistahan, mas dumami ang mga nagtitinda ng mga laruan at makukulay na sisiw sa daan may kulay murado,berde, asul at kahel. Hindi maipinta ang ngiti ng mga bata kapag nakakapanalo ng isa nito.
May nga ati-atihan kung tawagin na balot sa itim na uling o pintura ang katawan sumasayaw sa tugtog ng tambol ng kanilang kasama habang bumubuga ng apoy, delikado ito ngunit ginagawa pa rin nila hanggang ngayon.
Marami akong nakasalamuhang kamag-anak na matagal ko ng di nakita. Nagpaalam muna ako kay nanay upang magtingin tingin at gumala.
"Oh ineng kulang pa ng sampu ang pera mo para may kasamang kulungan." Narinig kong sabi ng isa sa nagbebenta ng sisiw kausap niya ang batang nasa anim hanggang pitong taong gulang.
"Natatakot po kasi akong hawakan yung sisiw. Wala po si mama nagsisimba." Malungkot na saad niya.
Nilapitan ko sila at inabot kay kuya ang bente pesos.
"Kuya ako na po ang magbabayad sa inyo na rin po ang sukli." Saad ko nginitian ko ang bata akma na sana akong aalis ngunit pinigil niya ako sa damit.
"Kuya salamat po." Sabi niya habang bitbit ang sisw na may maliit na kulungang gawa sa maninipis na wire.
"Taga saan ka ba?bakit nag-iisa ka? Dapat di ka nalabas ng walang kasama." Sa tantsa ko ay hindi laki rito ang batang ito dahil iba ang kanyang pananamit at pagsasalita, pamilyar ito sa akin, ang kanyang punto, matigas kasi ang punto sa bayan ko napagkakamalan kaming laging galit.
"Taga malayo po ako, bawal po sabihin sa di ko po kilala. " Natatawa ako sa sagot niya.
"Huhulaan ko Manila ano." Kita ko ang gulat sa mata niya, dito pa lang alam kong tama ako.
"Opo, tama po kayo." Sagot niya.
"Oh siya dapat umuwi ka na sa tinitigilan mo ngayon, wala kang kasama."
"Ngayon lang po ako nakapunta dito. Pero ayun po ang ate ko." Turo niya sa batang may edad na labing lima hanggang labing anim na bumibili ng lobo.
"Oh kaya nga dapat tandaan mo anong pangalan ng lugar na ito. Sige nga ano?"
"Hmm, bayan pong ito na di kilala sabi ni mama." Sabi ko na nga ba gaya ng dati, nakita kong papalapit na sa amin ang ate ninya.
"Bayan po ng Maragondon. Hindi po ito gaano kilala ng iba pero kilalang kilala raw po ito ni mama." Laking gulat ko sa sagot ng bata. Di ko namalayan ang ngiti sa aking labi habang nakita kong palayo ang bata kasama ang ate niya.
Ang bayang hindi kilala, ang bayan ng Maragondon sa Cavite, ang bayang ang pangalan ay mula sa salitang madagundong, ang bayang mayaman sa kultura at sining, ang bayang kinalakihan ko. Hindi ito kilala ng iba, ngunit kaming naninirahan o nanirahan dito ay hindi makakalimot dahil sa angking yaman at ganda ng kultura, ganon di ang masayahing tao rito na sapat na sa payak na pamumuhay.
Tama sa bayang hindi kilala ng marami, ngunit hindi malilimutan ng kagaya kong namulat sa ganda at yaman nito. Ang bayan ng Maragondon ay hindi kailanman hindi makikilala sa isip at puso ko.