Return to site

PUNLANG PAG-ASA

ni: ERWIN JOSEPH D. DUMELOD

May mga pagkakataong dumarating ang mga unos sa buhay.

Ikaw? Paano mo hinaharap ang mga ito?

Walang mapagsisidlan ng tuwa si Mang Bert nang masilayan ang mataas na salansan ng mga kaban ng palay mula sa sinasakang bukid dahil sagana sila sa ani ngayong taon. Halos mangilid-ngilid ang luha ng tuwa sa mga mata nito na punong -puno ng pasasalamat na ibinaling ang paningin sa maliwanag na kalangitan.

“Panginoon, maraming salamat sa biyayang kaloob mo sa aming pamilya.” usal ni Mang Bert.

“Mukhang makababawi tayo ngayong anihan a Tiyo Bert!” masiglang sabi ng kamag-anak niyang magsasaka na si Mario.

“Talagang mabait ang Panginoon, Mario. Siguradong matutuwa ang Tiya Meng mo kapag malamang marami tayong ani ngayong taon.” may ngiting sabi ni Mang Bert kay Mario.

“At may karagdagang pantustos na naman sa pag-aaral ng aking kaisa-isang anak na babae.” dagdag nito kay Mario.

Dahil dito, lalong pinagsumikapan ni Mang Bert ang paghahanapbuhay. Hindi lang sa pagtatanim ng palay ang pinagtuunan niya ng pansin. Sinubukan rin niya ang pagtanim ng mga gulay. Hindi siya nagkamali sa kanyang desisyong mamuhunan sa paggugulay. At ito ang nagdala ng marami pang biyaya sa kanilang pamilya.

Hindi inalintana ni Mang Bert ang gutom, pagod, sakit ng katawan, ang hirap ng gawain, ang init ng araw at lamig na dulot ng ulan sa paggawa sa bukid. Halos lahat ng oras ay ginugugol niya dito. Doble-kayod siya. Walang pahinga. Walang pinipiling araw sa paggawa. Walang tigil sa pag-aasikaso sa kanyang mga taniman. Siya ay inspirado at at diterminado dahil malapit nang matapos sa kolehiyo ang kaisa-isang niyang anak na babae na nag-aaral ng accountancy sa Maynila.

“Naku, gabi na…..wala pa si Bert. Ang aga-aga niyang nagtungo sa bukid…lumubog na ang haring araw..hanggang ngayo’y wala pa siya. Baka kung ano na ang masamang nangyari sa aking mahal.”, pag-aaalalang nasambit ni Aling Meng sa kanyang sarili.

Pagkaraan ng ilang sandali, narinig niya ang sigaw ni Mario mula sa tarangkahan ng kanilang bahay. Bigla siyang kinabahan. At dali-daling lumabas ng bahay si Aling Meng.

“Mario, anong maipaglilingkod ko sa iyo.” nangangambang tanong ni Aling Meng.

“Ihahatid ko lang po si Tiyo Bert.” pahingal na tugon ni Mario na kasama ang Tiyo na mahinang mahina.

“Anong nangyari sa tiyo mo, Mario.” tanong ni Aling Meng na kinakabahan at natataranta. Dali-daling tinulungan si Mario na iakyat sa bahay ang nanghihinang si Mang Bert.

“Nadatnan kong nakahandusay sa kubo si Tiyo Bert na walang malay. Marahan kong binangon at pagkaraan ng sandali siya po ay nahimasmasan at inalalayan kong isinakay sa aking kariton”, kuwento ni Mario kay Aling Nena.

Maingat na pinunasan ni Aling Meng ang buong katawan ni Mang Bert at pinalitan ang damit nito habang mahimbing na natutulog.

Kinaunagahan, parang walang masamang nangyari kay Mang Bert. Wala siyang maalala na siya ay nawalan ng malay sa bukid kagabi. Ngunit mababakas sa kanyang mukha ang kaunting panghihina na nagtungo sa hapag-kainan. Ngunit balewala ito sa kanya.

“Musta na pakiramdam mo, mahal ko?” magiliw na tanong ni Aling Meng sa asawa.

“Okey naman ako…” maikling sagot sa asawa na naghahain ng almusal.

“Wala ka bang maalala kung anong nangyari sa’yo kagabi sa bukid? pag-uusisa ni Aling Meng. Walang kibo at sagot sa tanong ng kanyang asawa.

Pagkatapos mag-almusal ni Mang Bert, dali-dali niyang kinuha ang kanyang gulok at salakot sa dinding.

Nang makita ni Aling Meng na palabas na ng bahay si Mang Bert, mabilis na pinigilan ni Aling Meng ang asawa na pumunta sa bukid. Kinausap siyang magpahinga na lang muna. Dahil sa pagmamakaawa ng asawa, di na siya nagtuloy sa bukid.

“Bert, magbihis ka at punta tayo sa pagamutan para magpa-check ka….”, malambing na utos ni Aling Meng.

Sa pagamutan, matamang inasikaso ng mga nars at doktor ang pangangialangan ni Mang Bert. Masusing tinatanong si Mang Bert may kaugnayan sa kanyang kalusugan. Pagkaraan ng ilang oras, binasa at sinuri ng kanyang doktor ang resulta ng kanyang mga laboratories. At ipinahayag sa mag-asawa ang kalagayan ng kalusugan ni Mang Bert.

Walang kakibo-kibo si Mang Bert. At masasalamin sa kanya ang biglang panghihihna at pamumutla. Pinayuhan ng doktor na bigyang pansin ang kanyang paggaling at binigyan ng mga pamaraan sa mabilis na paggaling nito sa kanyang natukalsang sakit. Di niya matanggap ang sinabi ng manggagamot na may sakit siya sa dugo.

 

“Hindi yan totoo mahal ko! Wala akong sakit….. bulong ni Mang Bert. “Mabilis kang gagaling mahal ko kung susundin natin ang payo ng doktor…gagaling ka sa madaling panahon……. pangganyak ni Aling Meng.

Inasikaso ni Aling Meng ang lahat ng mga pangangailangang ni Mang Bert para sa mabilis na paggaling ng asawa.

Mahinahong niyaya ni Aling Meng ang asawa palabas ng pagamutan. Pilit na pinagagaan ang loob. Pilit na inaalo ang asawa.

Pagkaraan ng isang linggong pamamahinga sa pagbubukid, bumubuti na rin ang kalagayan ni Mang Bert. Si Mario na pinsan ni Mang Bert ang pansamantalang kahalili niya sa pag-aalaga sa mga pananim sa bukid. Upang malibang at mapanatag ang kalooban ni Mang Bert, linggu-lingo silang nagsisimba.

Tahimik na nakikinig ng radyo si Mang Bert sa sala habang naghahanda ng miryenda si Aling Meng. May narinig siyang kumakatok sa pintuan. Tumambad sa kanyang harapan ang ang nag-iisang anak ni Mang Bert na si Angela. Nagmano at niyakap ang amang walang kakibu-kibo. Masayang-masaya si Aling Meng.

Nabigla sila nang ipinakilala ni Angela ang kanyang kasama. Kinuha ni Mark ang kanang kamay ni Mang Bert para magmano, ngunit hindi siya nito pinansin. At biglang tumulo ang luha sa mga mata ni Angela na humarap sa mga magulang.

“Tay, Nay…patawarin po ninyo kami ni Mark. Di ko nasunod ang mga pinangako sa inyo. Ako po’y buntis, nahihiyang pahayag ni Angela sa kanyang Tatay at Nanay.

“Wag po kayong mag-alala, pakakasalan ko po ang inyong anak at ipagpapatuloy po naming ang aming pag-aaral. Ipangangako po naming makakapagtapos kami sa pag-aaral. Mahal na mahal ko po si Angela. Humihingi po ako ng tawad. Sana’y mapatawad po ninyo kam.” mapagkumbabang pahayag ni Mark sa mga magulang ng kanyang kasintahan.

“Panginoon, bakit ganito? Bakit mo ako binigyan ng mga ganitong problema sa buhay? Diko matatanggap ang mga ito? Bakit ako?” Pagalit na tanong ni Mang Bert na may kasamang hinanakit at biglang siyang napaluha. Mahigpit na niyakap ni Aling Meng ang asawa.

“Umalis na kayo! Ayaw ko kayong makita…ituring niyo na lang na patay na ako! Walang silbi ang pagsususmikap ko sa buhay!” patangis na pahayag ni Mang Bert sa kanyang anak at kay Mark.

Di na rin mapigilan ni Aling Meng ang umiyak. Kahit mabigat sa loob niya sa sinapit ng anak. Nagpapakatatag siya. Niyakap ang anak nang mahigpit.

“Mas mainam na bumalik muna kayo sa Maynila, Mark.” Marahang pahayag ni Aling Meng.

Mark, “wag mong pababayaan si Angela at ang magiging apo namin…Magpakatatag kayo…Manalig sa Panginoon. Matatanggap di kayo ng inyong ama….. mahinahong pakiusap ng inang umiiyak.

“ Wag kayong mapagod magdasal sa Panginoon. Alam ko, maaayos din natin ang mga unos sa buhay natin. Payo ng isang inang pilit na nagpapakatatag sa gitna ng pagkalugmok habang hinahatid ang mga bata pababa ng bahay.

Ilang araw ring nagkukulong sa silid si Mang Bert. Malaki ang pinagbago ng kalusugan. Ang dating masayahin ngayo’y malamlam ang mukha, ang dating punung-puno ng buhay ngayo’y napalitan ng kawalang pag-asa.

Sa kabila ng mga masalimoot na pangyayari sa buhay, di pa rin napapagod si Aling Meng na nagpapalakas ng loob ng asawa na payuhang magtiwala sa Panginoon. Di rin siya tumitigil sa pagbisita sa kanyang anak at apo. Kakikitaan sa kanya ang tunay na anyo ng isang ilaw ng tahanan, laging pinapayuhan ang asawa at anak na magpakatatag at laging manalangin at manalig sa Diyos.

“Anak ang lahat ng problema ay may solusyon. Masakit ngunit ang tanging magagawa lang ay ang maging matatag, maging panatag ang ating damdamin. Ayaw kong isa o dalawa sa ating pamilya ay mawawalan ng pag-asa sa buhay,” maluha-luhang pahayag ni Aling Meng sa anak.

“Alam ko lagi kang naaalala ng iyong ama at nasasabik kang mauakap, makausap at makita. Di lang niya ipinakikita sa akin at sa ngayo’y unti- unti nang gumaganda ang kalusugan ng iyong ama, balita ni Aling Meng sa anak sabay yakap dito.

Sa wakas natapos na rin ni Angela ang kursong BS Accountancy at nakapasa na sa board exam. Nabiyayaan sila ni Mark ng isang malusog na batang lalaki. Pinangalanan nilang Niño, ang bagong anghel ng pamilya ni Mang Bert. Samantalang si Mark ay nasa huling taon na ng pag-aaral sa kursong medisina.

Kahit ganun pa man ang angyari sa kanila. Patuloy pa rin ang pagpapalakas ng loob at pananampalataya ng mga mahal sa buhay lalo na kay Mang Bert. Dahil sa ginagawang pagpapakatatag, unti-unting nanunumbalik ang kalusugan at pananaw ng kabiyak sa buhay. Ngunit may mga pagkakataong pagbagu-bago ang pag-uugali ni Mang Bert. Sila’y laging magkasamang nananalangin.

Isang araw, habang nakaupo sa tarangkahan na pinagmamasdan ang asawang naglilinis sa bakuran at hardin nang biglang natuon ang pansin sa mga bagong usbong ng mga punla sa isang bahagi ng kanilang hardin.

Maigi niya itong pinagmasdan. Isa….dalawa….tatlong ulit na pinagmasdan. Agarang bumaba at nagtungo sa hardin. Nagagandahan at nahihiwagaan siya sa mga punla. Nilapitan niya ang mga ito at hinukay. Ang mga kamay ay naputikan. Matagal niya itong pinagmasdam. Ang mga ito ay nagbigay sa kanyang sarili nang ibayong sigla. Inilagay ang mga ito sa isang malaking sako na may mga matatabang lupa,

Maya-maya pa’y may narinig siyang tawa at sigaw ng isang bata.

“Lolo Bert! Lola Meng!”, sigaw ng isang malaanghel na batang lalaki.

Tumambad sa harapan ni Mang Bert ang isang malusog na batang nagmano at yumakap sa kanya.

“Mano po tay, kumusta na po kayo” sambit na anak na nahihiyang nagmano sa ama.

“Tay, si Niño po, ang inyong apo,” pagpapakilala ni Mark kay Mang Bert.

“Ang gwapo naman ng aking apo. Kamukhang-kamukha ko a….masayang tugon ng ama.

“Tay, sana napatawad niyo na kami,” sabi ni Mark.

“Mga anak, wala nay un,” masayang sagot ni Mang Bert kina Angela at Mark.

Nakadama ng kaluwalhatian si Aling Meng sa nasaksihan. “ Salamat Panginoon…,” tanging nasambit sa sarili.

Nakita niyang masayang-masaya sina Angela at Mark. Napagtanto ni Angela na tama ang lahat ng mga payo ng kanyang ina sa tuwing bumubisita siya sa Maynila.

“Tara sa loob ng bahay.Pagsaluhan natin ang inihandang pagkain ng inyong nanay. Alam ko paborito mo iyon anak, paanyaya ni Mang Bert na kalung-kalong ang malaanghel na apo.

“Tay, Junior Accountant na po ako sa isang kilalang kompanya sa Maynila,” masayang balita ni Angela sa ama.

Masayang nagkuwentuhan ang mag-ama na yakap-yakap ang apo. At niyaya ni Mang Bert ang buong pamilya sa bukid upang itanim ang mga punlang hinukay sa bakuran.

“Diyos ko, maraming salamat, natupad din ang aking mga dasal na maging buo at muling maging masaya ang aming pamilya,” usal ni Aling Meng sa sarili.

Masayang napaluha si Aling Meng sa nasaksihang magandang kaganapan. At sa pagkakataong iyon, lalong tumibay ang pananampalataya at pagmamahal ni Aling Meng sa Diyos at sa pamilya na siyang nagpabuklod muli sa mag-anak.

Kasabay ng paglaki ni Nino ang siyam na punlang itinanim ng pamilya sa kanilang bukid ang siyang nagbigay ng katatagan, kasaganaan at pagkakabuklod-buklod muli ng pamilya.