Circa 2011
“Magandang umaga po, Ma’am Salve!” sabay-sabay na bati ng grade 6 students ko. Nakakatuwa dahil lahat sila ay masigla ang pagbati. Napangiti naman ako saka sinenyasan silang maupo. “Magandang umaga!” bati ko saka ipinatong ang bag sa teacher’s desk. Nagkuwentuhan ang iba sa kanila habang ang iba naman ay mukhang nagmamadaling gumawa ng takdang aralin na malamang ay nakalimutan nilang gawin.
Pinagmasdan ko ang buong classroom at nakitang may kalat sa likod. Mabilis na uminit ang ulo ko saka napakunot ng noo. “Wala bang naglinis sainyo? Sino ang cleaners kahapon? Bakit ang dumi sa likod?” pagalit kong tanong saka biglang natahimik ang lahat. Iyong mga nagsusulat ay biglang napahinto at iyong maiingay ay natutop ang bibig.
“Ga-graduate na kayo pero wala pa rin kayong disiplina sa sarili.” Mariin kong sabi saka malalim na bumuntong hininga. “Wala ba kayong natutuhan sa loob ng maraming buwan na magkasama tayo?” Patuloy ko ngunit walang umiimik sa kanila. Lahat ay nakayuko at umiiwas ng tingin. “Oh, ano? Wala ba talagang gagalaw at aayusin ang kalat?” Dagdag ko pa saka sila nagsimulang magsitayo at kumuha ng kaniya-kaniyang walis.
Pinagmasdan ko sila habang naglilinis. Biglang kumirot ang dibdib ko nang maalalang malapit na silang gumradweyt. Ilang araw na lang ay iiwan na nila ako. Sa sampung taon ko sa serbisyo, hindi pa rin ako nasasanay. Gayunpaman, masaya ako para sa kanila. Ganoon naman dapat. Bilang guro na tumatayo bilang pangalawang magulang nila, tungkulin kong turuan silang lumipad at pakawalan kapag natuto na.
Mapait akong napangiti ngunit nawala ang iniisip ko nang may marinig akong kalabog. Mabilis akong napatingin sa may pintuan at nakita si Angel na nakaupo sa sahig.
Nang magtama ang tingin namin ay mabilis siyang tumayo. Halata ang pagpigil niyang umiyak. Pinagpagan niya ang sarili niya saka diretsong tumingin sa akin.
“Good morning po, ma’am. Pasensiya na po, na-late ako.” Mahina at garalgal ang kaniyang tinig. Bumalik iyong kirot sa dibdib ko na naramdaman ko kanina. Pinagmasdan ko siya habang iika-ikang pumasok ng silid.
Kumukupas na ang kulay ng palda at naninilaw na ang dapat na kulay puting blouse.
Sa lahat ng estudyante ko, si Angel ang pinakamatalino ngunit hindi maikakailang kapos sa pera ang kaniyang pamilya.
Nang tuluyan siyang makalapit sa akin ay inabot niya ang aking kamay upang magmano. “Inasikaso ko pa po kasi ang mga kapatid ko. Sorry po ma’am, ‘di na po mauulit.” Aniya saka maglalakad na sana palayo nang hawakan ko siya sa balikat.
“Mag-usap tayo mamaya.” Tugon ko. Laking gulat ko nang makita ang pangamba at takot sa mukha niya.
Ngunit mas nagulat ako sa isinagot niya. “Sige po, ma’am. May sasabihin din po ako sainyo.”
-
“BAKIT HINDI?” Nagtataka kong tanong nang sabihin ni Angel na hindi siya makakasama sa pagmartsa sa graduation day nila.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa kaniyang bag. Halata ang takot at kaba.
“Wala po kasi kaming pambayad sa pagrenta ng toga at iyong iba pang dapat pang bayaran." Paliwanag niya.
Mahabang katahimikan ang umiral sa pagitan naming dalawa. Wala akong maisagot. Pati ako ay pinanghihinaan ng loob.
Ngunit bigla akong naliwanagan nang makaisip ako ng solusyon.
“May gagawin ka ba bukas?” Tanong ko na bumasag sa katahimikan.
Kumunot ang noo niya saka sumagot, “Wala naman po.”
Napangiti ako. “Sumali ka sa singing contest bukas. ‘Di ba kumakanta ka?”
Bakas ang pangamba sa kaniyang mukha ngunit dahan-dahan siyang tumango.
Lingid sa kaalaman ni Angel na doon na pala magsisimulang magbago ang landas ng buhay niya.
-
Sabi nila, lahat daw ng Pilipino magaling kumanta. Kaya sa tuwing may okasyon, hindi nawawala ang karaoke. Lalo na kapag Fiesta. Mamaya na iyong competition na gaganapin sa plaza at balak kong pagpraktisin si Angel sa karaoke na nirentahan ko.
At dahil nga piyesta, inilabas ko ang mga plato at baso na ginagamit lang kapag may bisita. Unti-unti na kasing nagsisidatingan ang mga tao sa bahay namin. Karamihan ay mga co-teachers ko. Iyong iba naman ay mga amiga’t amigo ng magulang ko. Mayroon ding dumating na bisita ang mga kapatid ko.
Matatanda na kasi kami ng mga kapatid ko pero sama-sama pa rin kami sa iisang bubong. Hindi kasi naman magawang iwan sina mama at papa. Kaya ayan, kasama ko sa kwarto ang mga pamangkin ko na hindi na kasya sa kwarto ng magulang nila.
Kapag Pilipino talaga, hindi uso ang home for the aged dahil habambuhay na ang mga anak ang mag-aalaga sa magulang nila.
Napabuntong-hininga na lang ako saka pinuntahan ang mga bisita ko. Ngunit bago pa man ako makalapit sa kanila ay biglang tumahol ang mga aso namin. Mukhang may panibagong bisita.
“Ma’am!”
Mabilis akong napalingon sa boses na kanina ko pang hinihintay. Si Angel pala.
Mabilis ko siyang pinagbuksan ng gate at agad siyang nagmano. Napakagalang talagang bata. Mukhang maganda rin ang mood niya ngayon dahil abot langit ang ngiti niya.
‘Di maikakailang mas maaliwalas ang mukha ngayon ni Angel. Nakasuot din siya ng puting bestida na mas ikinatuwa ko. “Ang ganda naman, nak.” Bati ko sa kaniya na ikinangiti naman niya.
“Salamat po. Happy Fiesta po ma’am.” Tugon niya saka ko siya sinamahan papasok ng bahay.
Iginiya ko siya sa loob ng bahay saka mabilis na inalok ng pagkain. Nahihiya pa siya noong una pero napilit ko namang kumain nang marami. Pinabaunan ko pa ng ulam na pwede niyang dalhin sa kanila. Natawa lang ako dahil nag-request siya ng extrang lumpiang shanghai. Hindi naman ako nag-atubiling bigyan siya.
“Anong kakantahin mo?” Tanong ko nang iabot ko sa kaniya ang mikropono.
Ngumiti lang siya saka tahimik na naghanap ng kanta sa song book.
-
“Di pa rin makapaniwala
Sa lahat ng nangyayari
Pangarap parang kailan lang
Sa panaginip ko'y nakita
Ngayon ay dumating
Nang bigla sa aking buhay
Di naubusan ng pag-asa
Ako'y nanalig sa
Isang pangarap
Ako'y naniniwala
Ako ay lilipad
At ang lahat makakakita…”
Hindi ko na maiwasang maluha habang pinapanood ang pagkanta sa entablado ni Angel. Damang-dama ko ang emosyon niya sa bawat salitang pinapakawalan niya. Handa na talaga siyang lumipad.
Natapos ang patimpalak at inanunsiyo na ang mga nanalo. Bagaman hindi siya nakapasok ng top 3, may premyo pa rin siyang nakuha dahil pasok naman siya sa top 5. Sobra pa sa pambayad para sa graduation ang perang natanggap niya. Ito ang unang beses na nakita ko siyang umakto na angkop sa edad niya. Iyong hindi niya kailangang magpanggap na mature. Iyong lumalabas ang pagkakulit niya at wala siyang iniisip na problema.
“Aasahan kita sa graduation, ha?”
“Opo. Salamat po talaga, ma’am. Kung ‘di po dahil sainyo, hindi siguro ako makakaranas na umakyat ng stage.” Emosiyonal niyang tugon.
“Bukas, sumama ka sa akin. Manonood tayo ng parade saka pageant. Pupunta rin tayong peryahan.” Sabi ko saka siya napalundag sa galak.
Ito ang unang piyesta na sobra akong natuwa. Ito ang isa sa mga kultura at tradisyon nating mga Pilipino na pinapasalamatan ko.
Dahil sa okasyong ito, may isang pangarap na natupad.
-
Circa 2021
“Nanay, tatay, gusto kong tinapay
Ate, kuya, gusto kong kape…”
Naglalaro ang dalawa kong anak habang ako ay nakahiga sa duyan at nagbabasa ng balita sa facebook.
Christmas break na kasi kaya bwelo na naman sila sa kung anong gusto nilang gawin.
Sobrang nababad din sila sa gadgets dahil sa online class kaya pinaglaro ko muna sila sa labas.
Papapasukin ko na sana si Dada at Dodo sa loob ng bahay dahil hapon na nang biglang tumahol ang aso namin. Ibig sabihin ay may tao sa labas.
Nang makalapit ako sa gate, may isang babaeng nakasuot ng mamahaling puting dress.
“Sino po sila?” tanong ko.
Mabilis namang nawala ang tuwa sa mukha niya at may inilabas na litrato galing sa bag niya. Iniabot niya ito sa akin at nang makita ko ang nasa litrato, muling bumalik ang alaala ko sa taong 2011.
Sa litrato ay isang batang babae na nakasuot ng toga at may sandamakmak na medalya.
Mabilis ko siyang pinagbuksan ng gate saka tumitig sa mukha niya. Inabot niya naman ang kamay ko upang magmano.
“May lumpiang shanghai po ba kayo, ma’am?”
-WAKAS-