Return to site

SA AKING SARILING WIKA

ni: SUMMER AMORA KEZIAH M. DY GUASO

I.

Sa edad ko na walong taong gulang,

Sa isip ay may ilang mga katanungan,

Paano nga ba nagsimula ang ating wika?

At bakit ang hindi daw magmahal nito ay higit sa malansang isda?

 

II.

Isang araw sa silid-aralan na ang paksa ay Araling Panlipunan,

Itinuro ni Gng. Julie na aking guro na ang wika daw ay ating kayamanan,

Ang Pilipinas ay naglalaman ng mga makukulay na kultura at tradisyon,

Aba, ako ay napangiti at nakinig nang mabuti sa kaniyang pagtatalakay at leksiyon!

 

III.

Ang Luzon ang pinakamalaking pulo o isla,

Wikang Tagalog dito ay kilalang-kilala,

Sa Aurora, Batangas, Bulacan, o Metro Manila,

Kahit tuwing Pahiyas Festival sa Quezon ay Tagalog din ang wika nila!

 

IV.

Biyaheng Visayas naman ang ating puntahan,

Sa sukat ito ay pinakamaliit pero wagi sa kulturang makabuluhan,

Sapagka't nadiskubre ito ng kilalang si Ferdinand Magellan,

Mga turista ay dumaragsa sa festival ng Ati-atihan, Sinulog, at Dinagyang!

 

V.

Lumipad naman tayo patungo sa Mindanao,

Sakay ng eroplano, ang ganda nito ay tanaw na tanaw!

Maguindanaon, Maranao, Tausug, Yakan, at Manobo ay iilan lamang na kanilang mga lengguwahe,

Kahit magkakaiba pa ating mga winiwika, ay PAGKAKAISA lamang ang pinaka mensahe

 

VI.

Hindi ko namalayan na patapos na pala ang aming klase,

Paalala pa ni Gng. Julie na ang wikang Filipino at banyaga at dapat balanse,

Isang karangalan na ito ay tawagin na sariling atin,

Pakamahalin, ibahagi, pagyamanin, at huwag na huwag lilimutin

 

VII.

Kada buwan lamang ba ng Agosto na ang wika ay ating maaalala?

Itanong sa sarili kung ikaw ba ay tunay na nagpapahalaga?

Pakinggan sana ang aking pakiusap para sa aking mga kapwa bata,

Paggamit ng ating wikang pambansa kahit saan mapunta ay gawin mo sanang panata!